CHAPTER 1

103 3 1
                                    

BUMUNTONG-HININGA si Petski habang nakatingin sa labas ng bintana ng bus. Mag-iisang oras na siyang nakaupo ngunit hanggang ngayon ay palabas pa lamang sila ng exit sa Tabang, Bulacan. Nagtatrabaho siya bilang Team Coach sa isang BPO Company sa Cubao kaya gabi-gabi ay lumuluwas siya mula sa kanila sa Malolos papuntang Maynila.

Kung tutuusin, hindi naman talaga dapat ganoon katagal ang aabutin ng biyahe mula sa kanila papunta sa pinagtatrabahuhan niya. Alas-otso na nga siya umalis ng bahay sa Malolos para kahit paano ay maaga siyang makarating sa opisina ngunit tinamaan naman talaga ng magaling at na-stuck pa siya sa traffic.

Sa dinami-dami naman ng araw na pwedeng bumati ang pesteng trapiko, araw pa talaga ng Martes kung saan dagsa ang request ng mga customers at internal reps nila sa opisina. Galing talaga.

Muli ay bumuntong-hininga si Petski. Wala naman siyang magagawa kundi ang manalangin na anumang oras ay biglang gumaan ang daloy ng trapiko at kung may nakaraan si manong driver na drag racer ay tapakan nito ng todo ang silinyador nang makarating pa rin siya ng opisina sa tamang oras.

Sa ngayon, ipinagpapasalamat na lamang niya na hindi puno ang nasakyan niyang bus. Mabibilang niya halos ang mga tao na nakasakay kasama na siya. Wala pa nga sigurong kinse katao ang dami nila sa loob. Pwedeng-pwede ngang maglaro ng basketball sa loob sa kaluwagan nito at gaya niya, ang mga ito ay bagot na bagot na kahihintay na umayos ang daloy ng trapiko.

At dahil na rin siya ang tipo ng taong ayaw sa tao, sa pangdalawahang upuan malapit sa may dulo siya nakaupo. Tamang-tama, malayo sa mga tao at magagawa pa niyang umidlip kung gugustuhin niya ng walang ingay o manggagambala sa kanya.

Pagkatapos niyang itutok sa kanyang mukha ang aircon na nasa itaas niya ay sumiksik siya sa upuan. Dahil mukhang matagal-tagal pa ang byahe niya, iidlip na lang muna siguro siya.

Nag-uumpisa pa lang lumalim ang tulog niya nang maramdaman niyang may tumabi sa bakanteng upuan na nasa tabi niya, dahilan upang maalimpungatan siya at umayos ng bahagya sa kanyang kinauupuan. Sa kalahating dilat na mata niya at kalahating mulat na diwa, luminga-linga siya sa bus. Marami pa ring mga upuan na bakante sa loob ng bus na iyon.

Anak ng tinapa.

Sa dinami-dami na upuang bakante, bakit dito pa ito sa tabi niya naisipang umupo?

Nang sa wakas ay naaninag na niya ang nakaupo sa tabi niya, prente lang itong nakaupo sa upuan nito. Gusto tuloy niyang sumimangot.

At kahit medyo lutang pa siya, nakiusap na lamang siya ng maayos dito.

"Kuya, pwede po bang lumipat kayo sa kabila?" Pakiusap niya. "Marami pa namang bakante..."

Saglit na nilingon siya nito bago tumingin ulit sa harapan. "Ayoko nga."

Gano'n? "Ah okay po. Makiraan na lang po, ako na lang lilipat."

Nilingon na naman siya nitong muli at kapagkuwan ay saglit na pinagmasdan bago ito sumagot.

"Ayaw ko rin. Ang boring ng biyahe. Kwentuhan mo naman ako."

Napamaang si Petski. Kamukha ba niya si Kuya Bodjie?

"Kuya," nanatili lang itong nakatingin sa kanya kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Gusto ko sanang matulog kasi gusto kong ipahinga saglit ang utak ko." Mamaya kasi ay patayan na naman sila sa trabaho. Sure ball na yon.

"Hmm. Okay, sige. So tulog na tayo?"

Lalo pa siyang nagulat nang bigla na lang nitong ikiniling ang ulo sa kanyang balikat.

A Journey to Forever (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon