LS: Listen To My Heart

355 6 0
                                    

Maraming nagsasabi na kakaiba si Kierulf Van Morales sa mga gaya niyang kabataan. Isa lamang siya sa mga kabataan ngayon, na nabubuhay bilang EMO.
Si Kierulf o Kier ay isang emo. Astig sa porma at kilos. May mahaba siyang bangs na nakatakip sa kanyang kaliwang mata. Trip din niyang magsuot nang malaking salamin sa mata. Nakasanayan niyang magsuot ng hapit na itim na maong, emo bands, mabigat na sinturon, na bungo ang disenyo, black rubber shoes na medyo may butas na. Kung minsan ay makikita mo siyang nakasuot ng sweater o jacket kahit sa mainit na panahon. Araw-araw ay lahat ng suot ni Kier ay pawang itim, pati na nga ang kanyang mga kuko.
Ngunit sa kabila ng pagiging emo, isang bahagi ng kanyang pagkatao ang hindi pa rin nagbabago. Ang kanyang puso na tanging iisang babae lamang ang nilalaman.
"Bro, wala pa ba?" tanong ng isa sa kanyang mga katropa na si Brix.
"Nandyan na siya," tugon ni Kier nang makitang paparating ang isang binatilyo, 'di kalayuan sa kanilang kinatatayuan.
"Okay, let's go guys," aya naman ng isa pa niyang katropang si Drew.
Sabay-sabay silang lumakad palapit sa isang matangkad na binatilyo.
"Kierulf, ikaw pala..." bati sa kanya ni Lawrence Christopher Uy, isa sa kanyang mga kakilala. "Nasa room pa si Xea," dagdag pa nito.
"Alam ko!" pasigaw na sagot ni Kier.
Nagtaka si Lawrence nang palibutan siya ni Kier at ng mga kasama nito. Agad siyang kinabahan nang mapansin niya ang kakaibang ngiti nina Brix at Drew.
"Akala ko kasi hinahanap mo siya."
"Wala akong kailangan sa kanya,"
tugon ni Kier, "Sa 'yo meron," giit niya.
Kung nakakasakit lang ang pagtitig ay siguradong sugatan na si Lawrence sa talim ng tingin ni Kier.
"Ano'ng kasa---?" Mukhang alam na ni Lawrence ang maaaring mangyari kaya napaatras na siya.
"Ano?" tanong ni Brix na nakahanda nang sumuntok anomang oras na sabihin ni Kier.
Hindi na matiis ni Kier ang kanyang labis na galit kay Lawrence, na nais nang kumawala sa kanyang dibdib. Nag-iinit na ang kanyang mga kamaong nagpupuyos sa galit.
"Teka..."
Napahandusay si Lawrence sa lakas ng suntok na kanyang natamo. Mahina ang kanyang pangangatawan kaya hindi agad siya nakatayo.
"Ano'ng nagawa ko sa 'yo?" usisa niya.
"Sige tayo!" sigaw ni Brix.
"Laban!" sigaw naman ni Drew.
Biglang siya itinatayo ni Kier habang nakahawak sa kuwelyo ng kanyang polo.
"Bakit? Bakit ikaw pa?!" sigaw ni Kier.
"Ano'ng pinagsasabi mo Kierulf?!"
"Sana mawala ka na!"
"'WAG!"

Isa na naman sanang malakas na suntok ang matatanggap ni Lawrence ngunit pinigil ni Kier ang kanyang sarili.
"Ano'ng ginagawa mo, Kierulf?!" sigaw ni Xea na agad humarang sa harap ni Lawrence.
Inalalayan din niyang tumayo ang kanyang matalik na kaibigan.
"Xea, okay lang ako..."
"Sumosobra ka na talaga, Kier. Alam mo namang 'di ka kayang labanan ni Lawrence e..."
inis niyang sabi sa kanyang dating matalik na kaibigan.
Hindi na nagawa pang magsalita ni Kier. Bumilis ang tibok ng kanyang puso dahil sa galit na halos iluwa ng kanyang dibdib. Pawang mahabang bugtong-hininga na lang ang kanyang nagawa.
"'Wag mo nan uulitin ang pananakit sa kanya. Kung hindi, 'di na talaga kita papansinin kahit kailan," pagbabanta pa ni Xea.
"Tama na Xea. Okay naman ako," awat ni Lawrence, "Umuwi na tayo."
Halos masunog ang panyong nakabalot sa mga kamao ni Kier dahil sa sobrang init na nais kumawala mula rito habang kanyang pinagmamasdan ang paglayo nina Xea at Lawrence.

NANG makauwi sa kanilang bahay ay agad na nagkulong si Kier sa kanyang kuwarto. Nakinig ng punky music na halos makabasag eardrum dahil sa lakas.
"Kuya Kier!"
Hindi na niya marinig ang pagsigaw ng nakakabata niyang kapatid, na si Xeira sa labas ng pinto ng kanyang kwarto kaya muli itong kumatok nang malakas.
"Bakit ba?!" pasigaw niyang tanong nang pagbuksan niya ito ng pinto.
"Kuya Kier, puwede bang pakihinaan ng player mo? Nag-aaral kasi kami ni Xeiya e," pakiusap ni Xeira.
"Ayoko. Kung gusto n'yong mag-aral do'n kayo sa sala o kaya sa labas," katwiran pa niya habang patuloy pa rin sa pag- headbang.
"Kuya..."
"Alis na!"

Bigla na niyang isinara ang pinto dahil sa inis.
"Bakit kaya ganun si Kuya Kier?" natanong ni Xeira sa sarili, "'Di naman siya ganito noon..."
Iyon na lang ang kanyang nasabi habang palayo sa kuwarto ng nakakatandang kapatid.

Listen To My HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon