would you be mine forever?

390 20 1
                                    

Would you be mine forever?

By: Miles Florendo

          Nag-umpisa ang lahat sa isang laro, sa relasyong walang patutunguhan … sa kasunduang ewan kung hanggang kailan. “No strings attached”, ika nga ng iba, anumang kalalabasan ng relasyong pinasukan ay wala kayong pananagutan sa isa’t-isa. Ito ang naging daan upang maging parte siya ng buhay ni Andrei, ang lalaking naghatid sa kanya ng kakaibang karanasan.

          Natuto siyang makuntento sa kayang ipagkaloob ng lalaking ang tanging hangad ay makabalik sa piling ng iniwang kasintahan. Walang ibang mahalaga kay Louiella kundi ang madulutan ng kaligayahan ang iniibig kapalit man nito ang sariling pagtangis, Paano siya makakapasok sa puso nito kung meron na’tong nilalaman at para kay Andrei siya ang nagsisilbing katugunan sa ‘lust’ o ‘libog’ na umaalipin sa kanilang katinuan. Kaya sa sulok ng kanyang isipan naroroon ang katanungang “Would it be ‘lust’ forever?

 

 

 

 

 

CHAPTER ONE

KABADONG umibis si Brian Andrei ng kanyang sasakyan nang makitang palabas na ng bangko ang dating kasintahan. Ilang beses na rin siyang nagpapabalik-balik sa pinapasukan nito subalit sa bandang huli’y nawawalan siya ng lakas ng loob na humarap dito. Kahit maayos silang nagkahiwalay four years ago batid niyang nasaktan ito nang labis. Maunawain lang talaga si Michelle kaya maluwag nitong ibinigay ang kanyang kalayaan.

          Now that he’s back, he wanted to take her again but this time he’s giving her all the assurance that he missed to offer before.

          “Hi, Michelle!” alanganing bati niya sa natitigilang dilag. “Kumusta ka na?”

          “A-Andrei?” hindi makapaniwalang usal ng kaharap.

          “May lakad ka ba ngayon?” lakas-loob na tanong niya.

          Umiling lang ito bilang tugon sa kanya. “Okey lang ba sa’yo kung i-invite kitang mag-early dinner?” nagbabakasakaling yaya niya rito.

          Kiming ngumiti ito bago tumango. “Yeah, sure,” ani Michelle. “Maaga pa naman.”

          Inilahad niya ang kamay sa dalaga na walang alinlangan tinanggap naman nito kaya nakasilip siya ng pag-asa na maaring magbalik sa dati ang kanilang relasyon.

          Habang kumakain masaya na silang nag-uusap tungkol sa mga nangyari sa kanila sa loob ng apat na taon. Kung titingnan parang wala silang pangit na nakaraan na nagdulot ng sakit lalo na rito.

would you be mine forever?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon