“UY, ‘DI BA NGAYON KA LANG MAKAKAPUNTA SA MANILA ZOO?” tanong ni Jennifer sa kaibigang si Gemma pagkatapos magbayad ng entrance fee sa gate ng Manila Zoo.
Day-off ng magkakaibigan kaya niyaya ni Jennifer sina Gemma at si Debbie na mamasyal.
Hindi pa kasi nakakapunta sa zoo si Gemma dahil laking probinsya ito.
“Huwag mo namang ipagkasigawan,” nahihiyang sabi ni Gemma. “Para naman akong probinsiyana niyan, eh.”
“Eh, probinsiyana ka naman talaga, ‘di ba?” natatawang sabi ni Debbie.
Magkakatrabaho silang tatlo sa isang factory. Mabilis na napalapit si Gemma sa dalawa. Siya kasi ang pinakabata sa tatlo kayat parang nakababatang kapatid ang turing sa kanya ng dalawang kaibigan.
Pagpasok nila ng gate ay bumulaga kaagad sa kanila ang isang malaking elepante. Hindi mapigilan ni Gemma ang mapangiti.
“Naku! May bata, ngayon lang nakakita ng elepante!” pambubuska ni Jennifer.
“Ano ba!” natatawang sagot ni Gemma sabay mahinang hinampas ang braso ng kaibigan.
Nagpatuloy sa paglilibot ang tatlo. Tuwang-tuwa sila sa hindi maitagong reaksyon ni Gemma sa mga hayop na nakikita nila. Talagang parang itong isang munting bata.
“Mga binibini. Gusto niyo magpa-picture?”
Sabay-sabay napalingon ang tatlo. Sa likuran nila ay nakatayo ang isang matandang lalaki na may hawak na camera.
“Mura lang po. Para sa inyo, bente pesos na lang. Sampung minuto lang ang develop.”
“Uy, picture! Gusto ko ‘yan!” malakas na sabi ni Jennifer.
“Oo nga! Para remembrance na rin natin,” sagot naman ni Debbie.
Mabilis na pumuwesto sina Jennifer at Debbie sa harap ng kulungan ng orangutan, ngunit si Gemma ay hindi sumunod sa mga kaibigan.
“Gemma, ano pang hinihintay mo diyan? Halika na!” sabi ni Jennifer.
“Ha? Eh, kasi,” nauutal na sabi ni Gemma.
Nilapitan ni Jennifer ang kaibigan at hinila papunta sa harap ng kulungan.
“Ano bang problema?”
Tiningnan ni Gemma ang dalawang kaibigan.
“Kasi, tatlo lang tayong magpapakuha ng litrato,” bulong ni Gemma.
“Oh! Eh, ano ngayon?”
“Sabi kasi nila, masama daw magpakuha ng litrato kapag tatlo lang. Kasi daw, mamamatay ang nasa gitna.”
Natawa lang ang mga kaibigan niya.
“Ano ka ba naman! Huwag mong sabihing naniniwala ka sa mga pamahiin na iyan?” sabi ni Jennifer sabay tawa.
“Nakalimutan mo na ba na promdi ‘yan?” pambubuska naman ni Debbie.
“Hay naku! Ikaw talaga, lagi mo kaming pinatatawa!” sabi ni Jennifer. “Huwag ka na mag-alala. Halika na, magpa-picture na tayo. At para mas masaya, ako sa gitna!”
“Pero…” nag-aalalang tugon ni Gemma.
“Wala ng pero-pero! Halika na, pinag-iintay natin si manong,” Pumesto na si Jennifer sa gitna ng dalawang kaibigan.
“Okay. One, two, three. Say cheese!” nakangiting sabi ng photographer. Isang nakakabulag na liwanag ang nagmula sa flash ng camera nito. Napapikit tuloy si Gemma. Ngunit bago siya mapapikit ay parang nakita niyang nagbagong-anyo ang mamang photographer. Ang masayang ngiti ng lalaki ay parang naging mapangutya, na para bang may alam itong hindi nila nalalaman. At bago siya tuluyang mabulag ng flash ng kamera, nakita niyang parang naging bungo ang mukha ng mama.
“Yehey!” masayang sabi ni Jennifer. Humarap siya kay Gemma at nginitian ang dalaga. “Oh, kita mo okay lang ako! Hindi naman kasi totoo ‘yang mga pamahiin na ‘yan eh.”
Lumapit sa kanila ang photographer at ipinakita ang kanilang litrato sa screen ng hawak na digital camera. Pagkatapos ay nagpaalam ito sandali para ipa-print ang kanilang larawan.
“Oy, okay ka lang ba?” tanong ni Debbie ng mapansing parang namumutla si Gemma.
“H-Hah? Oo,” sagot ni Gemma sabay pilit na ngumiti. Hindi niya maipaliwanag ang nakita. Hindi malaman kung imahinasyon lamang niya iyon.
Hindi naman nagtagal at bumalik ang mama. Masaya nitong iniabot ang kanilang litrato na nakabalot ng plastic. Mabilis na tiningnan nina Jennifer at Debbie ang larawan.
“Ang ganda!”
Hindi narinig ni Debbie ang mga kaibigan dahil pinagmamasdan nito ang mamang photographer. Maamo ang mukha ng lalaki, at kitang-kita niya na masaya ito ng ibigay ang kanilang litrato. Naisip niya na guni-guni lang niya ang nakita kanina.
“Gemma! Hoy, ano bang iniisip mo? Eto na yung picture natin.”
Nang matapos tingnan ng magkakaibigan ang kanilang larawan ay agad din nilang binayaran ang mamang photographer. Nakangiti itong nagpasalamat, pagkatapos ay tumalikod na at lumakad papalayo.
Nang humapon na ay nagyaya nang umuwi si Gemma dahil may pasok pa sila bukas. Lumabas na sila kasabay ng iba pang tao na pauwi na rin, at naghintay ng masasakyan.
Lumipas ang kalahating oras ngunit hindi pa rin sila nakakasakay.
“Hay naku! Sana naman may dumaan ng…” biglang natigilan si Jennifer ng may makita siyang isang taong kumakaway sa kabilang kalsada. Nagulat siya ng makita na ito ay ang mamang photographer. May hawak ito sa kanyang kamay na iwinawagayway.
Ang litrato nilang tatlo.
“Yung…” ituturo niya sana sa mga kaibigan ang lalaki ngunit biglang may tumulak sa likod niya. Napasalampak tuloy siya sa kalsada.
“Jennifer!” sigaw nina Gemma at Debbie.
Nilingon ni Jennifer kung sino ang tumulak sa kanya. Laking gulat niya ng makita ang mamang photographer na nakatayo sa likuran ng mga kaibigan niya. Tumatawa ito.
Sasabihin sana ni Jennifer sa mga kaibigan na tinulak siya ng photographer ngunit sa pagkakataong iyon, isang mabilis na bus ang dumaan at nakabangga sa nakaupong babae. Ginulungan ng bus ang kanyang maliit na katawan.
Nagdilim ang paningin ng babae ngunit naalala niyang bigla ang photographer. Pinilit niyang dumilat para hanapin ang lalaki ngunit wala na ito. Hindi na niya ito makita. At ngayong nakahandusay siya’t duguan, hindi na rin niya masigurado kung talagang nakita niya nga ba ang photographer.
Pinikit ni Jennifer ang kanyang mga mata at hinayaang lamunin siya ng kadiliman.
—
“Sir, picture po. Mura lang.”
Mabilis na pumesto ang tatlong lalaki sa harap ng kulungan ng ostrich.
“One, two…”
“Sandali!”
Natigilan ang photographer ng biglang lumapit ang isang lalaki.
“Hindi niyo ba alam na masamang magpa-picture kapag tatlo lang kayo?” sabi ng lumapit na lalaki. “Mabuti pa sama niyo ko!” Muling nag-pose ang mga lalaki, na ngayon ay apat na.
Nawala ang ngiti sa mukha ng photographer. Halatang hindi niya nagustuhan ang ginawang pagsama ng lalaki sa litrato.
“…three. Say cheese.”
BINABASA MO ANG
Mga Kababalaghang Pinag-uusapan (SCARY)
Детектив / ТриллерAre you brave enough? Are you ready to face your fears? If you have the guts to READ..then ENJOY :)