Nagdaan pa ang ilang taon at nahanap ko ang sumunod na nagpakilig sa puso. Grade Five na ako at matiwasay na nag-aaral mag-divide, multiply at gumawa ng mga essay nang bulabugin ang mundo ko ng F4. Hinding hindi ko makakalimutan ang mga pangalang nagpabago ng buhay elementarya ko: Jerry Yan, Vic Zhou, Vaness Wu at siyempre si Ken Zhu, ang pinakacrush ko sa lahat.
Ginawa ko ang lahat ng ginagawa ng mga die-hard fans: bumili ng mga posters, notebooks, paper bags, T-Shirt, bimpo, at syempre mga CD nila. Bumili nga din pala ako ng ticket sa concert nila pero hindi naman ako nakapunta. Binenta ko na lang sa tiyahin ko yung ticket, pero siyempre iniyakan ko yung hindi ko pagkakapunta. Tanda ko sa ULTRA daw kasi gagawin yung concert at sabi ng tatay ko delikado doon kasi nanunuod daw sila doon dati ng mga patimpalak pampalakasan. Edi syempre todo alala din ang nanay ko at ang ending ay hindi ako nakapunta. Nanuod na lang ako sa TV ng ilang coverage ng concert nila dito.
Dumating pa nga ako sa punto ng sobrang kabaliwan ko na ultimo lobo na may helium ay tinatalian namin ng sulat para kay Vaness Wu kasi siya lang yung marunong mag-English sa kanilang apat. At sinusulat ko sa umpisa, "Please translate this to Ken because I really love him." Ngayong matanda na ako, nakakatawa na lang isipin ang mga kabaliwan na yun na nakikita ko ring ginagawa ng napakaraming kabataan na mahilig sa K-Pop ngayon. At sasabihin ko sa inyo ang sinabi ng nanay ko noon: "Kahit na anong gawin mo, hindi ka naman mamahalin ng iniidolo mo." Hindi ka naniniwala? Ayos lang, dadating ang panahon na pareho na lang din nating pagtatawanan yan.
Natapos ang pag-aaral ko sa elementarya at sa kasamaang palad, wala akong naiuwing award. Tanging diploma at masasayang alaala ang nadala ko pagtuntong ng High School. Nabaliw na naman ako sa isang lalaki: si Johnny Depp! Oo, matanda na siya noong mga panahon na iyon pero nagkasabay-sabay ang kasikatan ng mga pelikula niyang "Pirates of the Carribean", "The Corpse Bride" at "Charlie and the Chocolate Factory." Hindi ko natiis hanggang ang napakagandang boses niya, lalo pa nang makita ko kung gaano talaga siya ka-gwapo. At hindi ako nag-iisa. Parang ang standard yata ng lahat ng babaeng celebrity sa Hollywood ay ang kagwapuhan ni Johnny Depp. Kaya naman inubos ko na naman ang pera ko sa pangongolekta ng mga VCD (Oo, hindi pa uso ang DVD noon) ng mga pelikula niya, at mayabang kong sasabihin sa inyo na halos lahat ng pelikula niya ay napanuod ko na, bago at luma. Nauubos ko ang kalahati ng buong High School life ko na siya ang pinapantasya. Anong nga bang alam ng musmos kong puso sa pag-ibig? Habang ang mga kaklase ko ay nakakarami na ng boyfriend, ako naman ay nakakarami na ng pelikula ni Johnny Depp.
Ang nakakalungkot lang, ginawa akong Video City ng maraming tao nung panahon na iyon. Marami sa koleksyon ko ang nahiram at hindi na naibalik. Kaya walang sisihan kung medyo mahigpit ako pagdating sa hiraman.
BINABASA MO ANG
Huwag mong Hanapin, Baka Magpakita: Isang Awtobiograpiya ng Pag-ibig
RomanceKung mahilig ka magbasa ng mga love story, maaliw ka sa kakaibang kumpilasyon ng mga love stories na ito... Pero teka, hango lamang ito sa karanasan ng isang babae! Samahan si Cynthia sa pag-alala sa mga pagkabigo, katangahan, at pag-ibig na marahil...