Tanghaling tapat na nang magising si Bernardo. Sa pagmulat ng kanyang mga mata ay nasilayan niya sa kanyang munting bintana ang kumpol ng mga tao sa tapat ng kanilang tirahan. Lahat sila'y hinahanap si Don Pablito - ang kanyang lolo.
Si Don Pablito ay ang kasalukuyang kapitan ng Barrio Rafael. Tatlong taon na siya sa puwesto at marami nang nalalaman sa pulitika. Mayaman siya sa kanyang nasasakupan at sa katunayan, pangatlo siya sa mga pinakamayayamang tao sa buong lalawigan ng Geron. Maraming tao ang galit sa kanya dahil sa tatlong taong pamumuno niya sa barrio ay wala man lang naipagawang istruktura o naisagawang mga programa sa nasasakupan niya. Habang naghihirap ang San Rafael ay siya namang pagyaman niya.
Agad pinuntahan ni Bernardo si Don Pablito. Habang siya'y naglalakad ay namataan niya ang kanyang lolo sa hapag-kainan - balisa habang umiinom ng mainit na kape. Umupo sa tabi si Bernardo at nagtanong, "Hindi niyo po ba sila haharapin?". Agad namang sumagot ang matanda ng isang mahabang pagbiling ng ulo. Walang naisagot sa pagkakataong iyon si Bernardo. Sa halip ay lumabas siya ng bahay at hinarap ang mga tao.
"Huminahon po kayo! Sandali lang po!", sigaw ng binata.
"Tulungan niyo naman kami! Marami nang nagkakasakit! Lagi na lamang kaming umaasa sa wala! Mabigyan niyo man lang sana kami ng mga gamot o kaya nama'y magpadala ng mga doktor dito para makapagpatingin kami!", daing ni Julio na kasama sa grupo ng mga taong nasa harap ng tirahan ng mga Dela Torre.
"Nagsabi na ang ating kapitan na mamamahagi ang gobyerno ng tulong medikal sa inyong lahat. Maghintay na lamang tayo sa ating mga bahay at siya po ang lalapit sa inyo.", mariing pagtatakip ng binata sa kapitan.
Sa pagkakataong iyon ay nagpulasan na ang mga tao at nagsibalik na sa kanilang mga bahay. Napahingang malalim si Bernardo matapos ang pagtatakip na iyon. Alam niyang paglabag sa Diyos ang pagsisinungaling nguni't sa tagpong iyon ay nanaig ang dugong Dela Torre na nananalaytay sa kanyang mga ugat.
Agad siyang bumalik sa kanyang silid at lumuhod sa harap ng pigura ng Poon at nagdasal at humingi ng kapatawaran. At sa kanyang pagdadasal ay nakaramdam siya ng malakas na pag-uga.
BINABASA MO ANG
TANAW
Teen FictionPaano mo pinahahalagahan ang buhay mo? Ang taong mahal mo? Ang mga taong nagmamahal sa'yo? Paano kung huli na ang lahat? Susuko ka na lang ba?