Kung paano nagsimula ang lahat...

22 0 0
                                    

Isang normal na araw sa aking paaralan, pero hindi ko inaasahan na may kakaunting pagbabago ang darating sa buhay ko at nangyari 'yon nang pumasok ka sa aming paaralan. Bagong estudyante, sinong mag-aakala na ang bagong estudyante ay makakapagpagulo ng normal na pamamalakad ng aking istorya.

Sikat ka, pero sa kabila ng kasikatan at ningning mo sa paaralang ito ay wala pa namang kumakalat na pinakaangkop na rason kung bakit ka pa lumipat. Mag-a-Agosto na, halos dalawang buwan na ang lumipas mula unang araw ng pasukan, bakit ngayon mo lang naisipang mag-aral? Teka, mali yata ang tanong...bakit ngayon mo lang naisipang lumipat ng eskwelahan?

Aaminin ko na sa'yo, na oo nga't gwapo ka pero kulang ang dating. Alam mo 'yon? May kakisigan ka namang taglay ngunit hindi mo alam kung paano mo ibabalandra ang biyayang mayroon ang mukha't katawan mo. Hindi mo ba naisip na may hitsura naman ako, dapat naman dalhin ko ito kung paano dapat ito pinagmamalaki. Isa pa, lagi kang walang imik, laging walang kibo... parang may sariling mundo. Siguro sa tuwing nakapirmi ka sa iyong upuan ay dumadapo sa isip mo ang iyong mga kaibigang naiwan mo sa dati mong paaralan, o kaya 'yung babaeng matagal mo ng gusto, o kaya naman 'yung mga personal mong problema sa buhay. Ikaw ang tipo ng tao na masyadong malihim, kaya nga ako naintriga sa'yo, e.

          Magkasalungat na magkasalungat tayo, ako 'yung nagmimistulang payaso sa silid-aralan, ako 'yung laging maingay at pabibo. Medyo nakakahiya nga rin dahil kababaing tao ko pero kung tumawa naman ako ay masyadong masaya, 'yung tawang parang wala ng bukas, tawang umaalingawngaw sa apat na sulok ng ating silid-aralan. Nang dahil sa pagiging pabibo ko sa'yo, na sinakyan mo rin naman, ay naging matalik tayong magkaibigan. Buti nga't hindi ka na gano'n katahimik tulad noon at aminin mo na, nagpapasalamat ka sa akin nang palihim kasi nakawala ka na sa pagpapanggap mong tahimik ka talaga! Nakabuo ka na rin ng barkada kalaunan, at mas naging bukas ang pagkatao mo para mas makilala ka. Ngunit ka na ganoo'y may oras ka pa ring nakalaan sa akin, lagi mo akong sinasamahan, madalas mo akong pinapatawa, kinukutya, inaasar at pinapangiti. Aba dapat lang! Kung hindi ako nagpapansin sa'yo noon, baka hindi lumabas 'yang kakulitan sa katawan mo.

Mas nakilala kita, at dahil doo'y sumidhi ang pagkainteres ko sa'yo. Nakilala ko 'yung pamilya mo, madalas mo pa nga akong dalhin doon para sumama sa munting pagsasalalo at sa kahit na ganoong kaliit na paraan ay nagagalak na ang puso ko. Ito na, nararamdaman ko na—nahuhulog na ang puso ko sa'yo... sana saluhin mo ako. Tinimo ko na sa aking isip na hindi 'to pwede, magkaibigan lang kami ni Ryan! Baka masira 'yung pinagsamahan namin kapag pinalala ko pa 'to pero sabi nga nila 'di ba, kapag dating sa pag-ibig ay laging hindi nagkakasundo ang isip at puso mo. Nakakalungkot kasi alam kong sa huli'y masasaktan lang ako.

Ikaw Rin PalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon