Huli

1.3K 88 123
                                    


Ilang gabi na akong di dalawin ng antok mula nang muli kitang makita.

Labis ang lamig ng gabing iyon. Hinigpitan ko ang balot ng aking balabal, at sinubukang makinig sa mga linya't tugtugin.

Sa unang pagkakataon matapos ang kasal ay pinaunlakan ko ang hiling ni Tidora na samahan siyang manood ng bodabil. Ito na nga raw at dinala na sa aming plasang bayan, di tulad ng ibang pagkakataon na kami'y dadayo pa. Iniisip ko na lamang na pasalamat ko ito sa kanya, sa lahat ng hapong hinagod nya ang aking likuran, walang sawang nakikinig sa kanyang Ateng di larawan ng tatag. Napakatahimik rin naman sa mansyon ng aking asawa, at sinimulan na rin akong usigin ng mga dingding.

Tatlong linggo na mula nang bumiyahe si Miguel. Aniya'y may aberya sa pagawaan sa Cebu. Sa huling mensaheng ipinaabot niya kay Antonio ay di na raw siya makapaghintay na makauwi sa isang linggo.

Ako nama'y napuno ng agam-agam sa pagbabalik ng sarili kong bodabil.

Natapos ang palabas nang hindi ako nangiti. Habang si Tidora ay puno pa rin ng halakhak at pagkasabik.

"Di ba't kay ganda, Ate? Pagkahusay-husay ng mga bida, animo tunay ang mga pangyayari sa eksena."

"Siyang tunay, Tidora." Sana'y wag mo akong tanungin kung ano ang paborito kong bahagi, pagkat wala akong maisasagot sa iyo.

"Ate!" Hinila nya ang aking baro. "Hayun ang mga bida! Nais ko silang kamayan! Halina, Ate! Bago sila makalayo!"

Ngunit ang mga biyas ko'y simbigat ng aking damdamin.

"Ikaw na lamang, Tidora. Hindi ko hilig ang makipagkamay sa mga artista. Hihintayin na lamang kita doon sa may estatwa."

Ni hindi man lamang siya lumingon at tuluyang tumakbo tungo sa likod ng entablado. Sinimulan kong baybayin ang kalawakan ng plasa. May mga naglalako ng kung anu-anong abubot galing Tsina, at mangilan-ngilang mga kabataang tumutugtog ng gitara. Sinubukan kong maki-usisa sa kumpulan kung saan nagsimula nang umindak ang mga tao sa masiglang tugtugin. Ngunit di ko kayaning makita ang pag-alok ng kamay ng mga binata, at ang kislap sa mga mata ng binibining tumatanggap. Kaya't minadali ko na lamang ang paglakad tungo sa estatwang nangangako ng huwad na katahimikan.

Naupo ako sa bangkong bakal, at nagsising ito pa ang aking piniling tagpuan. Pagkat sa di kalayuan ay narinig ko ang kundimang tila kasaliw ng aking puso - bawat hagod sa gitara'y puno ng hangad at pait. At nang nagsimula na ang mga titik, tila nilisan ako ng aking kaluluwa.

"Selmo." Di ko napigilang bigkasin.

Tumigil ang tugtog.

Mula sa likod ng kinatatayuan ng estatwa ay bumungad sa akin ang mukhang halos di ko na makilala. Mahaba ang kanyang buhok, humpak ang mga pisngi. Ang mga mata niyang malamlam animo'y di pag-aari ng binatang minsa'y bukal ng aking kaligayahan.

"Nidora?" Dagli siyang lumapit. "Nidora, mahal ko! Ako ba'y sumalangit na sa wakas?"

Hinayaan ko siyang hawakan ang aking mga kamay. Pinisil niya ang mga ito wari bang ako'y isang panaginip na di magkakatotoo. Ngunit kahit iyo'y hindi sapat upang siya'y maniwala; ulit-ulit nyang idinampi sa kanyang mukha ang likod ng aking mga palad.

"Panginoon ko, ako'y kunin Nyo na," kanyang sambit sa gitna ng mga hikbi, "maligaya na akong ito ang huli kong alaala."

"Selmo... " Hindi ko na mapigilan ang agos ng aking mga luha. "Selmo, huwag, maawa ka. Pag nangyari ya'y di ko kakayaning di sumama."

Bumagsak sya sa kanyang mga tuhod, at naramdaman ko ang init ng kanyang mga luhang tuloy ang pagpatak sa mga kamay kong hindi niya binitawan.

"Walang sandaling hindi ka dumalaw sa aking gunita. At pag dinadala ako ng aking alaala sa mga panahong ang mga labi mo'y akin, patawarin nawa ako ng Diyos, Nidora. Pagkat natatagpuan ko ang aking sarili sa inyong bakuran, tahimik na humihiling na ibukas mo ang iyong bintana at sumama ka sa akin patungo sa mundong tayo lamang dalawa."

O AnselmoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon