Sinulat ko sa isang bughaw na papel
ang lahat ng nais kong sabihin sa'yo.
Pero itinago ko lang sa pagitan ng mga pahina ng isang libro.
Anim na taon na, malabo na nga ang tinta.
Sinubukan kong iabot sa'yo dahil sa wari ko'y hindi na tayo magkikita pa.
Pero di sumang-ayon ang tadhana.
Lalo pa tayong pinaglapit sa araw-araw.
At kung kailan naman tayo nagkalapit ay tsaka naman tila mas lumayo sa isa't isa.
Halos araw-araw kitang nakikita
Ngunit ako'y tila baga isang multo na lamang sa paningin mo.
Sa bawat araw na akala ko ako'y nakausad na
Sa bawat pagkakasalubong natin na akala ko'y maayos na
Dumarating ang sandaling napapagtanto kong hindi pa pala.
Tuwing maiisip ko ang nakaraan
Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit nga ba nanahimik na lang ako
At itinago ang liham sa bughaw na papel. Marahil ako nga'y isang duwag.
Pinagtanggol ko ang sarili ko
Na mas ninais kong panatilihin ang kung anong meron tayo.
Pero bakit tila lahat ay nawala?
Kaibigan mo pa rin nga ako
Ngunit ramdam ko ako'y isang estranghero na sa'yo.