Unang Bahagi

211 3 0
                                    

Ako si Dianne, labing-anim na taong gulang, limang talampakan ang taas, medyo maputi ang balat, may pagkakulot ang buhok, halos pabilog ang mata, manipis ang labi, at ako ay isang manananggal. Hindi ako dapat katakutan. Kung ano man ang nalalaman mo tungkol sa mga manananggal, kalimutan mo nang lahat iyon, sapagkat marahil karamihan sa mga impormasyon mo ay hindi totoo. Una sa lahat, hindi kami kumakain ng mga sanggol, hindi namin dinudukot ang sanggol mula sa sinapupunan ng isang buntis. Hindi kami kumakain ng tao. Tao rin naman kaming mga manananggal, ang kaibahan lamang ay nahahati ang aming katawan tuwing hatinggabi. Ang kinakain namin ay ang laman at dugong sariwa ng mga hayop, hindi tao. Hindi totoo na nagiging bruha ang itsura ng mga manananggal. Minsan nga'y nakatirintas pa ang aking buhok habang ako ay lumilipad. At hindi rin totoo na buong gabi kami kung mahati. Isa hanggang tatlong oras lamang bawat gabi, kapag nabusog na ang aming pagkamanananggal ay maari na kaming makakabit muli sa aming kalahati. Mayroon akong ama, alam din naman niya ang aking kalagayan, sapagkat manananggal din naman ang aking ina. Yumao na ang aking ina sapagkat hindi niya kinaya ang pagbubuntis sa akin. Kung iisipin ninyo, mahirap nga naman ang mahati tuwing gabi na may sanggol sa sinapupunan. Napakabigat at mahirap lumipad. Minsan ay natatawa ako kung iisipin ko ito. Ngunit matapos ang ilang sandali ay nalulungkot ako sa alaala ng aking ina.

Ako ay isang mag-aaral. Tuwing umaga ay ginigising ako ni tatay upang pumasok sa paaralan. Medyo malayo pa kasi ang aking biyahe sapagkat ako ay nakatira sa Bacoor, Cavite. Masaya namang tumira sa Cavite sapagkat kahit na ito ay isang probinsya ay moderno na rin ang mga makikita rito. Marami ang mga pamilihan at madali lang ang transportasyon.

Kadalasan ay napakaaga ng pasok ko kaya't tamad na tamad akong bumangon. Kahit anong pilit ni Tatay ay hirap na hirap pa rin akong bumangon. Buhusan man niya ako ng tubig, kilitiin man niya ako, bagsak pa rin ang aking katawan. Bumabangon lamang ako kapag naaalala ko na masisilayan kong muli si Kurt. Si Kurt ay ang aking kamag-aral. Siya ay maputi, matangkad at matalino. Napakaganda ng kanyang mga mata, medyo singkit ngunit hindi gaano. Maninipis ang kanyang labi, at makisig ang kanyang pangangatawan. Lunes, dalawang buwan na ang nakakaraan, nang magkakilala kami ni Kurt. Nakatabi ko siya sa aking klase sa Filipino. Tinanong niya ang aking pangalan, tinanong ko rin naman ang pangalan niya. Ngumiti siya sa akin at inusisa ang aklat na aking binabasa, tungkol ito sa mga aswang. Sinabi ni Kurt na mahilig din siyang magbasa ng mga aklat. Katunayan ay nabasa na rin niya ang aklat na aking hawak. Napakatalino pala ni Kurt! Naglalaro na siya ng baseball, nakakapaghanap pa siya ng panahon upang makapagbasa! Hangang-hanga ako sa kaniya! Doon nagsimula ang aming pagkukuwentuhan. Ganoon din naman ang nangyari noong mga susunod na araw. Lagi kaming nagkukuwentuhan at nagtatawanan kapag nagkikita kami. Minsan ay nagkita kami sa kantina at kami ay sabay na kumain. Napakadaling kausap ni Kurt sapagkat may kadaldalan din naman siya. Ako ay napupuno ng tuwa tuwing akin siyang nakikita.

Ilang linggo matapos ang aming pagkakakilala ay in-add ako ni Kurt sa Facebook. Unang tingin ko sa aking Friend Requests ay hindi ako lubos na makapaniwala. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang tumawa nang tumawa. Tuwang-tuwa ako nang makita iyon. Halos lumundag na ako sa kama sa sobrang katuwaan. Ibig sabihin nito ay naaalala pa ako ni Kurt. Dali-dali kong in-accept ­si Kurt at nakita ko na siya ay online. Bigla na lang siyang nakipag-usap sa akin, mula ikawalo hanggang ikalabing-isa ng gabi. Para sa mga kabataan sa panahong ito, medyo maaga pa ang ikalabing-isa ng gabi, ngunit kinailangan ko nang magpaalam sapagkat mahahati na ako. Kailangan kong umalis upang maghanap ng aking makakain. Ganito ang nangyari buong linggo. Tuwing mag-uusap kami ni Kurt sa Facebook ay bigla na lamang akong mawawala. Minsan ay nagmadali akong magpakabusog bilang manananggal upang makabalik na ako sa aking kalahati at mabuong muli. Ngunit hindi ganoon kadaling mapunan ang gutom at uhaw ng aking pagkamanananggal. Kailangan ay dahan-dahan kong nguyain ang laman ng hayop. Hindi ko maaring lunukin nang diretso sapagkat kung ako ay makabalik na sa aking kalahati at mabuong muli, hihina na ang aking pangangatawan, magiging katulad na muli ako ng ordinaryong tao. Sasakit ang aking tiyan at magkakaron ako ng impatso. Kahit anong pagmamadali ko, ako ay huli na. Pagbalik ko sa aking laptop ay offline na si Kurt. Lagi na lamang itong nangyayari kaya't kinailangan kong mag-isip ng paraan upang makapag-usap kami nang matagal. Sa sumunod na gabi, ako ay kumuha ng buhay na kambing at itinali sa aming bakuran. Nang ako ay mahati, lumipad na lamang ako sa aming bakuran at nilapa ko ang kambing. Kalahating oras lamang ay busog na ako, hindi ko pa kinailangang lumayo. Alam ko na medyo delikado ang aking ginawa sapagkat baka may makakita sa akin kaya naman binilisan ko na lamang ang aking pagkain. Ayoko rin naman na mahuli ako ni Tatay. Iniingatan niya kasi ako kaya't mas gugustuhin niya na sa medyo malayo ako humanap ng kakainin, kung saan walang makakakilala sa akin.

Isang Gabi, Nahati ang Aking KatawanWhere stories live. Discover now