Entry 3: Nagkasala Ako

116 8 4
                                    

"AHHHHH!"

Hindi natinag si Baldo mula sa pagkakaluhod sa harap ng kalan nang marinig ang malakas na sigaw. Nakasanayan na niya ito sa loob ng mahigit isang taon.

Pigil nito ang nagbabantang paggulong ng mga luha. Nakakasawa na rin lalo pa't wala namang nagagawa ang bawat patak upang baguhin ang kanilang tadhana.

"Kuya, umiiyak si Nene!"

"Maglaro muna kayo sa labas ni Mimi, pero huwag kayong masyadong lalayo dahil malapit nang maluto itong lugaw."

Sinundan ng tingin ni Baldo ang dalawang nakababatang kapatid, walo at siyam na taong gulang. Onse na siya habang pito si Nene na ngayon ay pinapahirapan ng sakit na leukemia.

"Kuyaaaaa!"

Tumayo si Baldo at tinungo ang kinalalatagan ng mga pinagdikit-dikit na karton kung saan nakaratay ang kanilang bunso, hapis ang mukha at larawan ng munting anghel na lumalaban sa kamatayan.

Inilapit na niya ito sa mga ahensiya ng gobyerno, pero sa una lang sila pinagtuunan ng pansin. At dahil mabigat sa bulsa ang araw-araw na gamot kahit pampublikong ospital ang pinagdalhan sa kanila, isinuko rin sa huli ang pagtulong ng mga ito na tulad ng isang buwayang pulitiko na gumawa pa ng iba't ibang dahilan at kasinungalingan upang itigil ang huwad na pagiging good samaritan.

Humingi din siya ng suporta sa DSWD at PCSO, ngunit sa edad niya ay naging bingi ang mga ito sa kanyang hinaing.

Ginawa niya ang lahat upang maibsan ang paghihirap ng kapatid. Natuto siyang magnakaw at magpagamit sa pagtutulak ng droga upang magkapera. Ganito ang kanyang mundo, MAKASALAN.

"Kuya, masakit na naman!"

Naupo si Baldo sa tabi ng kapatid at pinunasan ng bimpo ang pawisan nitong mukha. Kung puwede lang sanang ipalit ang sarili, matagal na niya itong ginawa.

"Kuya, masakit na masakit na!"

"Alam ko." Pigil na pigil nito ang pagsabog ng emosyon, "Alam ni Kuya na nahihirapan ka na."

"Ayoko na. Gusto ko nang maglaro!"

Kinarga ni Baldo ang umiiyak na kapatid at buong pagmamahal na pinahid ang mga luha nito sa pisngi. "Ang kailangan mo ay pahinga," sabay halik sa noo ng bata. "Matulog ka na. Paggising mo, puwede ka na uling maglaro."

"Talaga, kuya?"

Tumungo si Baldo at agad iniiwas ang tingin upang hindi mabasa ang kanyang pagsisinungaling.

Marahang nitong idinuyan sa mga bisig ang kapatid hanggang makatulog ito. "Patawad, Nene."

----

MABIBIGAT ang hakbang ni Baldo habang inaakyat ang ilang baytang ng hagdan patungo sa lugar na matagal din niyang iniiwasan.

Sabi ng mga tao, nagkakatotoo lahat nang hilingin dito. Naninawala siya, pero wala namang natupad sa kanyang mga naging dasal.

Tinungo ni Baldo ang gitnang upuan at hinayaang sakupin ang isip niya ng katahimikang namamayani sa buong paligid.

Iniwasan nito ang muling mapatingin sa unahan ng altar kung saan ay tila nang-uusig ang mga mata sa kanya ng nakapako ditong imahe.

Tama lang ang ginawa niya at tiyak na mauunawaan siya ni Nene. Walang dapat sisihin kundi ang kanilang mga magulang na matapos silang iluwal ay basta na lamang iniwan.

Wala na siyang matandaan sa kanyang kabataan. Nagising na lamang siya isang araw na pasan na niya sa balikat ang pag-aalaga sa tatlo pang kapatid.

Madalas niyang itanong sa sarili kung bakit masyadong napakahirap ng kanilang kamusmusan? Kahit nga disenteng pangalan ay wala sila maging petsa ng kapanganakan. Lansangan ang kanilang palaruan, tahanan nila'y sa ilalim ng tulay at pamumulot ng basura ang ikinabubuhay.

Hindi patas ang mundo. Hindi malinaw ang kanilang pagkakabuo. Tila ba ang kanilang pagsilang ay upang magdusa at imulat sa kahulugan ng sakripisyo.

Mabilis na tumayo si Baldo matapos magawa ang pakay niya sa lugar na iyon, ngunit bigla itong mapahinto nang mapansin ang pagpasok ng nakaabitong pari sa loob ng confession booth.

Hindi alam ng bata kung anong puwersa ang nagtulak sa kanya para tunguhin ang kabilang bahagi. Medyo may kadiliman dito. Masikip at tanging pang-isahang upuan lang ang narito. Mayroong kuwadradong bintana na may maliliit na butas at pumapagitna sa dalawang umuukupa ng sagradong kumpisalan.

"Anak?"

Bahagyang napapitlag ang bata sa pagkakarinig ng tinig. Dahan-dahan itong naupo at pinalipas muna ang ilang sandali bago nagsalita. "Father, nagkasala ako."

"Sige, anak. Makikinig ako."

Bumaba ang mukha ni Baldo at tumitig sa maruming mga kamay. "Mahal ko siya kaya ayokong makita na patuloy siyang nahihirapan. Kung dito ay wala siyang kasiyahan at kalayaan, baka sa kanyang pupuntahan, magkaroon na siya ng magandang buhay."

"Hindi kasalanan ang magmahal, ngunit kailangang hindi lang mabuti ang iyong hangarin kundi dapat malinis din ang puso."

Mapait na napailing si Baldo. Walang makakaunawa sa tulad niyang maagang namulat sa responsabilidad.

Tumayo na ito at patakbong nilisan ang lugar. Mabilis namang lumabas ang pari na akto sanang susundan ang bata nang matigilan ito.

Kunot-noong nilapitan ni Father Mariano ang isa sa mga upuan nang may mahagip ang mga mata dito.

Tumambad sa pari ang batang babae na unat at hindi gumagalaw sa pagkakahiga, ngunit nakasilay sa labi ang isang ngiti.

Ngiti ng paglaya nito sa sakit at kahirapan...

-WAKAS-


AuditionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon