"PABILI pong cherry balls!" Iniabot ni Dyoza ang limang tigpipiso sa tinderang nakatayo sa likod ng counter.
Ngumiti sa kanya ang babae. "Ang cute naman ng ribbon sa ulo mo," komento nito habang binubuksan ang estante kung saan naka-display ang iba't ibang candies.
Nahihiyang ngumiti rin siya."Thank you po." Wala sa sariling inayos niya ang suot na headband na may malaki at pulang ribbon.
Ilang sandali pa ay iniabot na sa kanya ng tindera ang isang supot ng mga bilog at mapupulang candies. Isinuksok niya iyon sa bulsa ng suot na palda at masayang lumabas ng canteen ng Clemente Alfonso Academy, isang elementary at private school sa Laguna.
Dyoza was skipping happily. Sa bawat hakbang ay sumasabay sa pagsayaw ang kanyang mahabang buhok. Bago tumuloy sa silid-aralan ay umupo siya sa bench na nasa lilim ng malaking puno ng fire tree. Inilabas niya ang supot ng cherry balls. Kumuha siya ng isa at bahagyang binasa ng laway, saka ipinahid ang candy sa mga labi, pagkatapos ay saka lang niya isinubo.
She pouted her lips, then smiled to herself. Siguradong mapupula na ang mga labi niya. Tumayo siya at tinungo ang hilera ng mga classroom kung saan nagkaklase ang mga grade six pupil. Pumasok siya sa pinakadulong silid at nagtungo sa kanyang desk. Maingay pa ang mga kaklase niya dahil hindi pa tapos ang recess. Wala rin sa silid ang kanilang guro.
Napatingin si Dyoza sa isang batang lalaking nagmamasid sa kanya. Ito ang transferee na ipinakilala sa kanila ni Ms. Torres bago nagsimula ang klase kanina. Hindi niya ito pinansin. May kinuha siya sa loob ng kanyang bag, saka luminga-linga sa paligid. Napangiti siya nang makita ang hinahanap at lumapit sa umpukan ng mga batang lalaki na nasa unahang bahagi ng silid.
"Pablito," tawag niya sa isa sa mga kaklase.
Tumigil ang kuwentuhan at lahat ay napatingin kay Dyoza. Bigla tuloy siyang nailang, pero pinilit na ngumiti sa lalaking nakaupo sa ibabaw ng desk ng kanilang guro.
"Hi, Pablito. May ibibigay ako sa 'yo."
Hindi ito tumugon.
Iniabot ni Dyoza kay Pablito ang hawak na espasol.
"Thank you, Dyoza," naiilang na tugon ni Pablito at ngumiti sa kanya. Ang ganda ng mga ngipin nito, pantay-pantay at mapuputi.
Halos tumalon sa tuwa si Dyoza. Sobrang cute talaga ni Pablito, lalo na kapag nakangiti. Kinder pa lang ay may crush na siya rito.
"Wow! Pablito, sobrang generous talaga sa 'yo ni Dyoza," singit ni Lester, isa sa mga laging nang-aasar sa kanya at itinalaga na ang sarili bilang kanang-kamay ni Pablito. "Penge ako n'yan, ha."
Sumimangot si Dyoza kay Lester na mukhang daga dahil sa dalawang malaking ngipin nito sa unahan. Si Pablito naman ay hindi pinansin si Lester.
"Dyoza, may crush ka ba sa 'kin?" walang gatol na tanong ni Pablito.
Hindi ba obvious?nais sana niyang isagot. "Matagal na."
"Ooooohh!" chorus na bulalas ng mga tsismoso at tsismosa sa paligid.
Hindi alam ni Dyoza kung tamang umamin siya, lalo na at maraming magagalit sa kanya. Pablito was a popular kid.
"Ganoon ba? Kasi, may iba na akong crush. Si Honeydew," nahihiyang sabi ni Pablito. "Sorry. Heto, ibabalik ko na lang ang espasol mo."
Hindi niya kinuha ang espasol. Busy ang utak niya sa pag-digest sa mga narinig. Si Honeydew ang crush ni Pablito? Okay lang na walang crush ang kaklase sa kanya dahil matagal na niyang inaasahan iyon. Pero si Honeydew? Ang reyna ng kamalditahan na nang-aapi sa kanya ang nagugustuhan ni Pablito!
"Ay, huwag! Akin na lang." Hinablot ni Lester ang espasol. "Paano ba 'yan, Dyoza?Basted ka."Ngumiti ito nang nakakaloko.
"Basted! Basted! Basted!" her classmates started to chant.
Noon napansin ni Dyoza na wala na si Pablito sa kanyang harap. Gusto na niyang umiyak. Bakit kasi umamin pa siya?Ang tanga talaga niya. May bago na namang itutukso sa kanya ang mga kaklase.
"Ang diyosa ng mga payatot, nabasted!" buska ni Lester habang kinakain ang espasol.
Ang kapal ng mukha!
Lalong nagtawanan ang mga kaklase niya. Tumalikod siya upang lumabas ng silid, ngunit hinarang siya ni Honeydew at ng mga alipores nito.
"Tabi diyan," Dyoza commanded in a low voice.
"Ayoko." Honeydew crossed her arms over her chest. "Hoy payatot, may crush ka pala kay Pablito. Ang lakas ng loob mo, pero okay lang dahil binasted ka naman niya. Kawawa ka naman, wala ka na ngang mommy and daddy, basted ka pa!"
Bigla niyang itinulak patabi si Honeydew at tumakbo palayo.Bago makalabas ng silid ay nahagip ng mga mata niya ang lalaking transferee. Kalmado lang itong nagmamasid sa mga pangyayari.
HIHIKBI-HIKBI si Dyoza habang naglalakad pauwi sa loob ng subdibisyon kung saan sila nakatira. Hindi siya sumabay sa school bus dahil aasarin lang siya roon. Sa kabila ng pag-iyak ay kanina pa niya napapansing may sumusunod sa kanya. She stopped, then turned around. Nagtaka siya nang makita ang transferee sa klase nila.
"Bakit mo ako sinusundan?"
Hindi man lang tumigil o sumagot ang lalaki, sa halip ay nilampasan siya. Nasundan niya ito ng tingin bago nagpatuloy sa paglalakad. Ito na ang nasa unahan niya. Lumiko ito sa kalye kung saan siya mismong nakatira. Nakita niyang tumawid ito sa kalsada at tumigil sa malaking bahay na nasa tapat ng bahay nila. Diyata't kapitbahay pala niya ang transferee.
Tumigil si Dyoza at pinagmasdan ang batang lalaki.
Humarap ito sa kanya. "See? Hindi kita sinusundan." Bumukas ang malaking gate pero hindi ito pumasok. "By the way, ang cute ng pulang ribbon sa ulo mo."
Napakurap siya.Nang-aasar ba ito?
"Para kang asawa ni Mickey Mouse." Iyon lang at pumasok na ito sa loob ng malaking bahay.
Sumimangot si Dyoza.Sa pagkakatanda niya, 'Toqacio' ang pakilala nito sa klase kanina. Mukhang dadagdag pa ito sa mga nang-aaway sa kanya sa school.
Patakbong pumasok siya sa loob ng kanilang bahay. Napaiyak na siya. Sinalubong at niyakap siya ng kanyang Lola Tacia. Humihikbing ikinuwento niya ang lahat ng nangyari sa buong araw. Mga pangyayaring karaniwan na niyang nararanasan mula pa noon.
BINABASA MO ANG
Stolen Kisses, Stolen Punches,Stolen Hearts (soon to be published)
RomanceStolen Kisses, Stolen Punches,Stolen Hearts By Ylena Rivers