Bata pa lang, bigo na

588 6 1
                                    

Sa dami ng naranasan ko sa buhay ko, hindi ko alam kung saan ko uumpisahan ang kuwento. Marahil iniisip mo isang panibagong love story lang ito, pero sa totoo lang, kwento ito ng mga katangahan ko sa buhay. Kaya kung gusto mo gumanda ang araw mo, hay naku, mali ka ng librong binuklat.

Dalawampu't dalawang taong gulang na ako habang sinusulat ko ang kwentong ito. Gusto ko sanang gawing textbook ito, o kung hindi man, "manual" para sa mga anak ko. Ayoko kasi nilang palampasin sa buhay nila yung "The One" ika nga. Pakiramdam ko kasi napalagpas ko yung sa akin. Pero teka sandali, paano nga pala ako magkakaanak kung wala na yung "The One" ko? Hahaha, bahala na. Sige na nga, para na ito sa kung sinong magbabasa nito. Basta't marunong kang magmahal, maiintindihan mo rin ako.

Matagal na akong nagta-"trial and error" sa pag-ibig. Kindergarten pa lang ako, nain-love na ako sa classmate ko. Okay, masyadong malalim yung love, crush pala dapat. Mavi ang pangalan ng unang crush ko. Siya yung unang nagbigay sa akin ng definition ng love. Lagi niya kasi akong ipinagtatanggol sa mga nangaasar sa akin. Tandang tanda ko pa na siya yung nagkalas ng tali ng mga kamay ko sa poste. Naglalaro kasi kami ng bahay-bahayan at bigla akong kinidnap nitong kumag kong kaklase. Ayun, tinali niya ako sa poste ng ilaw sa may hardin ng eskwelahan namin gamit ang sintas ng sapatos niya. Sobrang higpit na pumupula na yung pinagtalian sa akin, sa may bandang pulsuhan ko, at lalong pumupula habang pinipilit kong kalasin. Dumating naman si Mavi, humahangos at nagmamadaling tinanggal ang tali sa kamay ko. Sa murang isip ko noon, pakiramdam ko noon ay napakahalaga ko. Kapag kasi nasundan ka kaagad ng panibagong kapatid, natural na maramdaman mong bigla nang hindi ikaw ang bida sa pamilya - biglang wala ka nang halaga. Naramdaman ko kay Mavi ang pagpapahalaga na hinahanap ko. Simula noon, lagi na kaming magkasabay maglaro at kumain. Para nga naman hindi na ako muling kidnapin at masaktan pa ng kaklase namin.

Pero siyempre hindi naman buong buhay ang Kindergarten. Dumaan ng napakabilis ang isang taon at nagtapos akong First Honor sa klase. Mabilis kasi akong natutong bumasa at sumulat kaya sigurado nang makakapasok ako sa magandang eskwelahang pang elementarya. Si Mavi naman... ayun, malungkot kasi sasama na silang buong pamilya sa tatay niya na nagtatrabaho sa ibang bansa. Oo na, siguro yun na din ang una kong pagkabigo. Unang bahagi ng "trial-and-error" ng buhay pag-ibig ko.

Huwag mong Hanapin, Baka Magpakita: Isang Awtobiograpiya ng Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon