unang pahina

3 1 0
                                    

Dear Charo,

Hindi sa lahat ng pagkakataon mas mahalaga ang ginto kaysa sa isang pangkaraniwang batong-kalye. May mga panahong mas nakakapagpaligaya sa atin ang mga bagay at mga taong hindi natin inaasahang makakapagbigay ng wagas na ngiti sa ating puso.

Itago niyo na lang po ako sa pangalang Rain. Labimpitong taong gulang na dalaga at nag-aaral sa unang taon sa kolehiyo. Lumaki po ako sa pamilyang masasabing nakakaangat sa lipunan lalo na sa angkan ng papa ko. Ang kwentong ibabahagi ko naman ay tungkol sa aking buhay pag-ibig na sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay biglang magkakaroon ng ibang landas na tatahakin.

Isang araw ng tag-init noong bata pa po ako, masaya kaming nag-lalaro ni ate sa isang park nang bigla niya akong maitulak dahilan nang aking pagkadapa. Doon may lumapit sa'king isang batang lalaki na tinulungan akong makatayo at pinagaan ang sakit na naramdaman ko sa pamamagitan ng halik sa sugat ko.

Simula po noon ay naging malapit na kaming magkaibigan ng batang lalaking itago na lang natin sa pangalang Harley. Nauunawaan niya ng lubos ang pagiging kakaiba ko o weirdness kung tawagin. Napakarami rin niyang alam tungkol sa'kin at gayun din po ako sa kanya. Araw-araw, tuwing umaga, palagi po niya akong sinosorpresa at binibigyan ng paborito kong bulaklak. Alam na alam na niya ang mga gusto at ayaw ko at tuwing umuulan ay niyayaya po niya akong maglaro sa ulan, sa ilalim ng madidilim na mga ulap ng makulimlim na kalangitan.

Sa tuwing malungkot at umiiyak naman po ako, lagi siyang nariyan sa tabi ko upang damayan ako sa aking mga pagtangis. Hanggang sa isang araw ay nagtapat na nga si Harley ng kanyang pag-ibig para sa akin at hindi ko rin maitatanggi sa sarili kong may nararamdaman din ako para sa kanya.

Napakarami na niyang nagawa para sa akin ni kahit buhay niya ay handa niyang ilaan para sa akin. Si Harley din po ay isang gwapong lalaki, elegante, mapagkumbaba, malambing, talentado,, nagmula sa mayamang pamilya, isang mabuting tao at mabuting kaibigan. Kumbaga, perpekto kung titignan; Mister Perfect nga po tawag ko sa kanya. Iginagalang niya ako bilang kanyang reyna; ni ayaw nga po niyang hawakan ako nang walang pahintulot dahil ang magiging kasintahan ko lamang daw ang maaaring humawak sa'king mga kamay.

Gusto rin ako ng kanyang mga magulang at gusto rin siya ng mga magulang ko. Kung titignan lahat-lahat ng namamagitan at pumapalibot sa amin, halos wala nang kulang. Subalit isang araw, nagbago ang lahat; nagbago nang makatagpo ko ang isang taong hindi ko inaasahan.

Isang taong kaya akong maunawaan hindi lang sa weirdness ko kundi higit pa sa pagkakaintindi ni Harley sa aking buong pagkatao. Isang simpleng binatang namumuhay malayo sa buhay na kinagisnan ko. Wala siyang maibibigay na mamahalin at maluluhong mga bagay sa akin at hindi niya kayang tapatan ang karangyaan ng pamumuhay ko. Hindi rin siya ganoon kagwapo at wala sa kanya ang pinapangarap kong mga katangian sa isang lalaki gaya ng mga nakay Harley. Ni hindi nga rin po niya muna maaaring harapin basta ang pamilya ko dahil sa kanyang antas ng pamumuhay.

Isang simpleng taong may payak na pamumuhay. Gayunpaman, kahit napakalayo ng agwat namin at napakalaki ng pagkakaiba nila ni Harley, nahanap ko na at unti-unting nabubuo ang mga piraso ng sarili ko dahil sa kanya. Wala man sa kanya ang mga hinahanap ko sa isang lalaki, isa man siyang taong nasa ibabang antas ng lipunan at sa kabila ng may kayabangan at asal-kalye niyang pag-uugali, nagising na lamang ako na isa-isa ko nang ibinabahagi sa kanya ang aking kabuuan na buong-puso niyang tinatanggap at niyayakap. Higit sa lahat, siya lang ang nakapagbigay sa puso ko ng isang wagas na ngiting nararamdaman kong tatagal magpahabang buhay o kahit sa kailanpaman.

Oo, mahal ko si Harley bilang kaibigan, bilang kapatid. Pero ang taong nananahan sa aking damdamin ngayon ay iniibig ko gaya ng pagmamahal ko sa aking sarili.

--- WAKAS

Love of the RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon