TRACK #01: Minamahal
ARTIST: Sarah Geronimo"Ako ay iyo magpakailanman. Ika'y minamahal ng puso kong ligaw. Walang sinisigaw kundi ikaw. Ikaw ay akin, walang katapusan. Pinapangako na mamahalin kita hanggang sa sumapit ang huling umaga..."
"HANDA ka na ba, Jasmine?" tanong sa akin ni mommy habang sakay kaming dalawa ng bridal car na nakahinto sa tapat ng isang malaking simbahan.
Matamis akong ngumiti at saka sumagot. "Oo naman po, mommy. Matagal kong hinintay ito... ang makasal kay Joshua..."
"Jasmine, hanggang ngayon ba naman ay-"
"Joke lang po, mommy." sabi ko.
Sino nga ba si Joshua sa buhay ko at paano nga ba kami humantong sa araw na ito?
Ang natatandaan ko ay classmate ko si Joshua noon sa college. Matalik kaming magkaibigan. Kapag broken hearted ang isa't isa ay handa laging dumamay ang isa. Minsan nga ay napagkakamalan na magkasintahan kami dahil palagi kaming magkasama. Tinatawanan lang naman sila dahil para sa amin ni Joshua ay magkaibigan talaga kami.
Pero ang lahat ay nagbago nang magkaroon siya ng girlfriend after ng graduation namin. Hindi ko alam kung bakit naiinis ako kapag hindi natutuloy ang lakad namin dahil sa "boyfriend's duties niya". Akala ko ay iyon lang ang dahilan hanggang sa aminin ko na sa aking sarili na in love na ako sa kanya. In love na ako kay Joshua na bestfriend ko!
Wow! Iyon na yata ang pinaka nakakalokang bagay na nangyari sa akin.
Lumayo ako kay Joshua. Nilayuan ko siya dahil sa nararamdaman ko. Nagpunta ako ng Australia pero sinundan niya ako at doon ay nagkaroon na ng aminan. Pero siya ang unang umamin, ha. Nagtaka daw kasi siya dahil bigla akong nawala. Natakot daw siya na baka hindi na ako bumalik ng Pilipinas kaya sinundan niya ako. Hanggang sa umamin siya na mahal niya ako nang higit pa sa isang bestfriend. Hindi na rin ako nagpakipot at nagtapat na din ako ng pagmamahal ko sa kanya.
Naging matapang kami ni Joshua. Giniba namin ang pader ng friendzone para i-level up ang relationship namin. Naging masaya kami, sobra. It was a perfect love story na kahit na yata sinong magaling na manunulat ay hindi makakayang isulat o i-describe kung gaano kami kasaya. May tampuhan pero naaayos din naman agad.
After two years ay nag-propose si Joshua and I said yes!
At ngayon nga ay ikakasal na ako. Nakakaiyak pero bawal umiyak dahil magagalit ang make up artist ko.
"So, ano pang hinihintay natin? Let's go?"
Tinanguhan ko na lang si mommy at saka kami bumaba ng kotse. Sinalubong ako ni daddy sa bungad ng simbahan. Niyakap niya ako at binulungan. "Ma-miss kita, my unica iha!"
"Daddy, mag-aasawa lang po ako, hindi ako mawawala," biro ko.
Siyang lapit naman ng bestfriend ko na si Francine. Sinabi niya na magsisimula na ang wedding ceremony. Siya na rin kasi ang kinuha ko na wedding organizer plus bride's maid.
Pumwesto na ang lahat sa kani-kanilang pwesto.
Nag-umpisa na rin akong maglakad papunta sa aking groom habang pumapailanlang ang isang napakagandang awitin...
Naalala mo pa ba no'ng tayong dalawa'y magkaibigan pa lang?
Akalain mo nga namang aabot tayo sa araw na ito.Bigla kong naalala ang mga memories namin ni Joshua noong magkaibigan pa lamang kami. Ngayon ay naroon na siya sa dulo ng altar at hinihintay ako. Napaiyak na ako. Bahala na kung mamura ako ng make up artist ko. Siya kaya ang lumagay sa posisyon ko kung hindi siya maiyak!
Tumingin sa aking mga mata at dinggin ang nais isumpa.
Ako ay iyo magpakailanman.
Ika'y minamahal ng puso kong ligaw.
Walang sinisigaw kundi ikaw. Ikaw ay akin, walang katapusan.
Pinapangako na mamahalin kita hanggang sa sumapit ang huling umaga...Narating ko na ang dulo ng altar. Kaharap ko na ang groom ko at ipinasa na ako ni daddy sa kanya. Niyakap ako ng lalaking aking papakasalan. Iyak pa rin ako ng iyak.
"Okay ka lang ba?" tanong niya.
Binigyan niya ako ng panyo. Inabot ko naman iyon para punasan ang aking luha. Ngumiti ako at tumango bilang senyales na ready na ako.
Magkahawak ng kamay na humarap kami sa pari...
Ang ngiti ko ay nasaluhan ng pait. Pait na kailangan kong itago sa araw ng aking kasal.
"Simulan na po natin ang kasal... Father Joshua..." malungkot kong sambit at muling pumatak ang aking luha.
Siya ang dapat na kasama ko na haharap sa pari pero hindi nangyari iyon. Ang mangyayari pala ay siya ang magkakasal sa akin. Pero ayokong magsinungaling... Si Joshua pa rin ang aking minamahal... hanggang ngayon at magpakailanman.
-----***-----