Cosmic 1: Sino siya?
9AM. Hindi ko maintindihan ang pakiramdam na nasa pila pa lang ako papuntang Megatrade Hall 3. AniCon na kasi! Excited na excited ako. Kahit na jinajabar na ako, oks lang. Dala dala ko kasi ang mga indies ko. Sa magkabilang kamay. Tapos may bag pang naka sukbit sa akin. Kulang pa ako sa tulog. Pero oks lang. Excited pa rin! Magbebenta kasi ako sa loob ng Megatrade Hall 3 ng indies. Ano ba ang Indies? Pinaikling Indie Komiks na pinaikling Independent Komiks o Self Published Comics. Gumagawa ako ng komiks tapos ako ang magpapa-photocopy, magpapaprint ng colored cover, magsi-staple, magtutupi, at magpaplastic. Tapos ibebenta ko yun sa event tulad ng AniCon o Anime Convention na kung saan ay pagbebentahan ko. First time ko talaga magbenta ng indies kaya kahit alam kong pangit ang drawing ko at hindi rin maganda ang pagkakagawa ko ng istorya ko, sige lang! Baka may magka interes. Pero feel na feel kong maganda talaga ang gawa ko. Kahit hindi naman talaga. First time nga.
Papasok pa lang ako sa loob ay natabig na ang mga dala dala ko at kumalat ito sa sahig. Wala na akong pasensya. Dalawang oras lang ang tulog ko at talagang inuugat na ang sintido ko sa sobrang asar!
“Suntukan na lang!” Sa loob loob ko lang naman sinabi yun. Pero inis na inis na talaga ako.
“Potek! Pulutin mo yan!” ito talaga ang sinabi ko.
“Chill ka lang tsong! Sorry! Hindi mo ba ako naaalala, Colt? Si William to!” sabi ng lalaking nakabunggo sa akin na nakaturo ang dalawang kamay niya sa mukha niya. At biglang nanlaki ang mga mata ko.
“ William! ‘Langya ka! Ikaw pala yan! Ano magbebenta ka rin ba ng indies?” sabay naming pinulot ng mabilisan ang mga kumalat na indies ko sa sahig. Buti na lang at kaibigan ko ‘to. Kundi. Naku naku!
“Wala tsong hindi umabot yung ginagawa kong komiks. Busy sa school e. Pero attend pa rin ako sa event kasi nandito ang crush kong cosplayer!,” sagot ni William.
“Haha! Ang hilig hilig mo pa rin sa babae a.” natatawa kong sagot.
“Syempre!”
Walang kupas talaga sa hilig.
Nasa loob na kami ni William. Tapos na akong mag register at direchong mesa na kami. Sinamahan niya akong maghanda sa booth kung saan ako magbebenta ng mga indies ko. At dahil first time ko, talagang todong todo kong binebenta ang komiks ko. Kahit kulang sa tulog ay paulit ulit kong sinasabi ang, “Mura lang tong komiks ko! Bili na bili na!” ‘Di naman tumagal si William at umalis na rin kasi nga hina-hunting niya yung crush niyang cosplayer.
Maganda ang reaksyon ng mga tao sa komiks ko. At sobrang feel na feel kong masterpiece talaga ang gawa ko! Kahit mali mali talaga ang pagkakadrawing ko ng anatomy. Pero mukhang ayos naman at binibili ng mga tao. Ang gawa ko kasi ay isang Gothic Gore story tungkol sa isang half human half halimaw at isang Fantasy na all about a rock band. Kahit 16 pa lang ako, hilig ko na ang dark theme sa mga gawa ko. Wala pa yatang 4 na oras at paubos na ang gawa ko. Limang kopya na lang ang natira. Bawi na ako sa ginastos ko at kumita na ako.
“Trade trade!” sigaw ng isang babaeng nagbebenta ng indie sa booth ko habang inaalok niya ang indie na hawak niya. Gawa niya yata ‘yon. Gusto niya makipagpalit ng indie niya sa indie ko. Mukhang okay! Hindi ko na kailangang gumastos. Singkwenta lang ang komiks ko at ang komiks naman niya ay Seventy pesos. OMG! Ang mahal a! Hindi na ako talo dito kung trade.
At dahil kuripot ako…
“Sige trade tayo!” nakipagpalit ako sa babae. Ang babae ay medyo morena pero maganda! Nakasalamin at naka pigtails. Geek ang itsura per maganda talaga.
“Ako nga pala si Jean!”
“Colt.”
“First time mong magbenta ng indie no?”
“Yep! Nakakatuwa at konti na lang ang natira sa indies ko,” sabay turo ko sa apat na lang na natitira kong indies
“Sa akin nga matumal. Kaya pinangtrade ko na lang,” sagot ni Jean. Alam kong malungkot siya kahit nakangiti. Kahit sino namang hindi bumenta ang gawa, nakakalungot talaga yun a.
Sa totoo naman kasi, ang mahal kasi talaga. Kung may mga papasok sa isang convention tulad ng AniCon, dapat mura lang ang benta mo sa indies mo. Kasi may entrance fee pa, may mga kalaban ka pang iba. So, mas mura, mas makakabenta. Akala mo naman kung sino akong best seller no? Dati kasi akong attendee ng Anicon bago ako mag debut as indie seller. At pagpasok mo pa lang lagas na ang salapi mo. Tapos pagkain pa. Tapos makakita ka pa ng gusto mong manga. Huli mo na rin mapapansin ang indies. Well, ganun ang nangyari sa akin. Di ko naman nilalahat.
“Sige alis na ako. Salamat nga pala,” sabi ni Jean na pabalik na sa booth niya na halos katapat lang ng booth ko. Nginitian ko lang siya habang bumabalik siya.
Bale apat na lang ang indies ko. Ayoko na, pagod na ako! Masakit na ng tuhod at paa ko! Sumisipa na ang pagod dahil nga kulang rin sa tulog. Pack up na!
Ililigpit ko na sana ang mga indies ko nang biglang dumaan ang isang cosplayer sa harap ko. Para sa inyong kaalaman, ang cosplayer ay yung mga nagsusuot ng costume at ginagaya nila ang kanilang paboritong anime, manga, game o movie characters mula itsura hanggang sa pagkilos. Isa siyang magandang cosplayer! Grabe, nanginig ako.
“Shucks.” Nabulalas ko sa sobrang ganda talaga niya. Pero ako lang ang nakarinig nun. Nakasuot siya ng Luzviminda costume. Si Luzviminda ay isang Neo Pinay Superhero. Parang Darna pero bago lang yung komiks na yun.
Sino kaya itong hottie na to? Mas matangkad siya sa akin. Naka high heels siya pero kung hindi siguro naka takong itong hottie na to. Kasingtangkad ko lang rin siya. Mga 5’5. Oo na, maliit na ako.
Parang bumagal talaga ang mundo ko at nakatulala lang ako sa kanya. Parang nasa shampoo commercial na slow motion ang scene at gumagalaw galaw pa ang buhok niya. Ay hindi niya pala tunay na buhok yun. Wig pala. May sumusunod sa kanya para pitcuran siya o di kaya magpa-picture kasama siya. Ang gandang babae talaga...
“HOY!” isang malakas na sigaw malapit sa tenga ko na ikinagulat ko.
“Ay! Potek!”
“Gusto mo siya ano, Colt?” Langya, si William pala! Nakaka-dalawa ka na a. Kanina tumilapon yung indies ko tapos ginulat ako na parang ikakamatay ko. Epekto siguro ng kape ko kanina.
“Sino ba siya, William?” di ako nagpahalata.
“Si Collette Corales! Bagong cosplayer ‘yan. Siya yung hina-hunting ko. Yung sinasabi ko sayo kanina.”
Gusto ko sanang magpa-picture kaya lang ang bilis maglakad!
Ayun! Nasa kabilang sulok na siya.
Ang layo niya na. Asan na? Asan na?
Wah! Wala na siya!
Hindi ko naabutan. Sayang! Medyo nalungkot ako pero ayos lang. At least alam ko na ang pangalan niya.
“Colette Corales…”
Iba talaga ang tama ko sa kanya. Igu-Google kita mamaya…