NGSB 4: UNMASK HIM

753 29 1
                                    


Johanna's Point of View

"Boyfriend mo naman pala talaga si Ethan, e," seryosong sabi ni Muriel sa akin. "Sana sinabi mo na lang sa akin, sa amin, hindi 'yung sa iba ko pa malalaman."

Hindi ako nakasagot sa sinabi niya. May nakakita kasi sa amin ni Ethan na magkasama noong araw na nalaman nito na may relasyon kami ni Gab. Wala naman kaming napag-usapang pagpapanggap kaya hindi ko alam kung itatanggi ko ba o hindi.

"'Wag ka ngang mag-inarte d'yan, Murielita. Hindi ka ba masaya? Nagkaboyfriend na sa wakas si Johanna Garcia," nagbubunying sabi ni Jancy.

"E, malay ko ba. Sabi kasi ni Ethan 'I don't do the girlfriend thing' blah blah," paliwanag pa ni Muriel.

Nagtakip ako ng tainga dahil sa inis. "Tama na, guys, okay? Pag-usapan na lang natin itong schedule ng rehearsal. May two weeks na lang tayo para mag –"

"Pwede ba kitang makausap?" untag ni Ethan na kadarating lang. Wow. Matapos ang halos isa pang buwan, nagkaharap ulit kami. Isnabero kasi siya. Obvious na minamata-mata niya ako dahil sa nalaman niya.

"Ako?" tanong ko sa kanya sabay turo ko pa sa sarili ko.

"Ay, hindi. Ako, ako ang kakausapin niya. Gaga, sa'yo nga nakatingin, e. Bakit naman kami kakausapin n'yan?" pang-aasar pa ni Jancy. "Hi Papa E!"

Kinuha ko 'yung ballpen na nakalapag sa mesa at idinuro kay Jancy. Pabulong kong sinabi sa kanyang, "Isasaksak ko ito sa ngala-ngala mo sa oras na gawin mo ulit 'to sa akin!"

Tatayo na sana ako nang makita kong nakatitig si Muriel kay Ethan, ang awkward tuloy. Inilahad niya ang palad niya bilang pag-alalay sa pag-alis ko dun sa cemented bench na inuupuan naming magkakabarkada. Show-off ang loko. Ginagawa rin ba niya ito sa mga babae niya?

"Please, 'wag mo na ulit akong kakausapin kapag naroroon si Muriel. Nakakailang kasi," pakiusap ko kay Ethan nang makalayo kami.

"Pero hindi ka naiilang na ang pinapatulan mo ay may girlfriend na?" pag-uusig niya sa konsensya ko.

Kaya umiiwas ako, e. Sa tuwing magkakasalubong kami, nakikita ko 'yung mga ngiti at tingin niya na tila ba nagbabanta na anytime ay sasabog ang sikreto ko. Sa loob ng halos isang buwan, hindi ko alam kung magpapasalamat ba ako na hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam maliban sa aming tatlo: ako, siya at si Gab.

"Ano ba 'yung sasabihin mo?" tanong ko sa kanya.

"Hiwalayan mo na si Gabriel," diretsong sagot niya sa akin.

"Sino ka ba para diktahan ako ng dapat kong gawin?"

"Ano nga ba ang dapat mong gawin? Tinutulungan lang kita. Sinasabi ko sa'yo, Joey, wala kang mapapala sa kanya."

"At sa'yo, may mapapala ako? E, bakit hindi mo na lang kaya ligawan si Jamie, tutal naman gusto mo siya, 'di ba?"

"Hindi ako katulad mo, na ipagsisiksikan ang sarili ko sa taong hindi ako gusto."

"Gusto niya ako! Mahal niya ako! Hindi naman kami magkakaroon ng relasyon kung hindi niya ako gusto, 'di ba? At kung mahal niya talaga si Jamie, bakit mayroong 'kami'?

"Walang kayo, Joey. Gumising ka nga sa kahibangan mo. 'Wag mong hintaying mas masaktan ka pa."

"Hindi na ako makikinig sa sasabihin mo! Wala akong pakialam kung sabihin mo pa kung ano ang nalalaman mo!" sigaw ko sa kanya.

"Sinabihan ka na ba niya na mahal ka niya? Kung oo, nararamdaman mo ba? Gising, Joey. Pampalipas-oras ka lang niya."

Hindi ko napigilan ang sarili ko na sampalin siya. "'Wag na 'wag mong sasabihin 'yan. Mahalaga ako kay Gab at hindi lang basta pampalipas-oras lang!"

NO GIRLFRIEND SINCE BIRTH [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon