MASAKIT PERO MASAYA

35 2 3
                                    

Hinahaplos. Kinakantahan. Kinakausap. Kargang-karga ko siya lagi saan man ako magpunta. Nagpapakabagabag sa akin t'wing kumikirot ka. Minsan daig pa ang kabayo kung manipa. Nakakagulat, ngunit kakausapin ka na h'wag pabigla sabay haplos pa. Ang kirot na ipinaparamdam mp, matamis na ngiti ang igaganti ko. Kinakantahan kita t'wing ako'y namamahinga. Hindi alintana ang bigat habang karga kita. Hinahaplos at kinakausap ka upang sa gayon ay mabatid mo na mahal kita. Mata ko'y lumuluha t'wing naninipa ka. Sa mga sandaling kumikirot na ay hinahagod lamang kita. Nang mahimasmasan at mabawasan ang sakit na nadarama.

Hindi ako mapakali sa t'wing magbabadya ka. Malikot. Naninikil. Kumikirot. Lumalabas sa aking katawan ang mala-butil ng monggo na nagkukumpulan at parang pagbuhos ng ulan na nag-uunahang makawala. Masakit. Mahirap. Makirot. Lagi kong dinadaing na 'andiyan na, lalabas na!' Masakit dahil ang buo kong katawan ay parang binubugbog na. Hindi malaman ang unang kakapain at paghuhugutan ng ng lakas para mapaglabanan ka. Mahirap na makirot sapagkat paasa ka. Kunwa'y lalabas na ngunit hindi pa pala. Minsan, kung magbadya ay sunud-sunod pa. Hindi alintana kung ano ang sasabihin ng iba. Minsan, gustung-gusto ko ng sumigaw. Nangingilid mga luha sa t'wing nahihirapan. 'Aray! Ang tanging sambit kung ika'y nanlilikot na.'

Upo. Tayo. Patuwad. Pahiga. Pagilid. Mga posisyon na ginagawa ko. Nang sa gayon ay maihanap kung saan ka mas kumportable. Ikaw anf sinusunod 'pagkat hinihintay kang lumabas na. Sa sandaling sumasakit na. Likod ko'y hinahagod, hinahaplos, at kakausapin ka. Tinatanong ka kung matagal pa ba. Irog ko'y h'wag na sanang pahirapan pa. Mabisa ang pakikipag-usap sa kaniya kahit 'di ka nakikita. Ilang minuto lamang ang nakalipas ay lumabas na din sa wakas. Masakit na masya ang aking nadarama. Masakit, sapagkat hindi ko alam ang kakapain; hindi alam ang uunahin; hindi alam kung sisigaw ako o hindi. Hanggang sa maramdaman kong nanghihina na ako. Pigil na pigil ang mga salitang isisigaw ko. Ang malamyos na haplos ni ina't ama ang naging sandalan ko. Iniisip kita irog ko na nais mong masilayan ang mundo. Hindi ko isusuko sapagkat maraming kinaharap na suliranin ang naranasan. Kahit hinang-hina na pilit ko pa ring pinagtibayan ang loob ko na ilabas ka. Sapagkat may karapatan siya. Karapatang masilayan ang mundong aking ginagalawan. Nang lumabas na siya, parang kabag sa tiyan na kapag uminom ng gamot ay gumagaan. Gumaan ang aking pakiramdam sa kaniyang paglabas. Sa wakas, pinakinggan ang aking hinaing. Pagmulat ko ng aking mga mata. Nasilayan ko ang maamo mong mukha. Unang pag-iyak mo na nagpagaan sa aking isip at puso. Nang hinaplos at hinagkan ka, tanging sambit ko lang 'ganito pala ang pakiramdam ng isang ina.' Nangingilid mga luha ko sa aking mga mata. Sa iyong paglabas, mahirap pero masaya.

MASAKIT PERO MASAYATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon