"Good morningpo!" bati ni Yoz sa guwardiya na nagbukas ng gate. "Si Toqs po?"
"Hindi ko pa nakikita. Pumasok ka na lang, Dyoza," tugon ni Mang Junie na matagal nang nagtatrabaho sa pamilya Madrigal. Hindi pa rin ito sanay na tawagin siya sa kanyang palayaw.
Nilakad niya ang mahabang driveway at pinagmasdan ang malapalasyong bahay. Noon pa niya naiisip na out of place iyon sa subdibisyon nila. Para iyong isang mansiyon na binuhat mula sa Forbes Park at inilapag sa kanilang lugar. Karaniwan ay middle-class families ang nakatira sa kanilang subdibisyon, samantalang milyonaryo ang pamilya ni Toqacio.
Narating ni Yoz ang pinakaentrada ng mansion. Nang makapasok sa loob ay wala siyang taong naabutan. Umakyat siya sa grand staircase at nagtuloy sa kuwarto ni Toqacio. Napasimangot siya nang makitang tulog pa ang lalaki. Lumapit siya rito at ubod-lakas na niyugyog.
"Toqs, gising!" Hinampas niya ito sa braso nang hindi tuminag.
"Oh, shit!" bulalas ni Toqacio nang maalimpungatan. Halos hindi nito maimulat ang mga mata habang sinisino ang bumulabog sa mahimbing na tulog. "Go away, Yoz," taboy nito, sabay dapa sa kama.
"Gumising ka na!" giit ni Yoz. "Samahan mo ako sa bahay ni Chiklet." Sumampa siya sa kama at pinaghahampas ng unan ang lalaki, pero nanatili itong nagtulug-tulugan. "Hindi ka talaga gigising?" tanong niya na may pagbabanta.
"Go away," he mumbled through his pillow.
Tumayo si Yoz at nagtungo sa banyo na nasa loob mismo ng kuwarto ni Toqacio. Kinuha niya sa lababo ang isang malaking baso at pinuno iyon ng tubig.
"Wakey, wakey, Toqacio!" sigaw niya paglabas ng banyo.
Nakatihaya na sa kama ang lalaking tulog pa rin, tanging boxer shorts ang suot na natatakpan ng kumot. Tumayo si Yoz sa tabi ng higaan. Her eyes full of mischief. "Good morning, sunshine," bulong niya, saka ibinuhos ang tubig sa mukha ni Toqacio.
Sisinghap-singhap na bumalikwas ito mula sa pagkakahiga.
"Ginising mo ako nang maaga para dito?" reklamo ni Toqacio habang nagtatago sila sa likod ng malagong halaman na san francisco. "And it's Sunday. Pahinga ko ngayon. Hindi mo ba alam na pagod ako buong linggo?"
Hindi pinansin ni Yoz ang sentimyento ng kaibigan. Busy siya sa pagsilip sa pagitan ng mga halaman. "Ayos, paalis na," bulong niya sa sarili.
Sa tapat ng pinagtataguan nila ay isang bahay. Mula roon ay isang puting kotse ang palabas mula sa garahe. Napangiti si Yoz nang tuluyang makaalis ang sasakyan. Mabilis siyang tumayo at nagpatiunang maglakad palapit sa bahay.
"Bakit ba hinintay pa nating makaalis ang daddy ni Chiklet?" tanong ni Toqacio na kasunod lang niya.
"Hindi mo ba natatandaang pinahabol niya tayo sa aso noong huling dinalaw natin si Chiklet?"
"Sa pagkakatanda ko, ikaw ang ipinahabol sa aso at nadamay lang ako."
Hindi tumugon si Yoz dahil tama si Toqacio. Hindi kasi matanggap ng ama ni Chiklet na nililigawan ng isang tomboy ang anak nito. Napailing siya.
Tumigil sila sa tapat ng doorbell. Pero bago iyon pindutin ay inayos muna niya ang suot na baseball cap. Ang kanyang hanggang balikat na buhok ay nakapusod sa likod. Gusto sana niyang pagupitan nang maikli, ngunit baka himatayin na naman ang kanyang lola. Plinantsa ng mga kamay niya ang suot na oversized T-shirt at pinagpagan ang baggy pants. Sa laki ng mga suot na damit ay para iyong naka-hanger sa payat niyang katawan.
BINABASA MO ANG
Stolen Kisses, Stolen Punches,Stolen Hearts (soon to be published)
RomantizmStolen Kisses, Stolen Punches,Stolen Hearts By Ylena Rivers