Bagong Silang

118 8 0
                                    

Pagkabuhay ni Hesus

9:25pm.

Napagising ka. Napagising ka nang may sumakit na naman sa 'yo. Nag-unat ka ng iyong sarili at tumayo. Kasabay no'n, ang malakas na tunog galing sa labas. Mga batang namamasko. Napangiti ka nang makita mo sila.

Masaya ka sana kung 'di mo naalala ang mga pangyayari. Mga pangyayaring humahabol sa nakaraan at nagsisilbing bangungot sa kinabukasan.

"Thank you, thank you, ang babait ninyo!" Tuluyan na silang lumayo na nagtatawanan pa. Ngumiti ka. Kahit binigyan mo lamang sila ng limang piso, napasaya mo ang mga ito.

Malapit na ang Pasko at naghahanda na ang iba. Pati rin ang inay mo na nagluluto ng paborito mong lumpia.

"Masarap 'yan. Pero mamaya na natin kakainin. Amoy amoy na lang muna." Napangiti ka na naman kasabay no'n, ang pagkawala ng balanse mo; napaupo ka.

May sumakit na naman sa 'yo.

"Anak, okay ka lang?" Inalalayan ka ng iyong ina at sinuri. "May lagnat ka ba? Sakit?" sunod-sunod na tanong niya kaya napailing ka na lang. Gusto mong 'wag na munang problemahin ng iyong ina ang iyong problema.

"Papupuntahin sana kita kina Aling Inday para bumili ng bigas. Pero dahil mukhang may masakit sa 'yo, ako na lang muna ang bibili. Bantayan mo dito ha?" Tumango ka ulit. Ginamit mo ang mga kamay bilang pan'salita.

"Sige, aalis na ako," huling sambit ng iyong ina at tuluyang lumabas.

10:21pm.

Marahil kanina mo pa hinihintay ang iyong ina ngunit hindi pa rin ito bumabalik. Sigurado kang may iba't iba na naman iyong pinagkakaabalahan.

Habang sinusuklay mo ang iyong buhok; nabigla ka nang may pumihit ng pinto at iniluwa roon ang nakangising lalaki. Isang demonyo!

Umiling ka nang paulit-ulit. May kaba kang naramdaman nang makita mo siya. Gusto mong sumigaw. Gustong gusto mo!

Nay! Nay!

Wala kang magawa kundi magsalita nang ilang beses sa iyong isipan. Humihingi ka ng tulong. Pero kahit anong gawin mo, walang lumalabas sa iyong bibig. Walang kahit anong salita ang gustong kumawala.

Hinawakan niya ang magkabilang kamay mo at inihiga ka sa sofa. Hinalikan ka rin niya na parang pagkain na kailangan sipsipin. Nagpumiglas ka. Lahat ng puwede mong gawin hindi mo magawa. Dahil mas malakas siya sa iyo.

Hindi ka rin makasigaw dahil. . . dahil pipi ka. Hindi mo kayang ilabas ang kaninang paikot-ikot na salita sa iyong isipan. Ang mga tinig na humihingi ng tulong. Pero kahit kailan, hanggang sa 'yo na lamang iyan. Ikaw lang ang nakakaalam ng iyong naranasan.

Paulit-ulit nangyayari ang mga kamaliang ito.

10:30pm.

Hindi pa rin bumabalik ang iyong ina. Natapos na rin ang kalaswaang ginawa ng walanghiyang demonyong iyon sa iyo. Iniwan ka niyang nakahubo't hubad sa sofa. Umiiyak. Humahagulgol.

Pumunta ka sa banyo para maligo. Nilinis mo ang buong katawan kahit sa pisikal na anyo lamang. Dahil magsisilbi na itong bangungot sa iyo. Hindi mo na ito mawawala sa iyong isipan. Masakit! Masakit na 'di mo kayang ipahayag ang lahat! May pumipigil kasi sa iyo.

Lumabas ka ng banyo at bumaba. Huli na nang dumating ang iyong Ina.

"Anak, may maganda akong balita, tingnan mo o, ang dami na nating handa." Masaya pa niyang inilahad sa 'yo ang mga napamiling gulay, prutas at iba pang panghanda. Ngumiti ka na lang at winalang bahala ang masakit sa iyo.

"Makakain ka na ng paborito mong lumpia," masayang sabi ng iyong ina.

11:13pm.

Napatingin ka sa inyong orasan at malapit na nga ang Pasko. Ilang oras na lang. Pinagmamasdan mo ang iyong ina na naghahain at masayang niluluto ang mga pinamiling pagkain. Hindi mo alam kung sa'n niya iyon nakuha. Kaya pala mahigit sa isang oras din siyang nawala. Hindi niya nasaksihan ang iyong naranasan.

Hinawi mo ang bintana upang matingnan ang labas. Maraming tao: mga bata't matanda, lalaki at babae, nagsasaya at naghihiyawan. Umiiwas sa paputok at mga taong galit dahil doon. Kita mo rin ang mga ngiti nila sa kani-kanilang mga labi. Mga labing ngayon mo lang din naman nasisilayan.

Dahil katulad mo, may tinatago rin silang mapait na nakaraan. Mga nakaraan na hindi na puwedeng buksan. Dahil katulad ng babasaging bagay, pag nabiyak na ito, 'di na muli ito magiging buo. Kung mabubuo man, may palatandaan pa rin kung pa'no nangyari ang mga iyon. Pa'no ka sinaktan at pa'no ka pinaglaruan ng buhay. Masakit, pero kailangan tanggapin.

Masaya sana ang pasko mo. Sana. . .

"Anak! Dali na, umupo ka na at may tatawagin lang ako. Ang tito Diego mo," sigaw ng iyong ina. Napayukom ang iyong mga kamao nang marinig mo ang pangalan ng demonyo. Galit. Galit ang mas nangingibabaw sa iyo.

Umupo ka habang nakayuko. Ayaw mong nasa harap mo ang demonyo. Kung pa'no ka niya pinagsamantalahan. Pinagsamantalahan niya ang iyong kahinaan.

"Alam mo, 'nak. Si Tito Diego mo ang bumili ng lahat ng ito," may saya pang saad ng iyong ina. Ayaw mong magsumbong dahil natatakot ka. Natatakot ka na baka papatayin niya ang iyong ina. Bukod do'n, alam mong masisilayan mo na naman ang lungkot sa labi ng iyong ina kung mawalan na naman siya ng minamahal. Katulad ng pagdurusa niya no'ng namatay ang totoo mong itay. Masakit makita na malungkot ang Nanay.

"Sige na, kumain na tayo." Hindi mo pa nga naisusubo ang lumpiang paborito mo ay napatayo ka at agad na hinanap ang lababo. Hindi ka naman kumain ngunit bakit ang dami mong naisuka? Kaya pala.

Kaya pala masakit ang ulo mo.
Kaya pala masakit ang katawan mo.
Kaya pala may masakit sa iyo.
Kaya pala. . .

Naramdaman mong parang may sumipa sa iyong tiyan. Hinimas mo ito habang may pagtatakang tingin ang gumuhit sa iyong ina.

Kasabay no'n, ang malakas na sigaw ng karamihan.

"Merry Christmas!"

12:00pm.

Cordz05

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 05, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Bagong Silang (Published)Where stories live. Discover now