"TAGAL MO naman brad. Saan ka ba nanggaling?" Tanong sa akin ni Yohan nang makarating ako sa tambayang kubo namin katabi ng cafeteria.
Nilapag ko muna ang binili kong pagkain at nakisuksok sa tabi ni Harold, isa pa naming kaibigan.
"May ginawa lang," tanging sagot ko. Di ko naman kailangan magkwento sa kanila.
Kumain na lang ako habang sila ay naguusap tungkol sa sasalihang Inter School Dance Competition. Si Harold kasi ang team leader at choreographer namin. Ang kaisa-isang extra curricular activity na sinalihan ko ay ang BTS, isang dance club.
Wala naman akong naintindihan sa mga sinabi nila dahil busy ako ubusin ang pagkain ko. Si Yohan na lang tatanungin ko mamaya.
Nilabas ko ang phone ko at nakiconnect sa wifi ng school. Blocked ang social media sites dito sa St. Ambrose Academy pero tuwing lunch time ay pinapayagan na nila kaming makapag-facebook. Kaya lang one hour lang. Kinginang yan, swerte ng mayayaman sa load.
Binuksan ko ang Facebook app at sinearch ang pangalang Tameca. Hindi naman 'yong babae kanina ang lumabas sa mga results. First name lang kasi naalala ko sa name niya, ang unique kasi. Hindi tulad sa pangalan kong kinapos ng letra.
Minsan talaga naiisip ko bakit Ian ang pinangalan sa akin ng parents ko. Ang ikli ikli. Wala man lang tuloy akong nickname. Kaya sa tuwing maririnig ko ang Ian napapalingon agad ako kahit hindi naman ako ang tinatawag. 19 years ba namang ayun lang ang natatawag sa akin e.
"Yohan may kilala ka bang Tameca?" Tanong ko at baka kilala niya 'yung babaeng 'yun.
"Tameca? Sino yun?"
Tignan mo to. Ako ang nagtatanong, itatanong din sa akin pabalik.
"Classmate natin 'yun sa Rizal kanina," sabi ko habang kamot kamot ang ulo ko.
"Si Tammy?"
Napalingon ako kay Jim. "Oo yata, alam mo facebook name?"
Para siyang gulat na gulat sa tanong ko kasi medyo nasamid pa siya. Masama ba? Bakit girlfriend niya ba?
"Bakit pre, crush mo?"
"Baliktad pre," sagot ko.
"Eh bakit gusto mo malaman ang Facebook? Stalker ka na pala," mapang-asar na sabi ni Jim at nagtawanan silang tatlo. Nag-apiran pa ang mga hayop.
"Gago hindi. Wag na nga! Tinatanong lang e," inis kong sabi. Layasan ko sila diyan e.
"Joke lang pre, iyak ka na. Tammy Andres."
Sasabihin naman pala dami pang satsat.
Sinearch ko ang Tammy Andres at lumabas nga siya. Friend ko na pala. Di na ako nagtaka, crush ako e. Baka gabi gabi ako netong iniistalk, sorry siya panay tagged photos lang laman ng wall ko.
Clinick ko ang profile picture niya at tinignan pa ang iba.