(Storm Embrace Kiss of Rain and Thunder)

6 0 0
                                    




Unang Kabanata


Binubuksan ang palad ng kanyang mga kamay at dinadama ang pagpatak ng ambon ng hapon.  Mag-isang naglalakad pauwi matapos humiwalay ang mga kaibigang kanina'y kasabay.  Binabagtas ang daan patungo sa tinutuluyang bahay sa siyudad na hindi ang lugar na kanyang kinalakihan.

Gusto man niyang magmadali at baka mapagalitan na naman ng tiyahin, hindi madali para kay Rain na itanggi ang pagnanais na manatili sa ilalim ng lumalakas na buhos ng ulan; sa ilalim ng makakapal na ulap ng kalangitang makulimlim.  Kasiyahan; labis na kaligayahan ang bumabalot sa kabuuan ng labing-anim na taong gulang na dalaga sa tuwing dumadampi sa kanyang balat ang mga patak na tila halik ng ulan.

Bumibilis, lumalakas ang pagbuhos ng ulang tinatamasa ng dalaga kasabay ng tuwang nararamdaman na kumukubli sa makulimlim niyang buhay.  Sa lalong pagdilim ng langit, pakiwari niya'y nauunawaan nito ang kadilimang bumabalot sa kanyang pagkatao.  Panahong yumayakap sa kanya sa mga sandali ng kanyang matinding lungkot, takot, pangamba at kahit sa mga oras ng paglamon sa kanya ng galit.  Mga patak na kapag humahalik sa ibaba'y tumutunog na animu'y huni sa kanyang pandinig; musikang parang humehele sa kanyang tengang manhid na sa panenermon, panunumbat, paninisi at masasakit na salita ng mga taong dapat ay kanyang kanlungan.  Ulang itinuturing niyang pinakamatalik niyang kakampi at hindi nabibigong magsilbing tanggulan.

Sa bagyo ng kanyang buhay ay wala siyang masumbungan subalit ngayon, may binatang sumalubong sa kanyang daanan at may nakahandang bukas na payong upang masilungan.  "Nagpaulan ka na naman," wika ng binatilyong sa isang tingin pa lamang ay halatang mula sa marangyang buhay.  Isang ngiti ang itinugon ni Rain habang sumisilong sa ilalim ng payong kasabay ng pagatungal sa kalangitan ng malakas na kulog.

Dagundong na tila dumadamay sa hinagpis ng isang nilalang na dati'y makapangyarihan.  Isang binata sa karatig lungsod na lubog sa lusak ng pagtangis, kabiguan at kahihiyan.  Isang tila dating mabagsik na ahas na ngayo'y wala nang pangil at nilisan ng kamandag.  Kulog na nagpapaalala sa simbolo ng kanyang iniwang katayuan ang tila nagpapaalab lalo sa kanyang galit at lungkot.  Tunog ng kidlat na tila hinihingan niya ng lakas na nawala.

Parang maliwanag na kidlat na bumagsak sa lupa at nagbagong anyo bilang pangkaraniwang abo at napapahalo sa putikan.  Hindi na alam ni Isagani kung pa'no muling babangon sa kanyang pagkakalugmok.  Sa kanyang madilim na silid, walang imik na nakikinig sa tunog na dulot ng makulimlim na langit at umaasang matatanglawan ng liwanag ng tala man o ng buwan.

Subalit ano nga ba ang kaugnayan ng ulan at ng kulog o kidlat?  Kung ang langit ang siyang tadhana, anong akda ang kanyang isusulat upang pag-isan sina Rain at Isagani?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 23, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Love of the RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon