Sticky Notes

706 31 38
                                    

Sticky Notes

Pagdilat mo ng iyong mga mata, sinag ng araw kaagad ang bumungad sa 'yo.


Nanunuot sa balat ang lamig ng panahon. Ramdam na ramdam mo ang pagdampi nito sa tuyo mong katawan papunta sa batok. Ang lamig nang simoy ng hangin. Napakaaliwalas ng paligid. Rinig na rinig mo rin ang huni ng mga ibon at ang pagtawag sa 'yo ng kalikasan.

Kinapa mo ang iyong sarili. Hinanap mo kaagad ang paborito mong libro. Ang librong tungkol sa pagbibigay aral sa buhay. Nasa may bandang gilid mo lang ito saka binasa mo ang simula nito.

Hindi mo mahahanap, kung hindi mo hahanapin.

Huminga ka nang malalim at saka tumayo. Nilanghap mo ang maaliwalas na paligid. Nilagay mo sa gilid ang libro.

Tiningnan mo't sinuri ang lugar. Hindi mo pa rin alam kung bakit ka nakarating sa bangka na hindi man lang nag-iisip. Kung bakit ka napadpad sa gitna ng malawak na karagatan na napapalibutan ng kulay asul na tubig. Ang kagamitan mo lang naman ay ang iyong dalawang sagwan. Ang bumubuhay lang sa 'yo ay ang uminom sa dala mong tubig na nakalagay sa isang mineral bottle na malapit nang maubos.

Ang nasa isip mo lang naman ng mga panahong iyon ay makarating ka sana sa lugar na siyang magpapalaya sa 'yo. Na siyang magsisilbing susi mo upang makawala ka sa hawlang kinsadlakan ng buo mong pagkatao. Ang makalaya at tuluyan nang maging masaya.

Hindi ka pa tapos sa pagsasagwan. Kailangan mong makarating sa iyong pupuntahan kahit ano man ang mangyari. Kahit bumagyo man at umulan. Hindi mo alintana ang pagod dahil alam mong pagkatapos nito, maaasam mo na rin naman ang iyong gusto - ang makalaya.

Katulad ng mga ibon na nakalilipad, saan man magpunta. Katulad ng mga isdang lumalangoy, kahit may humaharang pa. Katulad ng tubig na patuloy sa pag-agos at katulad ng mga punong may bunga pagkatapos itinanim nang mag-isa.

Ang lahat ng ito'y may patutunguhan. Mahahanap mo rin 'yan. Tiwala ka lang!

Kanina ka pa naghahanap. Kanina pa minamatiyagan ng iyong mga mata ang mga lugar: ang destinasyon, ang kulay at ang paligid. Dahil kapag maligaw ka ma't mawala, babalik at babalikan mo ang lahat at ikaw ay magsisimula.

Pinagpatuloy mo lang ang iyong pagsasagwan. Kahit wala ka namang alam kung nasaan ka na nga ba talaga. Ang mahalaga sayo 'y umuusad ka. Gumagalaw. Kahit hindi man ngayon ang oras mo para makita at mapuntahan mo ang lugar na iyong pangarap puntahan.

Inilipad na ng hangin ang iyong isipan. Sumabay na sa agos ng tubig ang lahat. Ngunit alam mong ito ang gusto mo. Ito ang nakakapagpasaya sa 'yo. At sa ngayon, puso mo muna ang gagamitin mo!

Dalian mo!

Bilis.

'Yan naman hindi ba? Kahit alam mong nasasaktan ka na't pagod na; hala, sige ka pa rin nang sige. Ipinagpatuloy mo pa rin ang pagsasagwan kahit hindi mo naman talaga kaya. Natulog ka lang nang ilang oras at gumising kanina. Hindi pa sapat iyon upang bumalik ang natatangi mong lakas para makausad. Pero hindi mo pa rin pinagbigyan ang iyong katawan. Pinilit mo upang madali mong mahanap ang iyong gusto.

Magpahinga ka muna. 'Wag mong ubusin ang mga pawis sa noo't kilikili mo. Huwag mong hayaang maubos ang tubig na dala-dala mo. Magpahinga ka. Hindi mo naman kailangang magmadali. Hinay-hinay ka lang. Makakarating ka rin.

Napatigil ka sa pagsasagwan nang matanaw ng iyong paningin ang mga papel na lumilipad. Marami. Lahat napunta sa tubig. Nabasa, nalunod ngunit may isa namang napunta sa bangka mo.

Sticky Notes (6th Placer PNYBattle)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon