Disyembre ng taong 1950 noon - malamig ang gabi, maraming tao sa kalsada. Lahat sila ay patungo sa simbahan ng San Rafael. Kitang-kita agad ang usok na nanggagaling sa nilulutong mga puto sa mga bumbong. Maraming bata ang nakangiting humahawak sa mga lobo at marami namang matatandang nakaupo sa ilalim ng mga puno habang naghihintay ng unang misa para sa siyam na araw na simbang gabi.
Sakristan noong araw ni iyon si Bernardo. Basa ang kanyang mga palad at nanginginig ang mga tuhod sa kanyang paglakad dahil unang pagkakataon pa lamang niyang makapagsilbi sa isang simbang gabi. Halu-halo ang kanyang emosyon sa araw na iyon. Lalo pang umigting ang kanyang kaba nang makita niya ang simbahan na punung-puno ng tao. Ang ibang napag-ubusan na ng upuan ay nagtitiis na tumayo para lamang makapag-simba.
Hanggang sa lumabas na ang pari mula sa maliit na pinto sa likod ng kapilya. Sikat na pari si Father Johnson sa Barrio San Rafael. Sampung taon na siyang nagsisilbi dito at nais pa niyang magsilbi dito sa mas mahabang panahon. Galing siya sa Amerika ngunit mas nagustuhan niya ang mga tao dito kaya ninais na lamang niyang mamalagi dito sa Pilipinas. Lahat ng taong dumadalo sa mga misa ay palagi siyang hinahanap dahil sa maamo nitong mukha at paraan ng pakikipag-usap.
Kabado pa rin si Bernardo ngunit lumakas ang loob niya nang makita niya si Cecil na nakaupo at naghihintay na magsimula ang misa. Maputi, matangkad at may mahabang buhok ang dalagita. Noong gabi na iyo'y suot niya ang luntiang palda habang may puting baro sa kanyang itaas. Maganda talaga siya. Sa katunayan ay gusto siya ng kanyang mga taga-barrio na sumali sa isang beauty contest sa darating nilang kapistahan.
"Klang! Klang! Klang!"
Malakas na tumunog ang kampana. Hudyat na ng pagsisimula ng simbang gabi.
Nagsimula nang mag-martsa ang mga sakristan sa gitna papuntang altar. Lahat ng mga tao'y nakangiting sumalubong sa mga sakristan at kay Father Johnson. Ang usok ng insenso'y umiikot sa buong simbahan na tila nagtataboy ng masasamang espiritu.
Habang lahat ay nagagalak sa pagsisimula ng misa ay bigla namang lumabas si Julio sa simbahan. Isa siyang dating kapitan ng Barrio San Rafael ngunit napatalsik sa puwesto matapos maglustay ng kaban ng bayan para sa kanyang pansariling interes. Sa kanyang paglabas ay namataan niya ang mga taong umiiwas sa kanya at tila may balik na masamang tingin. Mahirap na si Julio ngayon at tila pinagkakanulo na siya ng taumbayan dahil sa kanyang kasamaan. Gustuhin man niyang magbago ay wala na ring gustong maniwala sa kanya - kahit ang sarili niyang pamilya.
Nagpatuloy ang misa hanggang sa ito'y nagwakas sa isang pagbabasbas ng banal na tubig. Lahat ng tao'y gustong maammbunan nito sapagka't naniniwala silang may dala itong swerte lalo't papalapit na ang Araw ng Kapaskuhan.
Lumabas na ang lahat sa simbahan at nagsimula nang bumili ng mga pagkain. Ang ila'y kumain ng puto bumbong na may kasamang mainit na tsaa. Ang iba nama'y bumili ng barquillos at kasoy.
Habang ang lahat ay masayang nagkakainan sa labas ay pawisan namang lumabas si Bernardo sa silid na kung saan namamalagi ang mga sakristan. Mistulang kabado pa rin kahit tapos na ang misa.
Nang walang anu-ano'y lumapit si Bernardo kay Cecil. Sinubukan niyang ayain ito na kumain nguni't tumanggi at sinabing, "Uuwi na kami ng nanay ko. Kailangan naming gumising nang maaga bukas. Salamat na lang sa imbitasyon".
"Ayos lang. Sa susunod na lang ulit", nakangiting sagot ni Bernardo.
BINABASA MO ANG
TANAW
Teen FictionPaano mo pinahahalagahan ang buhay mo? Ang taong mahal mo? Ang mga taong nagmamahal sa'yo? Paano kung huli na ang lahat? Susuko ka na lang ba?