Malalim na ang gabi pero di ko pa rin ipinipikit ang mga mata kong balisa na sa kakaantay, natuyo na ang utak ko sa kakaisip sa kung anong dahilan at di ako mapakali sa higaan, nagsisimula nang magpawis ang singit kong di ko makamot dahil baka magising ang katabi ko sa kama, sumasakit na rin ang puson ko dahil sa naipong ihi sa pantog ko pero kapit lang sa bed sheet, di ako matitinag hangga't di ko naririnig tumunog ang cellphone kong isang hininga lang ang layo sa tenga ko.
Pero di ka pa rin nagtetext.
Naalala ko tuloy nang una kitang masulyapan, naglalakad ka sa catwalk na parang dyosang inaambunan ng kagandahan ang bawat sentimetro ng lupang inaapakan mo. Muntik ko nang maibuga sa katabi ko yung tahong namumog ko na sa bibig ko nung makita kitang dumaan. Pambihira ka, para kang anghel na inutusang bumili ng suka, kung magagawa ko lang magsalita nung mga oras na yon ay sigurado kong nilapitan na kita para makipagkilala, pero napipi ako sa detalye ng mukha mong pinapamukha sakin na mukha akong taeng naglalakad sa ibabaw ng lupa.
Tinamaan nako ng magaling.
Sinundan kita ng makita kong papunta ka sa library, alam kong mukha akong manyakis na stalker pero okay lang, kahit sana sa saglit na pagkakataon ay masulyapan ko pa ang mukha mong nakakabusog di lang ng pagkatao kundi pati ng kaluluwa. Nung maupo ka ay umupo rin ako malapit sa tabi mo, parang nakakahalata ka na sa galawang hokage ko pero okay lang ulit, ang makalapit sayo ay pagkakataong hinding hindi ko palalagpasin.
Saglit pa'y binuksan mo ang libro mo at nagbasa ka ng tahimik, habang sumasabay ang paggalaw ng mata mo sa mga linya ng salitang binasa mo ay nakapako naman ang mga mata kong nakatitig sayo. Di ko mapigilang mapanganga habang minamasdan kita, kalahati lang ng mukha mo ang nakikita ko pero nabuo na agad ang araw ko. Napalunok akong saglit dahil puno na ng laway ang bibig ko, napalakas siguro kaya saglit pa'y napabaling ang tingin mo sa mga mata ko.
Magkatitigan tayo't parang pinupunit naman ang dibdib ko sa kaba, pakiramdam ko'y sing lakas ng tambol ang bawat pagpintig ng dugong dumadaloy sa puso ko papunta sa utak. Yung laway na kaninang pumupuno sa bibig ko'y parang disyertong natuyo ng mapagtanto kong nakaharap ka sakin, sandali pa't kitang kita ko sa itim na kristal ng iyong mga mata ang repleksyon ng isang lalaking desperado sa atensyon mo, pero di man lang makaimik dahil sa takot na baka lisanin mo ang sandiling daigdig na binuo ko para sa ating dalawa.
"okay ka lang?" sabi mo.
Nung marinig ko yun ay umakyat lahat ang dugo ko pataas, namula kong parang tigyawat na anumang oras ay puputok na, mas mabilis pa sa thomas and friends ang pagtayo ko mula sa upuang hinahalikan ng aking puwit. Kumaripas ako ng takbo palayo na tila ba meron kang nakakahawang sakit. Ang katahimikan sa silid aklatan ay napalitan ng malalakas na yabag ng lalaking duwag sumugal sayo.
Patawad.
At ngayon alam ko na kung bakit di moko tinetext.
BINABASA MO ANG
50 Kwento Pabalik
Short StoryNakatayo ka sa gitna ng daan pauwi, habang binubuhat mo ang paa mo patalikod ay muli mong binalikan ang mga alaalang nilakaran mo pasulong. alaala ng pagkadapa... alaala ng pagiyak... alaala ng muling pagngiti... alaala ng minsan isang kahapon ay ku...