"Binabasbasan ko kayo sa ngalan ng ama, anak at espiritu santo." Huling wika ng kura paroko sa parokyang pinaglilingkuran ko bilang sakristan. Pagkatapos magbigay pugay sa harap ng altar ay naglakad na kami palabas ng simbahan. Sa sacristy kami lahat dumiretso. Dahil bagong sakristan lang ako ay wala akong gaanong kilala sa mga lumang sakristan.
Habang nagbibihis ay may biglang humawak sakin na halos nagpatalon ng puso ko.
"Ako si Ace." Bati niya sakin.
"Ram" maikling tugon ko sabay abot ng kamay.
"Pauwi ka na?" Tanong niya na sinagot ko naman ng tango.
"Sabay ka nang pauwi?" Nakangiti siyang umakbay sakin kaya wala akong nagawa kundi sumunod.
Sabay kaming lumabas ng sacristy. Medyo mahaba-habang kalsada ang lalakadin namin bago kami maghiwalay ng daan. Pagkalabas na pagkalabas pa lang ay may nakita kaming babae na sinipulan ni Ace. May inaakbayan pa siyang kung sinu-sino. Ako na nga lang ang nahihiya.
Dumaan ang ilang linggo ng paglilingkod ko at halos ganun din ang ginagawa niya. Mabait naman siya, pero natural talaga ang pagiging babaero. Hanggang sa naging matalik kaming magkaibigan.
Naalala ko pa nga noon habang nasilong kami sa punong mangga ay nangako kami sa isa't isa. "Walang makakasira ng pagkakaibigan natin!"
Tanda ko rin, Sabado noon, pauwi na sana kami nang bigla siyang nag-aya na magpahinga sa tabi ng playground. Gamit ang gitara na dala ko, nag-music jam kami. Duon ko siya unang narinig kumanta. Ang lamig ng boses niya at very masculine. Dahil nasarapan kami sa kantahan ay medyo inabot na kami ng katanghalian dahil dun nagdesisyon na kaming umuwi.
Pero isang pangyayari ang halos nagpaiba sa trato namin sa isa't isa.
"Par! May aaminin ako sayo." Umpisa ko na medyo alanganing buksan ang paksa.
"Ha? Ano 'yon?" Takang tanong nito.
"May nagugustuhan ako sa kasakristan natin!" Bulong ko sa kanya.
"Ako rin naman e. Sige! Sabihan na lang tayo. Mauna ka." Tumatawang sabi niya.
"Si Kim." Nakita kong nagulat siya sa sinabi ko. "Bakit par? May problema ba?"
"Ha? Si Kim? Pareho pala tayo ng gusto." Ngayon hindi lang siya ang nagulat maging ako ay nagulat sa sinabi niya.
Natorpe ako at naunahan ako ni Ace at hindi rin naglaon ay sinagot na siya ni Kim, bagay na sadyang di kataka-taka. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa para sa matalik kong kaibigan o malungkot dahil alam kong wala na akong pag-asa sa babaeng minahal ko ng sobra.
Habang tumatagal mas napapamahal si Kim kay Ace. Mas nawawala ang pag-asa ko sa kanya. Minsan nagkakaroon ng lakad si Kim at Ace at sinasama nila ako. Kaso nahihiya at naiilang ako.
Hanggang sa dumating ang araw na umalingawngaw ang balitang patay na raw si Kim. Agad kaming napatakbo sa ospital. Pero wala na! Dead on Arrival. Bukod sa magulang ni Kim, si Ace ang nagluksa ng sobra. Awang-awa ako sa kanya noong panahong iyon.
Napag-alaman namin na namatay si Kim dahil tinambangan ito ng di kilalang tao at tinadtad ng saksak.
Simula una hanggang huling araw ng lamay ay walang tulog si Ace. Ngayong inilulubog na sa lupa ang kabaong ni Kim ay halos wala nang luha ang tumulo sa mata ko dahil sa sobrang lungkot. Pero si Ace, ang laki ng pinag bago. Parang nawawala na sa sariling katinuan. Para bang kinakausap niya yung hangin.
Nag-alisan na yung mga tao sa sementeryo at tanging katahimikan ang namayani sa aming dalawa. Pero binasag niya ang katahimikan naming dalawa.
"Sabi mo noon walang makakasira sa pagkakaibigan natin. Simula ng dumating siya halos wala nang oras ang pagkakaibigan natin. Kung siya wala, baka sakaling maging ayos ang lahat." Ano ang gusto niyang sabihin? Hindi ko maintindihan. Pero isa lang ang gusto kong alamin, may kinalaman kaya siya sa nangyari kay Kim?
Dahil sa pag-iisip ng sinabi niya ay di ko nalaman ang ginawa niyang pagyakap kaya nagulat ako habang tumutulo ang luha niya. Dahil sa habag sa pinaka matalik kong kaibigan ay napayakap din ako sa kanya at sabay na tumulo ang luha naming dalawa. Isa ang naramdaman ko sa yakap niyang 'yun... pagsisisi
"Pero mali ako... hindi ko rin pala kaya na wala siya." Nabigla ako sa sinabi niya, napaisip ako na huli na ang lahat nang makita ko ang pagkinang ng maliit na bakal na tumarak sa likod ko. Nararamdaman ko na ang pagbulwak ng dugo ko. Pero bago pa man dumilim ang aking paningin narinig ko pa siyang nagsalita.
"Bespren! Ako ang may kasalanan sa pagkamatay ni Kim. Akala ko kasi magiging masaya tayong dalawa pag nawala siya. Yun pala masakit din sa akin." Bago pa man maputol ang hininga ko ay nasagot ang palaisipan sa isip ko. Siya mismo ang umamin sa akin sa ginawa niyang kasalanan.
"Masaya na 'ko bespren! Magkakasama na ulit tayo." sabi niya pa sabay ng pagtarak sa lalamunan ng kutsilyong ginamit niya rin sakin.
"Paalam Ram! Paalam bespren!"
A/N: Meow. Ayos ba? Hahaha. Medyo may pagka psycho naman pala. Yun lang muna. Votes and comments are warmly appreciated.