Part 40

24K 482 7
                                    

MAKALIPAS ANG ISANG BUWAN. Nakalipad na nga patungong America si Tiffany sa tulong ng pera ni Madam Amelia.

Sa ilang oras ding pag-aantay ni Tiffany sa airport ng banyagang bansa ay tumawag na rin sa wakas sa kanya si Madam Amelia. Naging maayos din ang pag-uusap nila at masaya siyang natapos ang tawag.

Natagalan lang daw siyang natawagan dahil nahirapan ang madam na kumbensihin si Bearlan sa plano nito. Pero okay naman na raw ang lahat basta huwag niya itong ipagpapalit sa Amerikano. Natawa siyang ipinasabi kay Madam Amelia na pag-aaral lang ang aatupagin niya roon sa banyagang bansa at wala ng iba.

Saglit nga lang ay may sumundo na sa kanya. Nakatanggap siya ng tawag ulit mula kay Madam Amelia nang lulan na siya ng kotse ng lalaking sumundo sa kanya.

"Sana magustuhan mo ang titirhan mo, Tiffany."

"Salamat po sa lahat-lahat, Madam."

"It's my pleasure, iha. So, paano tatawagan mo na lang ako kapag may kailangan ka?"

"Sige po."

"Bukas susunduin ka ulit ng uutusan ko para samahan ka sa papasukan mong university diyan."

"Opo at salamat po ulit, Madam."

"Sige ingat ka diyan."

"Um... Madam?"

"Yes?"

"Ikumusta niyo na lang po ako kay Bearlan at —"

"Tiffany, tibayan mo ang loob mo. Huwag si Bearlan muna ang iniisip mo para hindi ka mahirapan diyan na mag-adjust. Pag-aaral ang atupagin mo. Huwag mo sanang sasayangin ang gagastusin kong pera sa 'yo. Huwag mo sana akong bibiguin ulit."

Namula ang mukha ni Tiffany. Napahiya siya sa kausap.

"Sorry po, Madam."

"Sige na. Ibababa ko na."

Napapabuntong-hininga na lang siya nang wala na si Madam Amelia sa linya.

"Ang hirap naman!" pagkuwa'y reklamo niya sa bawal siyang makipagkontak kay Bearlan. Mapa-cell phone man o mga social media. Pero titiisin na lang niya, pasasaan at malaya na silang mag-iibigan ni Bearlan basta makatapos lang siya. At bonus pang matutupad na niya ang pangarap sa kanya ng mama niya na makakapagtapos siya ng pag-aaral.

Hindi siya magiging pasaway kay Madam Amelia. Ipinapangako niya, hindi niya sasayangin ang oppurtunity na ibinigay sa kanyang ito ni Madam Amelia. Mag-aaral siyang mabuti, para sa mama niya at higit sa lahat para sa pag-iibigan nila ni Bearlan.

Magtatagumpay siya!

"Mama, nandito na po ako sa America para mag-aral. Akalain mo dito talaga sa America, 'no?" nangingiti pero naluluhang usal niya na tumingala sa taas. Siguro ay nakangiti na rin sa kanya ngayon ang mama niya.

Katok ng pinto ang nagtigil sa pagmumuni niya. Napatanga siya roon? Sino naman kaya ang magiging bisita niya?

Kunot-noo siyang tinungo ang pinto at binuksan iyon, ngunit wala naman tao. Takang-taka niyang inilibot ang tingin ng labas. Wala namang kakaibang tao.

Akmang isasara na niya ang pinto ulit dahil ang lamig. Subalit dahil napansin niya ang madaming paper bag sa ibaba ng pinto ay natigilan siya. Maang niyang dinampot ang isa at tiningnan kung kanino o kung saan galing, subalit wala man lang nakasulat doon kahit isang letra.

At nang bulatlatin niya ang mga iyon ay mga jacket palang makakapal at mga boots na halatang mga mamahalin.

Napapamaang na muling napatingin sa paligid si Tiffany. Ang kaso wala talagang tao.

Bandang huli, bagaman may pag-aalangan ay kinuha na lang niya ang mga iyon. Naisip niya na baka bumalik iyong nagsundo sa kanya tapos nagmadaling umalis. Baka bigay ang mga iyon ni Madam Amelia sa kanya dahil kailangan niya talaga ang makakapal na jacket.

Kakamot-kamot ulo siyang pumasok na sa loob ng apartment niya.

Hindi na niya nakita ang bulto ng lalaki na lumabas sa pinagtaguan at kuntentong nakatingin sa pinto ng kaniyang apartment.

MY BEKI "KUNONG" BOSS (Tayo Na Lang, Puwede Naman)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon