"ANG LIWANAG AY MAGMUMULA SA MUNTING NINGAS"

37 1 0
                                    


Ito ang laging tinuturo ni APO sa paaralan, sinabi raw ito ni INGKONG PEPE. Kailangan ng mga munting ningas na maging matalino at malakas dahil walang nakakaalam kung kalian muling pipili ang GOMBURZA ng magiging PUNONG LIYAB, basta't ang tanging nalalaman ng lahat ay mahina na ang pinuno at anumang oras ay kailangan na siyang palitan.

Ang GOMBURZA ay ang tatlong bituing umiikot at nagbabantay sa bayan. Bawat isa sa kanila ay may mahalagang bagay na ginagampanan. Ang GOM ay ang kapalaran ng lahat ng mga ningas, ito ang nagbibigay ng direksyon sa buhay ng lahat. Ang BUR ay ang panahon, ang nagtatakda ng kapanganakan at kamatayan ng mga ningas. Ang ZA ay ang pag-asa na itinanim din sa gitnang bahagi ng bawat isa.

Ngunit ang lahat ng ito ay wala sa isip ni KISLAP. Para sa kanya mas mahalaga padin ang makarating agad sa ESCUELA kundi ay mapapalo nanaman siya ni Apo. Lagi na lamang siyang napapalo at napapagalitan. Sa katunayan maga padin ang kanyang puwitan dahil sa palo na natanggap nya nung isang araw dahil naman sa hindi nya masagot ang tanong sa kanya. Sino daw ba kasi ang sumunod na nakausap ng mga bituin pagkatapos mawala ni INGKONG PEPE. Malay ba naman nyang si MIONG iyon, mas gusto naman niya kasing tumulong na lamang sa kanyang INANG na gumapas ng palay.

Dahil sa kasabihan ni INKONG PEPE ay naging isang kautusan na ang lahat ng munting ningas edad apat hanggang labing-walo ay dapat na mag-aral. Sa kanila kasi magmumula ang PUNONG LIYAB kaya't kailangan nilang pag-aralan ang kasaysayan, pulitika, matematika, siyensya, lietratura at ang sining ng pakikipagdigma. Dahil sa kautusang ito ay obligado ang lahat ng magulang mula sa WALONG BAYANG SINAG na ipadala araw-araw sa ESCUELA na nasa BAGUMBAYAN na nasa gitna ng buong BALANGAY. Ang sinumang magulang na hindi tatalima sa batas na ito ay uusigin at papatayin ng MUNISIPYO.

Pagod na pagod at naghahabol ng hininga si KISLAP nang dumating sya sa ESCUELA. Nararamdaman nya ang lamig ng kanyang kamay habang mainit naman ang loob ng kanyang katawan. Dali-dali nyang inilabas ang kanyang gamot at nilanghap ito habang dahan-dahang naglalakad sa kanilang silid aralan. Nakita sya kaagad ni Apo at binulyawan.

"Ang pupugakpugak na KISLAP ay ay dumating na. Aba hija kanina ka pa namin hinihintay. Nakakahiya naman sa amin. Anong oras ba ng ating klase?"

"Alas-siyete po ng umaga."

"Alas-siyete! Anong oras na?"

"Alas-otso y medya po Apo... pero may dahilan po ako..."

"Alas-otso kwarenta y singko na tonta! At ano nanaman ang dahilan mo?"

"Si Inang po kasi sobrang taas ng lagnat kagabi kaya inasikaso ko. Ilang araw nap o siyang ganun nilalagnat kapag hapon pagabi. Hindi nadin po masolusyunan ng mga albularyo ng SILANGAN ang kanyang sakit."

"Albularyo? Santisima sa panahong ito naniniwala pa kayo sa albularyo?"

"Sa may dulo pa po ng SILANGAN kami nakatira, masyado pong malayo ang mga ospital ng KANLURAN sa aming lugar. Wala po kaming pera para ipamasahe papunta roon at sa MUNISIPYO. Umaasa lang din po ako sa libreng ticket ng tren na binibigay sa mga ningas na mag-aaral kaya po ako nakakapunta dito."

"Ayan ang mahirap sa mga mamamayan natin dito sa BALANGAY. Iaasa aang lahat sa gobyerno at kapag nahirapan o nasaktan isisisi ang lahat sa MUNISIPYO! Napakabuti at napaka-mahabagin ng ating PUNONG LIYAB kaya't naglaan siya ng ating lahat ng pangangailangan kasama na ang libreng edukasyon at ospital."

"Pero kung talagang mabuti po ang PUNONG LIYAB, bakit sa loob ng animnapung taon ng kanyang pamamahala ay tanging ang KANLURANG SINAG lamang ang umunlad?"

"Lapastangan! Magagalit ang GOMBURZA sa iyo!"

Hindi na nakasagot si KISLAP sa mga sinabi ni APO. Para syang na-pipi at namanhid ang katawan na hindi maipagtanggol ang sarili at hindi makalaban. Pinagtitinginan sya ng lahat ng kanyang kamag-aral. Parang gusto nan yang lamunin ng lupa dahil sa hiya. Buti nalang at tumunog na ang bell at hudyat na ng break. Hindi na nya naintindihan ang mga sinabi pa ni APO basta't lumabas sya ng silid. Marahan ay naglakad sya at biglang may narinig na boses sa kanyang likuran, ang boses ni ALAB.

"Huwag kang mag-alala, mainit lang ang ulo ni APO."

Si ALAB ang pinakasikat na mag-aaral ng ESCUELA. Marami ang nagsasabi sya daw ang dapat na maging PUNONG LIYAB dahil sa kahusayan nito at wala nang sinumang maaring kasunod sa kanya kahit saan man sa buong BALANGAY, kahit na sa mismong bayan nyang KANLURAN. Siya ang pinakamatalinong estudyante, kaya nga paborito sya ni APO. Sya ang pinakamagaling sa pulitika, diskarte at pagpaplano kaya paborito sya ni LUNA. At siya ang pinakamagaling sa ARNIS at pakikipaglaban kaya paborito ni GOYONG. Lahat ng mag-aaral sya ang tinitingala at naniniwala na magiging magaling syang lider ng balangay. Hindi na nakapagtataka yun, sya galing sa pinakamaunlad na BAYANG SINAG; nasa kanila ang pianakamagandang teknolohiya upang mag-aral, ang pinakamalalaking pamilihan, pinakamahuhusay na pagamutan at lahat ng kapangyarihan at kayamanan ng pamahalaan. Higit sa lahat, sya ay apo ng kasalukuyang PUNONG LIYAB at inaalagaan ng mga matatalinong MAGDALO na sya ring nag-alaga sa lahat ng mga naging pinuno mula kay MIONG, DADO at SIMEON.

Matagal nang may lihim na pagtingin si KISLAP kay ALAB ngunit pinili na lamang nyang manahimik. Sino nga ba naman sya kumpara sa lalaking pinapangarap nya. Isa lamang syang hikaing dalagita na anak ng isang manggagapas ng palay sa SILANGAN. Ngunit nakakatuwa at sa unang pagkakataon ay napansin sya ni ALAB. Kahit ang simpleng salitang iyon ay napangiti sya kahit paano ngunit mahirap nang umasa. Isa pa, sa dami ng kanyang mga problema, wala na siyang panahon para sa pag-ibig at paghanga.



MUNISIPYOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon