The Brave Susie

316 8 1
                                    

"Jeff! Jeff! Jeffrey!"

Sigaw nang sigaw si Susie habang pilit na kinakalas ang kamay sa nakataling lubid sa kanya. Tinatawag niya ang pangalan ni Jeff, pero hindi siya naririnig nito. Pareho silang dinala sa isang hindi pamilyar na kubo sa labas ng hotel.

Tama! Bakit nandito kami ni Jeff sa kubong ito? Nasaan na ang mga kaibigan namin?

"Jeff! Gumising ka! Jeff!"

Kahit ilang beses pang sumigaw si Susie ay hindi pa rin nagigising si Jeff. Iginala na lamang niya ang paningin sa loob ng kubo. Tanging ilaw na nanggagaling sa isang maliit na lampara ang nagsisilbing liwanag sa loob. May kalumaan na ang kubo. Sa dingding nito ay may nakasabit na iba't ibang uri ng patalim gaya ng kutsilyong panghiwa ng baboy, tinapay, at patalim na pang-sibak ng kahoy.

Mayroon ding mga lubid, kulay itim na packing tape, martilyo, at pako. Kung hindi nagkakamali si Susie, isa itong bodega o di kaya'y maliit na kubong tambakan ng mga kagamitang pang-karpintero, matadero, at iba pa.

Habang patuloy na iginagala ni Susie ang paningin, bumukas ang pinto. Tumambad sa kanyang harapan ang isang isang taong nakasuot ng itim na bonnet sa mukha. May katangkaran ito. Mataba at ma-balahibo ang balat. Pumunta siya sa direksyon kung saan naroroon ang mga patalim.

"Sino ka? Hoy! Magsalita ka! Tinatanong kita!"

Kahit anong pagsisisigaw ang gawin ni Susie, patuloy lamang itong pumipili sa mga patalim na nakasabit aa dingding. Tinangkang tumayo ni Susie habang ang kamay ay pilit na iginagalaw. Nagbabakasakaling matanggal, ngunit bigo siya. Sa tuwing iaangat ang sariling tumayo, napapa-upo siya. Nakatali rin kasi ang kanyang paa ng lubid.

Ilang sandali pa, nasa harap na niya ang matabang lalaki. May hawak na itong patalim. Isang patalim na gamit ng isang matadero ang kanyang napili. Itinaas niya iyon. Ipinikit na lamang ni Susie ang mata. Ang buong akala niya ay kakatayin na siya. Iyon pala, tinanggal nito ang pagkakatali sa kanyang paa.

Iminulat ni Susie ang kanyang mata. Hinawakan siya ng lalaki sa kaliwang braso at inalalayang tumayo. "Sino ka? Saan mo ako dadalhin?" Muli na namang tinanong ni Susie ang lalaki. Subalit, bigo pa rin siyang makarinig ng sagot mula rito.

Napansin ni Susie na palapit na sila sa pintuan palabas. At muntik nang mawaglit sa isip niya si Jeff. "Sandali! Ano ba! Sandali sabi e!" Pansamantalang tumigil ang lalaki at tiningnan siya nito. "Yung kaibigan ko. Hindi mo ba siya isasama?"

Umiling ang lalaki nang tatlong beses. Ipinahihiwatig sa kanya n hindi isasama si Jeff. Muling hinigit ng lalaki ang braso ni Susie. "Hindi puwede! Bitiwan mo ako!" Sinipa ni Susie sa pagitan ng hita nito ang lalaki. Nabitawan siya nito. Ngunit, mabilis na naibalik ng lalaki ang kanyang postura at nahawakan sa buhok si Susie. Halos mapunit ang anit nito.

"Aaaah! Bitiwan mo ako!"

Hindi nakikinig ang lalaki. Agad siya nitong binuhat na parang patay na hayop sa kanyang balikat. Nang mga oras na iyon, nagising si Jeff.

"Su-Susie?"

"Jeff! Jeff!"

"Bitiwan mo siya! Anak ng... Saan mo siya dadalhin?"

"Jeff!"

Hindi magawang makaalis ni Jeff sa kanyang kinauupuan dahil mahigpit ang pagkakatali sa kanyang kamay at paa. Sinundan na lamang niya nang tanaw si Susie habang palabas ng pintuan.

"Susieeeeeee!"

Isang malakas na sigaw na lamang ang kanyang pinakawalan sa loob ng kubo. Samantala, patuloy sa pagpupumiglas si Susie. Panay ang suntok nito sa likuran ng matabang lalaki kahit na may tali pa ang kanyang dalawang kamay.

"Ibaba mo ako! Saan mo ako dadalhin ha?"

Patuloy pa rin sila sa paglalakad. Nang malayo na sila sa kubo, nag-isip ng paraan si Susie kung paano siya ibaba ng lalaki. Umayon sa kanya ang oras dahil tumigil ang lalaki. Ibinaba siya. Inambahan lamang siya nito ng patalim at sandaling tumalikod upang magbawas ng tubig sa katawan.

Dahan-dahan namang gumapang si Susie nang hindi napapansin ng lalaki. Ilang metro pa lamang ang ginapang niya nang maramdaman niyang may humawak sa kanang binti niya. Lumingon siya rito at napagtantong nahuli na naman siya ng lalaki. Hindi na nag-aksay ng oras si Susie. Sinipa niya ang lalaki sa mukha.

Tatlo hanggang apat na beses niya iyon ginawa mabitawan lang siya. At nagawa niya. Agad siyang tumayo at tumakbo. Hindi siya lumingon. Kahit wala siyang alam sa lugar na tinatakbuhan niya, nagpatuloy lamang siya. Inisip na lamang niyang kailangan siyang makatakas upang makapag-isip ng paraan na mailigtas si Jeff at ang iba pa niyang kasamahan.

Hingal na hingal si Susie. Sinadya niyang tumigil at lumingon upang tingnan kung hinabol siya ng lalaki. Wala siyang nakita. Iginala at nakiramdam siyang muli. Wala pa rin. Ngunit, nang kanyang ibalik ang tingin sa harapan, isang malakas na sampal sa mukha ang kanyang natikman.

Nasa harap na niya ang matabang lalaki. Marahil kabisado niya ang lugar kaya nahabol pa rin siya at natagpuan. Napaatras si Susie. Duguan ang labi. Malakas ang pagkakasampal sa kanya. Halos mahilo siya, pero hindi siya nagpakita ng kahinaan sa harap nito. Pinanlisikan niya ang lalaki. Parehong matalim ang kanilang mga titig.

Hindi man bihasa sa pakikipagbuno si Susie, marunong naman siyang umilag. Nang akmang hahablutin siya ng lalaki, nakaiwas siya. Nang susuntukin naman siya, nakailag siya at buong puwersa niyang siniko ito sa likuran. Sinipa at sinuntok gamit ang kanyang dalawang kamao.

Subalit, wala ng laban si Susie nang ilabas at itaas na ng lalaki ang hawak nitong butcher knife.

"Papatayin mo na ba ako? Sige! Kung kaya mo!"

Idinaan na lamang ni Susie sa tapang ng pananalita ang eksenang kanyang kakaharapin. Kahit pawis na pawis at pagod na pagod na siya, ipinakita niya pa ring matapang siya. Nang susugurin na siya ng lalaki, isang malakas na palo ng malaking sanga ng kahoy ang dumapo sa batok nito.

Natumba ang lalaki at nawalan ng malay. Mulagat si Susie nang mapagtantong may tumulong sa kanya. Isang pamilyar na lalaki ang pumalo kasama ang isa pang hindi niya kilalang tao.

"George?"

"Susie!"

"Georgina!"

Tatakbo pa sana si Susie upang salubungin ng yakap ang kaibigan nang makaramdam siya ng pagkahilo. Maagap naman si Georgina at Marco at nasalo ang nawalan ng malay na kaibigan.

The Game of Death sa Laiya #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon