Merry Christmas Apo (short story)

13 0 0
                                    


                                                                        By: Shapareen



PASKO NA. Pauwi palang ako galing sa bahay ng mga barkada ko. Madilim ang daan at malamig ang simoy ng hangin, ngunit ramdam ko ang pag-iinit ng aking katawan, dala ng alak. Naaamoy ko pa ang amoy ng sigarilyo sa pagitan ng mga daliri ko. Maging ang pabango ng babaeng katabi ko kanina. Parang nasa alapaap ang pakiramdam ko dahil narin sa paghithit ko ng marijuana. Wala akong ibang inisip kundi ang magpakasaya kasama ang barkada. Dalawa nalang kami ng Lolo ko sa buhay. Namatay ang mga magulang ko nang ako'y sanggol pa lamang dahil sa aksidente. Ayaw ko sanang umuwi ng gabi dahil sa mga kuwento kuwento tungkol sa burol na dadaanan ko pa pauwi sa bahay.


Walang nagpapagabi sa mga taong nakatira lagpas ng nasabing burol, dahil di umano'y may napapabalitang misteryong nagaganap sa tuwing sasapit ang gabi. Ayon sa mga kuwento may nagpapakita raw ditong taong may suot na mahabang kapoteng itim. Sabi sabi ng mga nakakita ay mukha daw itong si Kamatayan. Nagpapakita raw ito sa tuwing may mamatay.


Ngunit lasing ako. Wala akong nararamdamang takot. Pasuray suray ang paglakad ko. Naparami yata ako ng inom. Palapit ako ng palapit sa burol. Eksaktong nakarating ako sa tuktok ng burol ay umihip ang malakas na hangin, tila ililipad ako. Nagising ang katauhan ko nang may nakita akong isang malaking asong itim. Masama ang tingin nito sakin, nagbabaga ang mga mata. Napatigil ako nang nakita kong unti-unti itong nagpalit ng anyo. Isang lalaking nakasuot ng mahabang itim na kapote, at may hawak itong baston na sa dulo ay may mahabang patalim. Katulad ng sinasabi sa kuwento. Nahindik ako. Nawalan ng tuluyan ang aking kalasingan. Ngayon ay nilalapitan ako nito. Lakad-takbo ang ginawa ko upang hindi nya ako maabutan, paglingon ko ay nakita kong lumulutang ito. Binilisan ko pa ang pagtakbo. Pawis na pawis ako ng makalagpas ako sa burol, ngunit hindi parin ako tumitigil sa pagtakbo hanggang sa makarating na ako sa tapat ng bahay. Lumingon ako sa burol kung saan tanaw na tanaw ito. Nawala na ang lalaking naka-itim.


Pagpasok ko sa loob ng bahay ay nakita kong naka upo si Lolo. Nakita ko ang pagtataka sa mukha nya nang makita nito ang itsura ko. Basang basa ako sa pawis. Tinanong nya ako kung ayos lang ba ako. Sinabi ko naman, ayos lang ako. Nagpaalam ako sakanya para magpahinga na. Pagpasok ko sa kuwarto ay pasalampak akong humiga, doon bumalik ang pagkahilo ko. Parang umiikot sa loob ng kuwarto. Pumikit nalang ako. Hindi ko na namalayang nakatulog na ako.


Nananaginip ako? Pero ang naman yata, parang kakatulog ko lang ah. Madilim parin ang paligid sa panaginip ko. Maraming nagbubulungang mga tao. Adik daw ako at sakit sa ulo ng Lolo ko, ako daw ang dahilan sa maagang pagkamatay nito. Nagdilim ang paningin ko ng marinig ko iyon. Lumabas ako ng bahay, pero bumulaga sa harap ko ang isang malaking aso, pulang pula ang mga mata nito at tumutulo pa ang laway na parang asong ulol. Nakakatakot ang itsura nito, isa syang malaking "DYABLO"


Naisip ko si Lolo baka saktan nya ito. Pumasok muli ako sa loob ng bahay at kumuha ng itak. Pero bago ako makalabas ay may lalaking naka itim ang pumigil sa akin. Nagpumiglas ako ngunit malakas ito. Tinignan ko ang itsura ng pumipigil sa akin, ang lalaki sa burol ! Hindi ko makita ang mukha nito dahil madilim. Sa takot na baka saktan nya si Lolo ay pinagsasaksak ko ito ng maraming beses, hanggang sa maligo ako sa dugo nito. Sandali, bakit may dugo. Bigla akong nagising. Tumambad sa harap ko ang duguang katawan ng aking Lolo. Tadtad sa saksak at may luha sa kanyang mga mata. Pagtingin ko sa kanang kamay ko, may hawak akong itak at punong puno ng dugo. Narinig ko pa ang mahinang sinabi nito.


"M-Merry.....C-Christmas......a-apo...." hanggang sa tuluyan na itong nawalan ng hininga.




                                            ***************END*****************

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 18, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Merry Christmas ApoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon