Untitled Part 2

81 1 0
                                    

"O, anak! Kamusta ang eskwela?" Masiglang tanong sa akin ni papa pagkapasok na pagkapasok ko pa lang sa pinto ng bahay namin.

"Ayos naman po, 'pa. Marami pong itinuro sa amin ang aming guro. Marami din po siyang ibinigay na aralin na dapat naming pag-aralan ngayong gabi." Sagot ko sa tanong niya.

"Mabuti kung gano'n. Mawawalan ka na ng oras sa na maglakwatsa." Biro niya sa akin.

Natawa ako. "Oo nga po. Ang totoo nga po, eh, kulang pa ang oras ng magdamag para matapos ko ang lahat ng pinagagawa ng aming guro. Hindi ko nga po malaman kung saan ko sisimulan ang mga iyon. Hay..." Napabuntong-hininga ako.

"Tama na muna 'yang sentimyento mo sa mga takdang-aralin mo. Halika na muna sa kusina at kakain na tayo. Kanina pa nakahanda ang hapag, ikaw na lang ang hinihintay." Tinapik niya ako sa balikat bago tumalikod at tinungo ang kusina. Hindi na ako nagtagal pa at sumunod na rin ako sa kanya.

Nakita kong kompleto na nga pala ang hapag-kainan namin. Pati sina ate ay kumpleto na rin. Napangiti ako ng makita ang ulam namin. Pritong manok. Lalong lumawak ang ngiti sa aking mga labi. Mapapalaban na naman ang tiyan ko nito. Walang akong ititira ni isang piraso ng kanin sa aking plato. Minsan lang kasi kami nakakakain ng ganito. Nang masarap. Kapag narito lang si papa. Kapag umuuwi siya. Pero siyempre, bahagi lang ng saya ko, ng saya ng mga kapatid ko at ng mama ko ang masarap na pagkain sa mesa namin. Mas maligaya kami dahil umuwi si papa. Nakita ulit namin siya. Narinig, nayakap at nakasama. Sinusulit namin ang bawat segundo na kasama ulit namin si papa kasi sa muli niyang pag-alis, siguradong isang buwan pa muli ang palilipasin naming bago ulit namin siya makasama.

Habang kumakain kami, isa-isa kong pinagmamasdan ang mukha ng mga ate ko, ng bunso kong kapatid, ng mama ko at ng papa ko. Lahat sila, kami ay, masaya, matatag at matiyaga. Masaya dahil kumpleto muli kami. Buo ulit ang aming pamilya. Matatag. Dahil kahit na anong matitinding pagsubok ang dumating at umalis sa aming pamilya ay nanatili sila, kami, na matatag at may matindi pa ring pananampalataya sa Diyos. At matiyaga, dahil kahit na gaano pa katagal kaming maghintay sa pagdating ng swerte sa aming buhay ay walang-sawa pa rin kami sa paniniwala na darating nga nito. Kahit minsan, hindi kami nawalan ng pag-asa. Hindi ako nawalan ng pag-asa.

Si mama, palaging nasa tabi namin para paaalalahanan kami at palakasin ang loob namin. Tama nga na tawagin siya na ilaw ng aming tahanan dahil binibigyan niya ng liwanang ang mga puso namin na pinipilit pamahayan ng takot at paninimdim. Binibigyan niya kami ng pag-asa. Si papa naman, nagsusumikap na maibigay sa amin, hindi man ang isang magandang buhay sa kasalukuyan ngunit ang ngunit ang isang magandang edukasyon na siyang gagamitin naming instrumento para magkaroon kami ng magandang buhay sa hinaharap. Sina ate naman, magagalitin lang ang mga ito, pero alam kong mahal nila ako. Si bunso din, sa maliliit na paraan ay ipinapakita niya sa akin na mahal niya ako at sinusuportahan niya ako.

Nang biglang may pumitik sa harap ng mukha ko...

"Hoy! Ayos ka lang? Sa'ng dimension ka na ba nakarating?" tanong ng ate ko.

"Oo nga...lalim ng pinagdadaana mo, ah." Segunda naman ng isa ko pang ate bago sabay silang nagtawanan. Napailing na lang ako habang nangingiti. Wala na. Tigil na ang pages-senti ko. Wala na. Sira na.

Ito. Ganito ang pamilya ko. Kakaiba sa lahat dahil iisa lang ang pamilya ko. Ito lang. Walang makakapalit dito. Muli kong tiningnan si papa. Saktong tumingin din siya akin kaya nagkasalubong ang aming mga paningin ngunit sa halip na mailing ay nakaramdam ako ng kapayapaan at kasiguraduhan. Napangiti ako. Isang desisyon ang nabuo sa isip ko. Mag-aaral akong mabuti. Hindi man ako makapag-uwi ng matataas na karangalan ay sisikapin kong makapagtapos ng pag-aaral. Hindi ko sasayangin ang kalungkutan at pagtitiis ni papa na malayo sa amin para lamang mabigyan kami ng magandang kinabukasan.

Isang tingin pa ang binigay ko sa kanila bago ko muling hinawakan ang kutsara at tinidor. Nagsimula akong kumain ng pritong manok...



THE END.


Sa Hapag-kainan...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon