PROLOGO"Sige na mauna na kayo!" mahinang usal ng sampung taong gulang na si Sam habang nagtatago sila sa umpok ng mga drum.
"Ha? Pero paano ka? Baka mahuli ka ng mga parak?" nag-aalangang sagot ng kasama niya.
"Tsk! Ako pa?! Sige na, mahuhuli tayong lahat oras na hindi pa kayo kumilos!" may bahid na inis sa boses nito.
"S-sige, mag-iingat ka ha kundi malilintikan kami kina bosing." anang isa pa niyang kasama.
"Sige na magpapahabol ako sa kanila, pag lahat sila nakasunod na sa akin, sumibat na kayo." iyon lang at kinuha na niya ang atensiyon ng mga pulis na naghahanap sa kanila.
"Chief, ayon 'yung bata!" sigaw ng isang pulis matapos nitong makita ang pagtakbo ni Sam.
"Magmadali kayo habulin ninyo!" nanggagalaiting bulyaw ng isa pa.
Mabilis na tumakbo ang batang si Sam, kung saan-saan siya nagsususuot at sumisiksik.
"Nak ng putcha ayaw n'yo talaga ako tantanan ha!" pagmumura nito sa isip.
Napangisi ang bata nang may makitang ukayan ng damit, mabilis siyang humablot ng isa, gumilid sandali at isinuot ang nakuhang damit. Hinubad niya ang suot na cap kaya bumagsak ang mahaba niyang buhok. Saka naglakad ng normal.
"Nasaan na 'yong mga bata?!" narinig ni Sam na tanong ng pulis na nasa tabi niya.
"Punyemas! Ang bilis naman ng isang 'yon!" reklamo pa ng isa.
"Ang sabihin ninyo, ang kukupad ninyo! Mga bata lang ang hinahabol ninyo hindi n'yo pa mahuli! Mag-ehersisyo nga kayo, nang mabawasan iyang mga bilbil ninyo!" bulyaw ng kanilang chief.
"Mga gunggong!" mahina niyang usal. Nakangisi itong naglakad palayo sa lugar na iyon at tinungo ang hide-out.
"O, buti at nalusutan mo ang mga parak?" tanong ng kanilang pinuno na si Bungo. Kilala ito sa tawag na bungo dahil sa malaking tattoo ng bungo sa likod nito.
"Mga parak na walang silbi? Tsk! sisiw." nagmamalaki nitong sagot.
"Sisiw pala, o nasaan na ang mga nakulimbat ninyo?" inilapag nito ang hawak na baril sa lamesang kahoy at umupo sa upuan, isinandal ang likod sa sandalan at ipinatong ang mga paa sa ibabaw ng mesa.
"Hindi pa ba ibinibigay sa 'yo ni Badong?" kunot ang noong nilingon niya ang mga kagrupo.
"Wala, ang sabi ni Badong, hindi mo raw ibinigay sa kaniya."
"Anak ng putcha!" tinalikuran ni Sam si Bungo at nilapitan si Badong.
Di hamak na mas malaki ito sa kaniya pero hindi siya takot dito. Ngunit natigilan siya sa tangkang pagsugod dito ng makitang hawak nito si Niknik ang apat na taong gulang na itinuring na niyang kapatid.
Nakangisi si Badong sa kaniya, ang mga tingin nito na nagbabanta ang nagpatigil sa tangka niyang paglapit dito.
"Nasaan ang mga nakulimbat ninyo!" dumagundong sa apat na sulok ng bodegang iyon ang boses ni Bungo.
"Patawad boss, nalaglag ko sa pakikipaghabulan sa mga parak." nakayukong wika niya nang makalapit dito.
Galit na tumayo ang lalake at isang malakas na sampal ang inabot niya mula dito.
"Tinatarantado n'yo ba ako!? Alam ninyo kung ano ang ayaw ko sa lahat!"
"Boss, hindi po. Pangako babawi ako bukas."
Isang malakas na sampal muli ang ipinadapo nito sa kaniyang pisngi, ngunit hindi na niya ininda pa ang sakit, sanay na siya. Sanay na sanay na.
"Alam mo ang kaparusahan, Samantha! Alam mo kung paano ako magalit!"