Si MARIA
By Micx Ranjo
NASA ituktok ka ng bundok ...nakatingala sa papadilim na kalangitan. Lumalamig nang dapyo ng hanging panggabi. Hinahangin ang iyong mahaba't itim na buhok, maging ang laylayan ng suot mong mahaba't puting bestida. Hinawi mo ang buhok na tumakip sa'yong mukha. Pinahid mo rin ang luhang pumapatak doon.
"Maria, lumabas ka nga saglit at magtungo sa tindahan. Heto'ng papel, nakasulat diyan ang mga bagay na kailangan mong bilhin." ani Aling Rosa, ang biyudang babaeng nasa gitnang edad, at nagmamay-ari ng maliit na kubo na tinutuluyan mo.
Tumutulong ka sa mga gawaing magagawa, kapalit ng panandalian mong pananatili sa simple niyang tahanan. Ngumiti ka't kinuha ang papel, saka gumayak sa paglabas.
Sa iyong paglalakad, madaraanan mo ang tahanan nang lalaking siyang naging dahilan kung bakit ka napadpad sa lugar na ito. At sa pagpapakilala niya sa'yo noong una kayong nagharap sa paanan ng bundok kung nasaan ang bukiran nito, Joe raw ang kanyang pangalan.
Sumilay ang matamis na ngiti sa'yong labi, nasasabik na muling masilayan ang kanyang mukha. Natutuwa kang magpunta ng tindahan kasi katabi lang ito ng tahanan nina Joe. Kaya naman halos lumipad ang iyong mga hakbang para marating agad iyon.
May isang magandang dilag na nakatao sa tindahan, ngumiti sa'yo at tinanong kung ano'ng iyong kailangan. Ngumiti ka rin at iniabot ang dala mong papel. Binasa nito iyon at muling ngumiti sa'yo. "Suka. Sardinas. Miswa. Mukhang masarap ang lulutuin ni Aling Rosa sa inyong panghapunan ah?" komento nito habang kinukuha ang mga sinabi sa listahan.
"Oo, masarap talaga siyang magluto." Nakangiti mong sagot.
Nagbayad ka pagkatapos at saka nagpaalam. Subalit hindi ka agad umalis, sa halip ay huminto ka sa harap ng tahanan nina Joe, medyo sumilip-silip sa nakaawang na pintuan, umaasang makikita siya.
"Halika nga rito..." narinig mong tinig sa loob at alam mo, si Joe iyon.
Napangiti ka, diyata't tinatawag ka niya? Nakita ka pala niya at mukhang pinapapasok sa kanila. Natuwa ka naman kaya lumapit ka sa pintuan at akmang magpapasintabi subalit natigilan ka.
Nabitiwan mo'ng hawak na supot na naglalaman ng iyong pinamili. Bumagsak iyon sa sementadong sahig at nabasag and bote ng suka na naroon. Napaatras ka, nasugatan sa bubog nang bote na iyong natapakan.
Mabilis kang yumuko para tingnan ang iyong sugat, subalit nahagip ng iyong daliri ang isa pang bubog at iyon naman ang nasugatan. Mas mahapdi pa kasi nahaluan ng suka ang iyong sugat.
"Maria?" tawag ni Joe.
Umangat ang paningin mo sa kanila, kay Joe at do'n sa dilag. Magkayakap sila, subalit kanina'y nakita mong naghahalikan. Oo, masakit ang mga sugat na natamo mo, subalit mas mahapdi pala ang pusong nasugatan ng iyong maling akala.
Tumakbo ka palabas! Subalit hindi kina Aling Rosa ang tuloy mo. Doon sa bundok ka pumunta, sa bundok kung saan ka nanggaling! Sa bundok Makiling kung saan ikaw ang diwatang nangangalaga, subalit bumaba sa lupa upang makaulayaw ang lalaking nagpakilala sa'yo bilang isang kaibigan.
Bumalik ka bilang si Maria Makiling at nanumpang hindi na muling bababa at iibig sa isang taga-lupa. Hindi na.
Wakas
BINABASA MO ANG
Si MARIA
Short StoryNang umibig si Maria Makiling, akala niya ay ganoon lang kadali subalit... (SBC One Shot/Flash Fiction)