GIGIL na kinagat ni Riegen ang ibabang labi. Nag-uumapaw ang tuwa niya nang bigyan siya ni Melody ng pagkakataon na malapitan ito. Ngayon lang siya nahibang sa isang babae. Magmula noong makita niya ang babae sa crime scene ay hindi na ito naalis sa isip niya. Madalas siya nagnanakaw ng oras para lang makita ang babae.
"Nakita mo na ba ang pendant, Rieg?" tanong ni Trivor nang bigla itong sumulpot sa likuran niya.
Nagulat pa siya. Nakatitig lang kasi siya sa gate kung saan lumabas si Melody. "Ah, gusto mo ng mixed nuts?" alok pa niya rito sa kinakain.
"Pendant ang gusto kong ibigay mo sa akin," masungit na sabi ni Trivor.
"Hindi pa nga, e. Ang tagal kasi ni Jegs para ma-detect kung saan banda rito ang pendant," aniya.
"Ilang araw ka na narito wala kang ginagawa. Mas madalas pa ang pag-aabang mo kay Melody. Sinasabi ko sa iyo, hindi magkakagusto sa iyo 'yon."
"Anong hindi? Pinayagan na nga akong ligawan siya."
Pinitik nito ang tainga niya. "Hangal! Naikama mo na nga liligawan mo pa?"
Nahalinhan ng inis ang pananabik niya. "Aksidente ang nangyari."
"May aksidente bang ginusto?"
"I'm just a man. Gusto naman niya, eh."
"Because she thinks of someone else! Damn you! Hanapin na natin ang pendant." Iniwan na siya ni Trivor.
"Fuck! Don't remind me again, Trivor!" pahabol niya.
"Ang kanya ay kanya, Rieg!" pasigaw namang tugon ni Trivor habang papasok sa kabahayan.
ALAS-SIYETE na ng gabi ay nagbubungkal pa rin ng lupa si Melody sa likod ng villa para taniman niya ng mga gulay. Nakalimutan na niyang maghapunan. Nagsaing lang siya kanina at may pinatong siyang dalawang itlog sa sinaing para ulam niya mamaya. Basang-basa na ng pawis ang damit niya. Naghubad na siya ng t-shirt. Baby bra na lang ang suot niya na kulay puti. Mahilig siyang magsuot ng baby bra kapag nasa bahay lang siya. Basa na rin ng pawis ang suot niyang maong pants na halos hanggang singit niya ang igsi.
Pinupulbo niya ang mga tipak ng lupa gamit ang kamay. May nahahawakan siyang bulate pero hindi niya iniinda. Hindi naman siya takot sa bulate. Mamaya'y naisip na naman niya ang tungkol sa bracelet na binigay niya kay Gen. Nalilito na siya. Una, nakita niya ang bracelet na iyon sa kuwarto sa mamba house, ngayon naman ay nakita niyang suot ni Riegen. Sino si Riegen? Imposible namang may katulad ang bracelet na iyon na ginawa ng lola niya. Ang isang jade stone na nahalo sa mga perlas ay hugis puso, at ang isa ay hugis diamond. Aywan lang niya kung ganoon din ang nasa suot ni Riegen.
At speaking of Riegen... "Knock. Knock!"
Bumalikwas siya ng tayo sabay harap sa nagsalitang iyon. Nasa harapan na niya si Riegen. Itim na itim ang kasuutan nito. Itim na kamesita at itim na boxer ang suot nito. Nakalimutan niya na pupunta pala ito roon ngayong gabi para bisitahin ang villa at—at ligawan siya?
Nailang siya bigla sa suot niya. Hindi pa siya humarap sa lalaking panauhin na ganoon ang hitsura niya, pawisan at haggard.
"Ah, busy pa ako. Puwede mong ikutin ang villa," balisang sabi niya.
"Kanina pa ako nag-iikot rito. Hindi naka-lock ang maliit na gate kaya pumasok na ako. Wala namang sumasagot nang magtawag ako."
Uminit ang mukha niya. Ibig sabihin kanina pa ito roon?
"Hindi pa kasi ako tapos sa ginagawa ko. Madungis pa ako," aniya.
"May bukas pa naman para sa pagbungkal ng lupa. Isa pa, okay naman ang hitsura mo. Gabi naman, at ako lang naman ang nakakakita sa iyo."