Sulat ni Kh Sevilla
Naaalala ko pa, noong una kong masilayan ang 'yong mukha na naliliwanagan ng sikat ng araw tuwing magkikita tayo sa isang sasakyan na tila inihahatid tayo sa ating eskwela.
Naaalala ko pa, noong nagkakatinginan tayo ng hindi sadya tuwing magkasalubong tayo sa pasilyo.
Naaalala ko pa, noong ipinakilala ka sa'kin ng kaibigan mo dahil ako rin ang nagsabi sa kanya na gusto kong malaman ang pangalan mo.
Naaalala ko pa, noong nagkakausap lamang tayo kapag walang taong nakapalibot sa atin dahil pareho tayong mahiyain sa isa't isa at ayaw natin na hinihiyawan tayo sa loob ng eskwela.
Naaalala ko pa, noong magkasabay lagi tayong kumain sa canteen kasama ang iba nating kaibigan.
Naaalala ko pa, noong niregaluhan kita sa'yong kaarawan at tila kinantahan pa kita habang naggigitara.
Naaalala ko pa, noong umiiyak ka. Kinausap kita para lang makita kang ngumiti kasi hindi ko alam kung bakit ako nadudurog sa tuwing may umaagos na luha galing sa'yong mata.
Naaalala ko pa, noong araw na sinabi mo sa'kin na "Salamat, buti nalang may nabubuhay pang taong kagaya mo" at tila hindi ako makatulog ng maayos dahil lang doon.
Naaalala ko pa, noong araw na sinabi mo sa'kin na huwag muna kitang ligawan dahil natatatakot ka pang sumugal ulit dahil sa mga nangyari sa inyo ng nakaraan mo.
Sa totoo lang hindi ko alam kung bakit nasaktan ako doon.
Naaalala ko pa, noong itinatak ko sa utak ko na hihintayin kita kahit kailan.
Gusto kasi kita makasama sa pagtanda.
Naaalala ko pa, noong araw na makukuha na natin ang diploma. Hinanap kita noong natapos na ang programa kaso hindi na siguro kita naabutan.
Hindi man lang nakapagpaalam sa'yo.
Naaalala ko pa, noong pinagtanungan ko ang mga kaibigan mo kung saan ka nag-aaral pero masakit pala malaman ang katotohanan.
Nasa ibang bansa ka na daw.
Naaalala ko pa, noong tinatak ko sa utak ko na hihintayin kita hanggang sa magbalik ka sa bansa na kinatatayuan ko.
Naaalala ko pa, noong araw na inaalala ko ang mga bagay na nangyari sa buhay natin simula ng makilala kita.
Lalo na ang ngiti mo na hindi ko matanggal sa aking isipan.
Naaalala ko pa, noong araw na bumalik ka sa bansa para magbakasyon.
Naaalala ko pa, noong nagsama-sama ulit tayong magkakaibigan sa isang okasyon at tinanong kita kung hanggang kailan ka dito sa bansa pero sabi mo isang linggo lang.
Naaalala ko pa, noong sinulit ko ang isang linggo na kasama ka dahil namimiss kita.
Naaalala ko pa, noong hinabol kita sa airport para lang makapagpaalam pero hindi ulit kita nadatnan sa'yong pag-alis.
Hindi ko alam kung ano ang gusto ng tadhana para sa akin dahil ngayon pa lang nadudurog na ako.
Naaalala ko pa, noong nakibalita ako sa kaibigan ko na babalik ka daw ng bansa dahil may bibisitahin ka daw sa ospital diyan lang sa malapit.
Naaalala ko pa, noong pinigilan ako ng kaibigan mo na pumunta sa ospital na dadalawan mo at nirespeto ko nalang sila.
Naaalala ko pa, noong makalipas ng linggo ay nakita kita sa plaza at may kinakausap kang iba at tila nakita ko sa mukha mo yung ngiti.
Yung ngiti na naipipinta ko sa mukha mo noong nagkakasama tayo.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko dahil nagseselos ako.
Bakit nga ba ako nagseselos?
Naaalala ko pa, noong dumating ang araw na pinakahihintay ko.
Nagkausap tayong dalawa.
Nagsorry ka sa'kin pero noong araw na 'yon hindi ko alam kung anong meron.
Sinabi mo sa'kin ang lahat ng nangyari.
Nagkaayos ulit kayo ng nakaraan mo.
Naaalala ko pa, noong habang sinasabi mo sa akin ang lahat ng ito ay umaagos ang luha sa iyong mata.
Tinanong ko ang sarili ko kung papangitiin ulit kita tulad ng dati.
Naaalala ko pa, noong sinabi ko nalang sa iyo na tumahan kana at ayaw kitang makitang lumuluha habang ako'y nakangiti na parang walang nangyari.
Ayos lang ako.
Naaalala ko pa...
Hanggang sa ngayon...
Naaalala ko pa,
Na pinipilit pala kitang kinakalimutan.
Ngunit hindi ko magawa...
Nasaan na nga ba ang pangako kong hindi ko kayang gawin?
Wala na kasi akong hihintayin.