Simula

497 16 1
                                    

“ANAK, ‘di ka na ba talaga mapipigilan?” ulit na tanong ni Inay sa akin habang patuloy akong nag-aayos ng mga dadalhing gamit.

“‘Nay, gustuhin ko man na manatili rito pero alam nyo naman na para ‘to kay Itay ‘di ba? Gagawin ko ang lahat para sa kanya ‘Nay,” paliwanag ko at saka kinuha ang natitirang damit sa kahon. 

“Baka kasi mawala ka do’n,” patuloy nya. “Magulo sa siyudad…”

“Hay nako ‘Nay! Kaya ko ‘yon. Ako pa?” pangungumbinsi ko rito. Kahit ayaw kong umalis dito sa isla, kailangan ko pa ring lumuwas upang maghanap ng trabaho.

May sakit ang Itay ko sa kidney. Noon pa namin ito alam ngunit hindi naman naging aalahanin ito. Ngunit sa mga nakalipas na linggo, nagpakita na ng tanda ng pagkalubha ito kay Itay. Kadalasan ay sumasakit ang kaniyang gilid at pag-ihi na umaabot na sa puntong nawawalan ito ng malay. Naging dahilan ito upang magpasya akong lumuwas na lamang sa siyudad dahil hindi sapat ang perang nakukuha namin sa palayan. Talagang nangangapa na kami ng perang maipapanggamot. 

“Isama mo nalang kaya si Khian o si Ivy?” dagdag na mungkahi nito. Sinarado ko na ang dalawang bagahe na aking dadalhin sa siyudad. 

“‘Nay, huwag na. Basta kapag nagkapera na ako, papadalhan ko kayo rito kaagad.” Tumingin ako sa direksyon ni Inay at nakita ko kung paano ito humugot ng malalim na buntong-hininga.  

“Mag-ingat ka roon ah? Huwag kaagad maniniwala sa ibang tao.” May dinukot ito mula sa kanyang bulsa at ibinigay sa akin. “Tumawag ka kay Wilson kapag nakabili ka na ng sariling telepono mo. Iyan daw ang numero niya.”

“Sige ‘Nay.”

Dinala ni Inay ang dalawang bagahe ko at pumaunang lumabas sa silid. 

“Ano kaya ang mapapasukan mong trabaho roon?” narinig kong tanong nito. 

Inabot ko ang shoulder bag na nakasabit sa likod ng pintuan ng kwarto ko. Tiningnan ko muna ang laman nito bago lumabas ng kwarto. 

“‘Di ko pa alam ‘Nay,” sagot ko habang inaayos ang aking buhok. “Baka naman sa tindahan o kung sini-suwerte, katulong.”

Napasulyap ako kay Inay nang wala na akong marinig na tugon mula sa kanya. Malungkot ang mukha nito at mukhang maiiyak na. 

“‘Nay, b-babalik ako,” mabigat kong wika. Mahihirapan akong umalis kung patuloy na magiging ganito si Inay.

Lumapit naman ito sa akin at niyakap ako. “Balik ka ha?”

Tanging tango lang ang nagawa ko at hinagod ang likod nito. Kung hindi ako magt-trabaho, hindi namin maipapagamot si Itay.

“Tao po,” anang tao sa labas. “Manang Soria? Aliah?” Napahiwalay kami sa pagkakayapan ni Inay.

Sabay kaming lumabas sa bahay at nakita namin si Wilson doon. Pormang-porma ito. Nakapantalon at puting pang-itaas na may nakaprinta pang ‘Ang gwapo ko!’. Napailing nalang ako at bahagyang napangiti.

“Nandito ako upang sunduin ang inyong mahal na prinsesang si Aliah,” anito at yumuko. Napairap ako nalang ako at kinuha ang aking dalawang bagahe.

“Hijo, bagalan mo ang takbo mo ha…” 

Sumaludo naman ang loko at inabot ang mga bagahe na nasa kamay ko.

“Anak, talaga bang ayos lang sa ‘yo na hindi ka na namin ihahatid sa daungan?” alalang tanong ni Inay. 

Ngumiti ako at tumango. Mas mabuti nang hindi sila sumama sa amin dahil baka hindi ko na talaga makayanang umalis. 

Minasdan ko ang aming mumunting bahay sa huling pagkakataon at malungkot akong napangiti. Talagang mam-miss ko ‘to. Niyakap ko ulit si Inay ngunit sa pagkakataong ito, nang mahigpit. Bago pa ako maiyak ay humiwalay na ako at tumalikod. Sakto naming dumating si Itay na suot ang kaniyang pinakamamahal na sombrero. 

That Island GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon