Entry 14: Artipisyal

118 5 10
                                    

Isa siyang pangkaraniwang bata sa mata ng lahat.

Isang paslit na walang ibang gustong gawin kundi lumundag, tumakbo, maglagalag sa kung saan, at kumain. Isang bata na walang muwang sa mundong kinagagalawan at uhaw sa lahat ng impormasyon na pwede niyang malaman. Isang munting nilalang na walang kakayahang protektahan ang sarili at umaasa lamang sa mga taong kinikilala niyang tagapag-alaga.

Pero iba siya. Alam niyang naiiba siya. Simula noong imulat niya ang mga mata ay alam niya na agad na kakaiba siya. Simula noong marinig niya ang maganda at masiglang boses ng babaeng nagpakilalang kanyang ina ay alam niya na. Iba siya.

Sa kabila ng pagiging iba ay ipinakilala siya ng mga magulang sa mundong kinabibilang lamang nila. Isiniksik nila sa isip niya na normal siya, na kagaya ng ibang bata pwede siyang tumakbo, lumundag, tumawa, makipaglaro sa iba, matulog, at pwede kahit ang pumasok ng eskwelahan. Lahat ng impossible ay ginawa nilang possible para sa kanya. Para sa kanya na tinatawag nilang 'anak'.

Pero iba siya. Hindi siya normal. Iba siya sa ibang bata na nasa paligid niya. Hindi siya katulad ng mga ito na kailangan kumain at maligo araw-araw. Hindi siya katulad ng mga ito na mabilis mapagod kapag naglalaro. Hindi siya katulad ng mga ito na kinatatakutan ang dilim, kidlat, at halos lahat na lang ng bagay. Kaya niya kahit siya lang mag-isa. Kaya niyang protektahan ang sarili niya. Hindi siya madaling masugatan o masaktan. Dahil iba siya.

Minsan niya na ring naitanong sa sarili kung ano ang ginagawa niya sa mundong hindi para sa normal na tulad niya. Kung bakit niya kailangan mabuhay na parang isang normal na tulad ng iba. Kung bakit ang tulad niyang kakaiba ay pilit binigbigyan ng espasyo sa mundong hindi siya kabilang. Kakaiba siya. Alam niya. Pero sa tuwing nasisilayan ng mga mata niya ang ngiting gumuguhit sa mukha ng mga magulang ay nawawala ang mga agam-agam at mga katanungan sa isip niya. Siya ang nagbibigay ligaya sa mga ito. Siya ang dahilan kung bakit puno ng buhay at kulay ang tahanan nila. Kaya naman ipinagpatuloy niya ang pagpapanggap, niloko ang lahat pati ang sarili na isa siyang normal na bata. Ang ngiti ng mga magulang lang ang importante para sa kanya. 'Yun lang. At misyon niyang ingatan ang mga ngiting 'yun kahit ano pa mang mangyari. Kahit pa kakaiba siya.

Isang hindi inaasahang pangyayari ang dumating isang umaga. Nasangkot sa isang aksidente ang bus na maghahatid sana sa kanila sa eskwelahan. Maraming bata ang nasaktan. Hindi siya kabilang sa mga iyon. Bakit siya masasaktan? Kakaiba siya. Ngunit nang makita niya kung paano humiwalay ang maikli niyang braso sa munti niyang katawan ay nataranta siya.

Pumula ang paligid. Umalingawngaw ang nakabibinging tunog na tanging siya lang ang nakakarinig. Kasabay 'nun ang pagpapakawala ng matinis na iyak ng lalamunan niya. Sumabay sa ibang bata ang pagsusumamo niya. Hindi siya nasasaktan. Wala siyang sakit nanararamdaman. Pero kailangan niyang umiyak. Utos 'yun ng bagay na nasa ulo niya. Kung masaya, dapat ngumiti. Kung malungkot, dapat sumimangot. Kung natatakot, dapat sumigaw. Kung may masakit, dapat umiyak. Hindi niya alam ang ibig sabihin ng mga 'yun. Hindi niya pa nararamdaman ang alin man sa mga bagay 'yun. Subalit utos 'yun ng bagay na nasa ulo niya. Kailangan niyang sundin. Kakaiba siya. At 'yun lang ang dapat gawin ng mga tulad niya. Ang sumunod.

Kumalma siya nang matanaw ang mga magulang sa 'di kalayuan. Nagkukumahog ang mga ito na makalapit sa mga nakahelerang bata na nilalapatan ng paunang lunas. 'Sing kulay ng papel sa kaputlaan ang kanyang ina nang makita siya samantalang balot ng takot ang itim na mga mata ng kanyang ama. Wala ang ngiti na laging niyang nakikita sa mga labi ng mga ito. Ang ngiting nagpapasigla sa kanya. Nilapitan siya agad ng ama at walang pasubali na binuhat palayo sa pinangyarihan ng aksidente.

"Maging okay lang ang lahat, anak. 'Wag kang bibitiw ha? Aayusin ka ni Daddy." Nahulog sa pisngi niya ang mga luha ng kanyang ina. Umangat ang isa niyang kamay upang damhin ang mga butil ng tubig na iyon. Tubig. Tubig na kaya niyang hawakan pero hindi kayang maramdaman. "'Wag mo kaming iiwan ni Daddy ha?"

Tumango siya. Kahit hindi niya alam ang ibig sabihin ng sinasabi nito, tumango pa rin siya. Ang alam niya lang ay kailangan niya ng matulog. Sinasabi ng nasa ulo niya na kailangan niya ng matulog. Sumunod siya. Ipinikit niya ang mga mata. Bukas, alam niya, magigising ulit siya. Magiging malakas siya ulit. Makikita niya ulit ang mga ngiti ng mga magulang. 'Yun lang naman ang importante sa kanya eh. Ang ngiti na gumuguhit sa mga labi ng mga ito. Bukas, magiging isang normal na bata ulit siya.

Siyensya ang nagbigay daan upang siya ay mabuo. Tao ang nagdesinyo at gumawa sa mga tulad niya. Wala siyang puso. Wala siyang utak. Kuryente ang nagbibigay buhay sa kanya, isang maliit na microchip ang humahawak sa lahat ng alaala niya, ang kumokontrol sa kanya. Kakaiba siya. Alam niya. Iba siya sa pangkaraniwang bata.

Siya na gawa sa metal ay binuo para bigyan ng kaligayahan ang mga magulang niya. Siya na literal na may tornilyo sa katawan ay binuo para maging isang anak. Isang anak na magbibigay saya sa ilaw at haligi ng tahanan. Isang anak na kokompleto sa pamilyang pinapangarap ng bawat mag-asawa. Isang anak na gagawing lakas at inspirasyon para harapin ang pagsubok na ibabato ng buhay.

Kahit hindi man siya gawa sa dugo at laman, alam niya, mahal siya ng mga magulang niya. Nilagay nila siya sa mundo na hindi siya dapat ibilang. Binigyan siya ng mga ito ng espesyal na espaspo sa puso nila.

Siya na kahit isang lamang piraso ng makina.

Siya na hindi normal.

Siya na kakaiba.

Siya na isang artipisyal.



AuditionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon