Ang Panghoholdap

426 11 8
                                    

Naglalaro ako noon sa sala kasama ang mga utol ko nang biglang sumulpot sa may pintuan ang tindero namin dati, humahangos at nanlalaki ang mga mata sa pagkabigla. "Si Manang, binaril!", ang sigaw niya kay Lola na kasalukuyang naghihiwa ng sibuyas sa kusina. Hindi rumehistro sa akin noong una ang sinabi niya. Binaril? Anong klaseng baril, pellet o water gun? May ilang minuto din kaming nagtitigan ---- ako, si Lola, ang tindero at ang dalawa kong kapatid na maliliit pa. Nagpapakiramdaman. Pansamantalang tumigil ang paligid at tanging ang sound lang ng t.v. sa background ang pumupunit sa katahimikan na bitbit ng masamang balita. Pareho-pareho naming pilit inuunawa kung ano ba ang ibig sabihin ng mga salitang kanyang binitiwan. Na de-freeze lang ang lahat ng ibagsak ni Lola ang kutsilyong tangan at tumakbo palabas sa kung saan. Nagmamadali niyang iniwan ang sibuyas na hinihiwa at ang nakabukas na kalan. Doon lang humampas na parang isang malakas na hangin sa mukha ko ang isang nakakatakot na katotohanan....

Mawawalan na kami ng ina.

Mabilis masyado ang mga pangyayari. Sobrang bilis, hindi man lang namukhaan ni Mama ang holdaper. Basta ang alam niya, nagliligpit sila ng paninda noon sa puwesto nila sa LRT ng may mamataan siyang lalaki na kausap si Tita na nagkataong nagtitinda rin at katapat ang puwesto niya. Akala niya noong una last minute shopper pero lumuwa ang mata niya ng ilabas nito ang baril at itutok ito sa mukha ng Tita ko na noon ay ilang buwan ng buntis. Holdap pala. Ayaw ibigay ni Tita ang bag niya. Ang dahilan naroon daw kasi ang perang pambili niya sana ng pulang kotse (pula dahil swerte daw ang kulay na yun sa mga Intsik). Nang makita ni Mama na nagkakaroon na ng tug-of-war, bigla siyang umepal sa eksena. "HUWAAAAAG!", ang awat niya. Pero bago pa siya makalapit dalawang malakas na BANG! ng baril ang sumalubong sa kanya. Tumalbog daw ang unang bala na tumama sa kanya (Hindi ko alam kung paano nangyari yun. Itanong niyo na lang sa kanya). Pero doon siya sa pangalawa napuruhan. Tumagos ang bala ilang sentimetro ang layo mula sa kanyang puso at lumusot sa kaliwang pisngi ng kanyang puwitan (OUCH!). Bumagsak si Mama sa maruming aspalto; naliligo sa sariling dugo. "Mga anak kooooooooo!", ang mga huling salita daw na binanggit niya bago siya nawalan ng malay ayon sa tindero namin. Nag out-of-the-body experience naman daw si Tita habang minamasdang nakahandusay si Mama kaya hindi na niya namalayan na tuluyan na palang natangay ng kawatan ang bag niya at mabilis na naglaho sa madidilim na eskinita ng Baclaran (Bye Bye pulang kotse). 

Masyadong magulo noong mga oras na iyon. Binaril si Mama at wala si Papa; nasa Batangas at nanghuhuli ng isda. Naiwan kaming tatlo ng mga kapatid ko na kasama ang t.v. at ang bukas na stove sa kusina. "Kuya, anong nangyayari?", tanong sa akin ng kapatid ko. Ang sabi ko baka nariyan si Mayor at namimigay ng llibreng bigas kaya walang naiwang matanda sa bahay. Ilang minuto din ang lumipas bago nakabalik ang Lola namin. Isinugod daw sa San Juan de Dios Hospital si Mama ---- ang parehong ospital kung saan namatay si Papa four years later ---- at mukhang di na raw aabutan ng umaga. Bumagsak ang puso ko sa lupa.

Kapag ang tao nagigipit, lahat ng klase ng pakikipagtawaran gagawin niya sa Diyos para makuha lang ang gusto. At yun ang eksaktong ginawa ko. Kaya bago matulog, pumunta ako sa may sampayan para magdasal. Huwag niyo ng itanong kung bakit ako sa sampayan nagdadasal dahil hindi ko rin alam ang isasagot.  

Ang sabi ko:

"Dear Lord, naging salbahe ako sa inyo at sa Mama ko. Pero Lord kahit salbahe ako, gusto ko pang makasama si Mama sa mahabang panahon. Kaya Lord, kapalit ng buhay niya nangangako ako na hindi na ako mangungupit ng pera sa cabinet niya. Hindi na ako pupunta ng Libertad ng walang paalam para lang maglaro sa bidyuhan (video arcade). Hindi ko na gagawing alipin ang mga kapatid ko. Hindi na ako magbubulakbol at mag-aaral na ako ng mabuti hanggang sa mabulag ako. Hindi ko na siya sasagutin ng pabalang. Hindi ko na dadayain si James at Louie sa kalog-tansan. Hindi ko na itatago ang Toblerone sa freezer; bibigyan ko na ang mga kapatid ko. Hindi ko na lalagyan ng bubble gum ang buhok ng kaklase ko. Hindi na ako magiging pasaway kay Lola; kahit utusan niya akong bumili ng bawang sa Cabanatuan, gagawin ko. Hindi ko na aasarin si Bordang kung bakit may natuyo siyang sipon sa ilong. Hindi na ako maglalaro sa basketbolan sa gabi kasi ayaw ni Mama ng ganoon. Hindi ko na uubusin ang tinda naming ice candy. Hindi na muna ako maglalaro sa labas hangga't hindi ko nalilinis ang buong bahay. Hindi ko na tutuksuhin si Ineng na baka ilipad siya ng mga lisa at kuto niya sa ulo dahil sa sobrang dami nito. Hindi ko na nanakawin ang sinumang mag-iiwan ng ice cream sa ref at pagkatapos ibibintang sa ibang tao. Hindi na ako pupunta sa Dose de Hunyo kasama si Birhel at Jonas para maglaro ng Sega from one to sawa. Hindi na ako magre-request ng kung anu-anong ulam; kahit panis, kakainin ko. Hindi ko na itatago ang mga bag at sapatos ng kapatid ko dahil gusto ko lang mag-trip. Hindi na ako maliligo sa malaking batya para hindi aksaya sa tubig. Hindi na ako magiging salbahe Lord... Pramis!.... buhayin mo lang Mama ko.... PLEASE... PLEASE... PLEASE..."

 AMEN.

Hindi ko man natupad ang kahit isa sa mga ipinangako ko, naging mabait pa rin ang Diyos sa akin. Pagkatapos ng isang mahabang magdamag, naging stable na ang kondisyon ni Mama. Pagkaraan pa ng isang linggo, pinayagan na kaming makadalaw sa ospital. Kasama si Lola, excited kaming pumunta ng mga kapatid ko bitbit ang isang plastic ng lamog na ponkan. Tatlo silang pasyente sa isang kuwarto. Ang isa, malaking mama na natutulog sa gilid. Ang nasa gitnang kama naman ay isang lalakeng nakabenda ang kaliwang paa na nakasampay sa isang pahabang bakal na nakakabit sa kisame.

Sa dulong kama, naroon si Mama. Hindi ko pa siya masyadong maaninag noong una dahil nakaharang ang malapad at sunburned na likod ni Papa (nakabalik na siya galing sa pamamalakaya niya sa Batangas). Kaya ng tumayo siya para batiin kami, nagulat kami sa aming nakita. Humpak ang mukha, tuyo ang mga labi, lubog ang mga mata at parang tingting ang mga braso sa sobrang payat. Parang hindi ko nanay ang nakita kong nakaratay sa kama. Kamukha niya yung zombie na napanuod ko dati sa VHS na unti-unting nilalamon ng apoy. Hindi ko akalain na posible palang mangayayat ng ganun kabilis ang isang tao. Sa sobrang takot, umiiyak na tumakbo palabas ng kuwarto ang isa kong kapatid. Sinenyasan kami ni Mama na lumapit sa kanya pero hindi ko ginawa. Natakot din kasi ako. Paano kung bigla niya akong hablutin at kagatin sa leeg. Ganoon kasi ang ginagawa ng mga zombie sa mga pelikulang napapanood ko.

Isang linggo pa ang lumipas at tuluyan ng nakalabas si Mama sa ospital. Medyo mahina pa siya at laging inaalalayan kapag tatayo o pupunta sa kubeta. Hindi pa rin makalapit ang kapatid ko sa kanya dahil takot pa rin ito sa gumaralgal niyang boses. Boses na parang kinakayod na yerong kalawangin. Pero dumaan pa ang ilang araw at parang baby na unti-unting natututong lumakad, nagawa ni Mama na gawin ang mga bagay-bagay ng nag-iisa at ibalik ang dati niyang lakas at pangangatawan. Iyon ang tinatawag na fighting spirit!

Noong nasa ospital pa si Mama, may ni line-up na mga suspek ang mga pulis sa harap niya. Pero wala doon ang salarin. Ang tsismis sa akin ni Lola, pina-salvage daw ng Tiyo kong pulis ang tunay na kriminal at natagpuan na lang daw isang araw na lumulutang sa isang mabahong estero sa Pasay. Pero siyempre, basta galing kay Lola, hindi iyon reliable. Kapag naniwala ka kasi sa mga tsismis ng Lola ko para mo na rin sinabi na puwedeng kainin ang tae. 

Looking back, hindi ko lubos mawari kung paano maglaro ang tadhana. Binuhay niya si Mama para lang pala kunin si Papa sa amin pagkaraan ng apat na taon. Hanggang ngayon, puzzle pa rin siya sa akin. Bakit si Papa? Bakit hindi si Mama? at vice versa. At bakit kailangang mawala pa ang isa sa kanila? Sabi nila ang lahat daw ng nangyayari sa buhay ay may rason. Pero lumipas na ang napakaraming taon subalit parang Yamashita treasure, hindi ko pa rin mahanap ang sagot kung bakit nangyari ang mga nangyari.   

O baka naman dapat ko ng ihinto ang mga walang saysay kong pagtatanong at simulan ng mabuhay sa kung ano ang meron ako NGAYON.

Siguro nga.

Ang PanghoholdapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon