Cure #2: Cielo

363 10 7
                                    

Cielo

ELEMENTS:
Illusionist & A person who controls human emotions.

~

"Nasaan na ang lingguhang sahod ko?" walang emosyong tanong ni Boss Cardo sa aking ama. Nakaupo ito sa upuang laan lang para sa kaniya, habang nakayuko sa harapan niya ang aking mga magulang katabi ko.

Simula ng magkaisip ako, ang perya na ang kinagisnan kong buhay at itong taong ito ang tanging nagpapahirap sa aming mga taga-perya. Sa pagkakaalam ko, mas matanda ang aking ama sa lalaking itong laging may hawak na baril. Subalit, kung alipustahin niya ang aking ama ay sobra-sobra. Boss Cardo siya ng lahat, dahil siya raw ang aming amo. Pero nagtataka ako. Sa edad kong labing-isa, ilang beses ko nang tinanong ang aking ama.

"Bakit po natin sinisuwelduhan si Boss Cardo? Eh, tayo nga po ang nagtatrabaho. Hindi po ba dapat tayo ang sinasahuran, hindi siya?"

Ganoon daw talaga, palaging sagot ng aking mga magulang at kahit ng iba pa.

Nakakalito...

Nakakapagtaka...

Pero, ganoon daw talaga.

"Eh, bossing. Mahina po kasi ang magic ngayon. Wala rin pong raket sa mga ekstrang birthday party. Baka puwede pong sa susunod na linggo na lang?" napapakamot sa ulong tugon ng aming padre de pamilya.

Napakapit sa braso ni Itay si Inay ng biglang hampasin ni Boss Cardo nang malakas ang lamesa. Pati ako ay nakadama nang takot, kaya mabilis akong nagtago sa likod ng aking mga magulang.

"Ginagago mo ba ako Gary?!" Kita ko sa pagitan ng aking mga magulang ang pagkuyom ng palad at panlilisik ng mga mata ni Boss Cardo, tanda na siya ay talagang galit na.

"Naku, Boss Cardo hindi naman sa ganoon. Pangako talaga, sa susunod na linggo, asahan mong iaabot ko mismo." Mahigpit na hiwakan ni Itay ang kamay namin ni Inay. Pakiramdam ko, sa amin siya kumukuha ng tapang para harapin si Boss Cardo.

Kilala kasi ito ng lahat, lalo na ng mga taga-perya. Tuso at gahaman pagdating sa salapi. Walang ibang sinasamba kung hindi ang pera, pera at pera lang. Hawak nito sa leeg ang lahat. Walang pumapalag dahil tiyak ang kamatayan kapag nagkataon. At wala rin naman kasi kaming mapupuntahan, kaya tinitiis namin ang ginagawa nito. Dahil sabi niya, kaniya raw ang lupang kinatitirikan ng perya. Dapat, ang lahat ay magbigay.

Hindi kami palipat-lipat ng lugar gaya ng iba, dahil mahirap ang ganoon. Dinadayo naman ang lugar namin kahit hindi ito kalakihan. May araw na matumal pero meron din namang maganda ang pasok ng pera.

"Sige, isang linggo. Pero sa loob ng itinakda mong araw at hindi ka tumupad, alam mo na ang mangyayari." Makahulugan pa itong sumuyap sa aming mag-ina.

Nahihintakutan namang tumango-tango si Itay at kaagad kaming hinila para umalis sa lugar na iyon. Nadaanan pa namin ang dalawang bodyguards ni Boss Cardo na nakaantabay sa pinto, pawang nakangisi at may mga hawak na baril. Hinawakan pa ako ng isa sa ulo sabay sabing 'sige totoy'.

Sumulyap akong muli kay Boss Cardo na matiim na nakatingin sa amin bago kami tuluyang lumabas.

***

Narito na naman ako sa paborito kong lugar. Lugar kung saan tanging ako lamang ang nakakaalam. Nakaupo sa nakausling bato habang yakap ang sariling tuhod.

Pinagmamasdan ko ang umaagos na tubig sa falls, sa loob mismo ng kuweba nito. Oo, nasa loob ako ng kuweba na ang bukana ay ang falls. Nadiskubre ko ito ng muntik na akong malunod. Pinilit kong lumangoy paitaas at dito ako napadpad. Hindi ako makapaniwalang sa tagal namin sa lugar na ito, ay may naitatago pa lang ganito. Wala kasing nababanggit ang mga tao sa perya tungkol dito. Siguro, may nakakaalam naman, hindi na lang sinabi o takot na pumunta. Lubhang napakadilim kasi lalo na sa gabi. At may oras na malakas ang buhos ng tubig sa falls.

DELUSIVE OUTBREAK: Round ThreeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon