Kung paano niya inamin...

9 0 0
                                    

          "Niña, kailangan nating mag-usap. May kailangan talaga akong sabihin sa'yo"

          'Yan ang sambit mo sa akin pagkatapos na pagkatapos ng ating klase habang inaayos ko ang mga gamit ko. Hindi ko mapigilan ang galak na nararamdaman ko na nagbubukal sa aking puso at halo-halong emosyon na nagdudulot ng mababaw ngunit mabilisang paghugot ng aking hinga. Kaba? Oo! Sigasig? Oo ulit! Saya? Walang dudang masayang-masaya ako!

          Matagal ko nang hinintay ang ganitong pagkakataon, hindi ko alam kung bakit sa loob lamang ng dalawang malalaman mong pangungusap ay nahinuha ko agad na aamin ka na ng nararamdaman mo sa'kin. Hindi mo alam kung ilang beses ko na napapanaginipang isang araw ay hahawakan mo ang mga kamay ko, titingin ka nang diretso sa mga mata ko at sasabihing mahal mo rin ako, na hindi lang ako ang nagmamahal... ikaw rin pala. Tapos ano na ang susunod na kabanata sa ating pagsasama? Liligawan mo pa ba ako o sasagutin na kita kaagad? Ang tagal na kaya kitang hinintay! Ang tagal ko itong hinintay.

          Pagkatapos mong sabihin 'yon ay dali-dali kang umalis. Nagpunta ka na naman siguro sa parke, sa parteng may mahabang silyang angkop para makaupo nang maginhawa ang dalawang tao, sa parke na kung saan marami na rin tayong alaalang pinagbahagian. Mga araw na nagkakanadyaan tayo, mga araw na nag-uusap tayo ng kung ano-ano, mga araw na kumakain tayo ng sorbetes at mga paborito nating meryenda, at siyempre, ang mga araw na tahimik lang tayo–walang umiimik, ninanamnam ang hangin na kumukumpas sa ating buhok, ninanamnam ang bawat segundo, ninanamnam ang nakabibingi ngunit komportableng katahimikan.

Pagkatapos na pagkatapos kong ayusin ang aking mga kagamitan, sinukbit ko ang bag ko sa isang balikat at nagtungo sa labasan ng aming paaralan. Bawat hakbang na aking tatahakin ay mas lalong sumisidhi ang kasabikang nararamdaman ko. Totoo na talaga 'to, hindi na ako nananaginip! Kung noo'y sa panaginip pa lang ay hinihimatay na ako sa kilig, paano pa kaya kung aktwal nang mangyayari sa harap ng dalawang mata ko at mapakikinggan ng dalawang tainga ko kung paano mo iyon sasambitin habang hawak nang mahigpit ang aking mga kamay. Buntong hininga. Nagpakawala ako ng buntong hininga dahil sa kaluwagan ng aking dibdib.

Napatingin ako sa aking destinasyon, tatlong kanto pa papuntang parke. Tatlo pa.

Inalala ko 'yung araw na 'yon, isang normal lang naman na araw ng Agosto... pero dahil sa pagdating mo ay naging espesyal na ito sa akin. Sa una, nagtataka ako kung bakit ka pa lumipat pero ngayon ay nagpapasalamat ako dahil lumipat ka pa. Simula no'ng dumating ka sa mundo ko, lagi na akong masaya. Simula no'ng pumasok ka sa puso ko, naging interesado na ang bawat umaga ko. Simula no'ng naging parte rin ako ng buhay mo, sasabog na yata ang puso ko at kakawala na sa aking buto-buto.

          Ano ba 'yan, nang dahil sa'yo naging corny na ako.

          Nakalagpas na ako ng isang kanto, dalawang kanto na lang at makikita na kitang naghihintay sa akin, napangiti na naman ako.

          Tinawag ka ng ating profesora upang magpakilala sa harap. Ang gwapo mo talaga, hindi mo nga lang alam kung paano mo dadalhin. Kulang ka ng tiwala sa sarili. Payak lang ang iyong pagpapakilala, pangalan, edad at kung saang paaralan ka nanggaling.

          " Ryan Zach Santos. 16. Galing ako sa St. Ana's Immaculate School." ani mo nang may mababang tinig. Hindi ka pa makatingin nang direstso sa amin, hindi naman kami nangangain, a?

          "Salamat, G. Santos. Maaari ka ng umupo sa iyong silya"

          Sa pinakahuling hilera ka naatasang umupo, doon na lang kasi may bakante, at sa pangalawang hilera naman ako. Madalas ay lumilingon ako sa likod para pagmasdan ka at para na rin pagmatyagan ang kilos mo. Walang imik, sulat lang nang sulat, reserba ang ugali. Hindi mo alam na sa ganiyang sistema mo (na parang ayaw magpapansin) ay mas nagiging mainit ka sa mga mata ko. Nakakaintriga ka masyado kaya naman ginawa ko ang lahat ng pagpapansin, pangungulit at kahit pagpapalambing maging kaibigan lang kita. At 'yon nga, hindi mo natiis ang alindog ko, naimpluwensiyahan rin kita sa pagiging bibo ko.

          May kaputian ang 'yong balat, may tumutubo na ring buhok sa itaas ng iyong labi... bigote. Hindi nakataas ang buhok mo, nakababa lang at medyo tumatabing sa noo mo na lagi mo namang hinahawi pagilid gamit ang mga mahahaba mong daliri. Sa dalas ng pagtitig ko sa'yo, kahit na sa panaginip ay nagpapakita ka pa rin sa akin at nang dumating ang araw na ipinakilala mo ako sa iyong pamilya, doon ko na napagtanto... gusto na kita, Ryan. Gusto kita kahit na hindi ka mahilig sa palakasan, kahit na mas mukha ka pang mahinhin sa akin kahit na hanggang ngayon, gusto kita kahit na hindi ka masyadong malaman at may katabaan ang pisngi mo. Ang gwapo mo sa paningin ko.

          Muli na naman akong nakalagpas ng isang kanto. Mas nasasabik ako, mas kinakabahan. Malapit na malapit na ako, at sinong nakaaalam kung ano ang mangyayari pagkatapos nito 'di ba? Hindi na ako makapaghintay.

          Kumaripas na ako ng takbo, at hindi nga ako nabigo dahil dito ka nagtungo. Naaninag ko na ang likod mo, nakasandal at 'yung batok mo nakayuko. Tuliro ka yata? Hindi mo na kailangang mag-alala, gusto naman kita, e.

"Ryan" wika ko sa'yo at agad ka rin namang tumingala at lumingon sa kinaroroonan ko.

"Niña, halika upo ka rito" sabay tapik mo sa espasyo mo sa iyong tabi. Agad rin naman kitang tinabihan.

"Ano 'yung sasabihin mo?" tanong ko agad sa'yo, hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa. Hindi ko na kayang ikubli pa ang sensasyong bumabalot sa aking katawan.

Hinawakan mo ang magkabila kong kamay, nakita ko pang nanginginig ito. Humugot ka ng malalim na buntong hininga at hinuli mo ang mga mata ko sa nakakalunod mong titig.

"Niña, hindi ko alam kung paano ko aaminin sa iyo 'to, pero dahil ito na ang pagkakataon, hindi ko na ito palalagpasin pa" wika mo sa iyong seryoso at mababang tinig. Nauutal ka pa sa mga sinasabi mo. Gusto kitang tawanan pero dahil masyadong maganda ang sandaling 'to, ayokong masira.

"Ryan, ano ba? Ang ganda na rin ng samahan natin 'no, ano na nga 'yung sasabihin mo? Pinapakaba mo ako masyado"

"Sana pagkatapos nito magkaibigan pa rin tayo ha? Hindi ko talaga alam kung paano ko aaminin 'to, e. Aalis na ako agad kapag naamin ko na, ayokong makita 'yung magiging reaksyon mo"

Huwag ka mag-alala Ryan, may gusto rin ako sa'yo.

"Niña" sambit mo na naman sa pangalan ko, sabay hugot ng buntong hininga "Niña, bakla ako"

At kasabay noon ay agad ka ring tumakbo palayo sa akin. Samantalang ako naistatwa pa sa kinauupuan ko. Hindi ko alam kung anong hitsura ko ngayon, pero nasasaktan ako. Gusto kong umiyak, pero hindi ko naman magawa. Ilang minuto pa bago ko nagawang tumayo para umuwi. Ayokong mamasahe papuntang bahay, gusto kong maglakad. Gusto kong mag-isip-isip. Gusto kong magmuni-muni.

Akala ko ako lang ang may pagtingin sa lalaki...

Ikaw rin pala.

Ikaw Rin PalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon