Pangako Sa'yo: Alternate Ending

2.8K 97 17
                                    

I bless the day I found you...

Mistulang mga kalapating nagsibalik sa kanilang mga lungga ang alaala ni Angelo. Mabilis. Isa-isa. Unang dumapo ang alaala ng una nilang pagkikita at ang pakiramdam ng paghihintay sa kanyang labi. Tirik ang araw. Masakit sa balat. At isang matinis na hiyaw na nagpaurong sa kanyang ihi. Ang sumunod na lang ay isang pares ng kamay. Maliliit na daliri. Pisil ang kanyang ilong at labi. Nakarinig pa siya ng isang tahimik na usal. Baka dasal? Hindi na niya inalam dahil unti-unting napalitan ang hangin sa paligid. May init. Ngunit malamig. Tsaka na lamang niya natantong ang hanging kanyang hinihinga, ay buntong hininga ng isang dalagang hahalikan na siya.

I want to stay around you...

Patuloy ang paglipad ng mga kalapati. Mga alaalang hindi niya malilimot. Ang amoy ng kanyang balat sa tuwing malapit siya, pawisan sa ilalim ng araw, babad sa harap ng pugon, may asim ng kamias at sinigang. Ang ganda ng bawat ngiting kumukurba sa kanyang mukha, kahit masakit, kahit mapait, kahit may kasunod na hikbi. Ang lahat ng sandaling iyon. At bawat minutong ginugol na di siya kapiling.

Lahat ay dumating, nanatili at lumipas sa loob ng unang dalawang saknong ng awiting pinili ni Yna kaninang umaga. Para sa kasal nila. Sa gabi nilang dalawa. Sa gabi ng kanilang pag-iisa.

And so I beg you...

Kung anong ibinilis ng lahat ng alaala'y siyang bagal ng oras noong unti-unting maglakad si Yna papunta sa puno ng karpet na pula. Si Yna. Si Yna na bukod tanging may lakas ng loob para pagbintangan siyang nagnakaw ng kwintas. Si Yna na pinahirapan niya sa pag-aakalang kalaguyo ito ng kanyang ama. Si Yna na pamatay ang bawat kumpas ng sandok. Si Yna'ng mahal na mahal ang kanyang pamilya. Si Yna'ng may malaking paghanga kay Amor Powers. Si Yna'ng mapagbigay. Si Yna'ng may-ari ng isang pares ng maluhaing mata. Si Yna'ng iniwan siya. Si Yna'ng nabuo sa kanyang isip noong magkawalay sila. Si Yna'ng ipinarinig sa kanya ang himig ng puso niyang busilak. Si Yna, ang dahilan kung bakit mas malinaw niyang naririnig ang tibok ng sariling puso.

Ang bawat Yna. Ang lahat ng Yna sa loob ng ilang taon niyang pag-ibig sa tuwina, at ang Yna na nasa harap niya ngayon. Si Yna na iniaabot sa kanya ang buo nitong puso. Si Yna na nagnanais humati sa kanyang ngayon, sa mga susunod niyang araw, hanggang sa dulo ng kanyang mga bukas.

Let it be me.

"Yna." Lumandas ang isang butil ng luha sa kanyang pisngi. "Yna, ito na 'to." Dahan-dahan, kinuha niya kamay ng papaluha nang si Yna.

"Ito na 'to, Anghelo." Malambing na sambit ni Yna sa kanyang ngalan, lalong tumamis ang kanyang ngiti. "Ito na 'to, wala nang bawian. Wala nang bitawan."

"Wala na." Isang guhit ng pangako ang ngiting sumilay sa mukha ni Yna kasabay ng kanyang sinambit. Papasayahin niya si Yna. Hindi mabubura ang ngiting pangako. Kung kailangan niyang gawin ang lahat, kung para kay Yna, kung para hindi maulit ang sakit na pumunit sa kanya noong iwan siya ni Yna, walang kurap at hindi mag-iisip, gagawin niya.

"Tayo ngayon ay natitipon para saksihan ang pag-iisang dibdib ni Angelo at Yna. Ang pag-ibig na hinadlangan ng napakaraming suliranin. Sinalanta ng napakaraming unos. Ngunit ang pag-ibig ay matatag. Ang pag-ibig ni Angelo at Yna, ay hindi isang pag-ibig na dumating ng madalian. Ang pag-ibig nila, ay pag-ibig na pinaghirapan, pinag-alayan, pinagtagumpayan. Ngayon, kung mayroon mang tututol, mangyaring magsalita na kundi ay habambuhay pumayapa."

Hindi inalintana ni Angelo ang sinabi ng ministro. Hindi niya inalintana ang huwad na liwanag na bumabalot sa buong paligid sa gitna ng gabi. O ang mangilan-ngilang miron sa kanilang kasal na kahapon niya lang nakilala. Kahit pa siguro ang pagtutol ng kahit sino ay babaliwalain niya. Si Yna lang ang mahalaga. Kay Yna lang ang mga mata niya.

The After FallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon