Ang mga taong nakapaligid sa'tin na madalas na nakasasaksi ng pagsasama at pagkakaibigan natin ay laging tinatanong kung may relasyon na ba tayo. Mapagpanggap na nga siguro akong tao kung sasabihin ko sa'yong naiirita ako sa ideyang 'yon pero sa totoo lang ay lagi kong hinihiling na magdilang-anghel sila para magkatotoohanan na, para hindi na ako mahirapan na itago pa ang pagmamahal ko sa'yo. Marubdob na pagmamahal... sa'yo.
Madalas mo akong mapakilig nang hindi mo nalalaman. Ultimo mga simpleng kilos mo lang na nagpapakita kung gaano ka kaginoo'y malakas ang tama sa akin. Ang pagbubuhat ng mga gamit ko, ang paghatid-sundo mo sa akin sa bahay at sa paaralan, ang pagpapayong mo sa akin tuwing umuulan at mataas ang sikat ng araw, ang pagpapahiram mo sa akin ng dyaket kahit na hindi ko naman hinihiram tuwing nanginginig na ako sa lamig ng hangin.
Pero siyempre, mas nakakapagpabilis ng puso at nakakapagpabaliw ng utak ko ang mga mabubulakak na mga salitang namumutawi sa iyong bibig. Mga salitang alam kong titimo sa akin buong gabi, mga salitang puno ng malasakit, mga salitang nagpapakilig, mga salitang dahilan kung bakit naghuhumarentado ang puso at nakakapagbuo ng araw ko.
"Mag-iingat ka palagi, ha?"
"Huwag na huwag mong pababayaan ang sarili mo"
"Magbati na tayo. Hindi ko kaya at hindi ko lunos na maisip kung wala ka sa buhay ko"
"Ang ganda mo talaga lalo na ng ngiti mo"
At dahil sa lahat ng pagmamalasakit mo sa akin ay hindi ko maiwasan ang ngumiti. Batiin mo lang siguro ako o kahit simpleng tapik mo lang sa ulo ko ay kusa ng kukurba ang aking mga labi. Ewan ko, simula nang naging kaibigan kita at simula nang nagkagusto ako sa'yo ay tila nagkaroon na ng sariling isip ang mga labi ko na ngingiti na lang kusa kahit na pinipigilan ko ang halo-halong sensasyong lumilibot sa aking katawan. Galak? Saya? Kaba? Takot? Takot na baka sa bandang huli ay ako lang pala ang pilit na kumakapit sa kahibangang may pagtingin ka rin sa akin.
Pero 'di ba sabi nila, kapag minsang may naramdaman ang babae ay maaring totoo nga ang kaniyang hinala? Sana nga po.
Hindi ako hipokrita para sabihing hindi ka gwapo, dahil totoo namang malakas ang dating mo pero hindi kita nagustuhan dahil do'n. Iba ka kasi sa kanila, natatangi. Mataas ang tingin mo sa mga babae at bakas naman sa mga kilos mo na nirerespeto mo kami. Ngunit kahit na maginoo ka naman sa lahat, lagi pa ring pinaaalala ng mga kaklase natin na iba ang pakikitungo mo sa akin. Espesyal raw, at imposible naman na ganoon na lamang ang malasakit mo aa akin dahil magkaibigan lang tayo. Kahit sila, ipinagdarasal at hinihiling na sana ako ang iniirog mo, tulad ng kung paano kita minamahal. Sana nga po, sana.
BINABASA MO ANG
Ikaw Rin Pala
Short StoryIsang maikling kwento tungkol sa pag-amin ng nararamdaman.