i.

14 2 5
                                    

Naalala mo ba nung naging seatmate kita noong Grade 3? Ang ingay-ingay mo. Lagi akong nadadamay sa kaingayan mo kaya naman lagi akong nasusulat sa noisy noon. Inis na inis ako sayo nun. Naalala ko pa dati pinatayo ako ng 20 minutes ni Ms. Serrano kasi akala niya ako 'yung nagpipigil ng tawa sa klase niya kahit na ikaw talaga. Tawang-tawa ka nun kasi bukas ang zipper ni Ma'am. Tinignan kita nang masama nun. Asar na asar ako sayo. Kaso tinignan mo ko nang nagmamakaawa. Inabot mo ang papel sa akin na may nakasulat, "Wag mo kong sumbong! Patay ako kay Mama! :-(". Pasalamat ka at alam kong nakakatakot ang mama mo. Ayaw kitang mapalo ng hanger ng mama mo kaya di nalang ako kumibo.

Naalala mo ba nung 10th birthday mo? Tuwang-tuwa ka nung binuksan mo ang regalo ni Kurt. Paano ba naman, 'yung ang stuffed toy na gustong-gusto mo. Sa sobrang saya mo, nagtatalon-talon ka. Alam mo bang para kang engot nun? Pero mas engot pala ako. Sa akin kasi galing ang stuffed toy na 'yun, nagkabaligtad lang greeting card namin ni Kurt kasi parehas kami ng pambalot. Kaasar, ba't ba kasi usong-uso si Spongebob nun? Nagkaparehas tuloy kami! Tapos inaway mo pa akonun, akala mo 'yung tuwalya na Barney 'yung regalo ko sayo, eh alam ko namang ayaw kay Barney so akala mo inaasar lang kita. Pero 'di nalang ako nagsalita. Noong araw mo rin kasi sinabing crush mo pala si Kurt. Ayoko namang sirain 'yung tuwa mo kaya hinayaan ko nalang.

Naalala mo ba nung sinabi mong magpapractice ka para sa speech choir noong Grade 6 tayo? Hindi ako nakasali kasi mahina daw ang boses ko sabi ni Mrs. Fernando. Sayang, may plus points pa naman 'yun sa quiz. Pumunta ako sa may gym, kung saan kayo magpapractice, sabi mo. Umuwi na rin ang mga kalaro ko sa DOTA kaya naman tumambay nalang dun ako para hintayin ka. Alam ko kasing wala kang kasabay. Medyo tanga ka pa naman 'pag tumatawid sa daan, baka mapano ka pa. Pero inabot ako ng alas singko ng hapon, walang dumating na mga magpapractice. Lumabas ako ng eskwelahan at dumaan muna sa isang malapit na tindahan para bumili ng softdrink. Sa kabilang daan, nakita kita. Tatawagin na sana kita nang biglang dumating si Kurt na may dalang coke float tapos inakbayan ka. Iniwas ko ang tingin sa inyo, baka kasi makita mo ko. Buti nalang nakasalubong ko si Mrs. Fernando sa may tindahan, tinanong ko kung kamusta ang practice niyo. Sabi niya wala naman daw kayong practice ngayon. Kinabukasan, kinamusta kita. Sabi mo napagod ka sa practice niyo at late ka na nakauwi. Nginitian nalang kita kahit masakit. Baka magalit ka pa kasi sa akin kapag sinabi kong alam ko ang totoo at mukhang masaya ka naman kaya 'di ko nalang sinabi.

Naalala mo ba nung graduation natin sa elementary? Gonzales ang apelido mo, Villanueva naman ang sa akin, nasa pinakadulo. Badtrip ako nun, alam mo ba? Ilang oras 'din 'yung graduation. Nakakabagot. Wala na kong mapagtitripan! Ang layo ng upuan mo sa upuan ko. Kaya naman nag-ala Jimmy Neutron ako at nakaisip ng isang nakaka-brain blast na bright idea. Bago ang graduation ay bumili ako ng bagong sim card. Kinabukasan bago magsimula ang programa, tinext kita gamit ang totoong number ko, sabi ko, "San na u?", reply mo naman ay, "otw na". Dali-dali kong tinanggal ang sim card ko at inilipat ang bagong bili kong sim card at tinext ka, "Hi po. Nasagasaan po ang aso niyo sa tapat ng bahay niyo. Sorry po patay na siya." Tawang-tawa ako habang sinend ko iyon sa iyo. Halos maiyak ako sa kakatawa. Binalik ko ulit ang sim card ko at kaagad naman akong nakatanggap ng text mula sayo, "Malelate yata ako, Juds! Nasagasaan daw si Sushi. Huhuhu :-(" Nagsimula na ang pagmartsa at wala ka pa rin. Natapos na ang doxology, pag-awit ng Lupang Hinirang, at ang opening speech ng Principal natin pero wala ka pa rin. Noong isa-isa nang tinawag ang mga kaklase natin, sakto naman na nakarating ka. Hingal na hingal ka at halos matunaw ang make up mo. At dahil late ka, sa dulo ka pinaupo gaya nang pinagkasunduan kaya naman katabi kita. Kinamusta ko si Sushi, sabi mo naman ay mukhang na-wow mali ka lang. Badtrip na badtrip ka pero hindi ko maiwasang mapangiti. Kahit na pawisan at magulo na ang buhok mo ay maganda ka pa rin talaga. Noong araw na 'yun abot langit ang tuwa ko. Ang sarap mong pagtripan eh. Hindi ko sinabing ako 'yung nagbiro sa'yo sa text kasi gusto kitang katabi, kahit noon lang, baka kasi 'yun na 'yung huling beses na makatabi kita kaya hinayaan ko nalang.

Naalala mo ba nung nauso 'yung e-mail? Pagkagawa ko ng account ay ikaw kaagad ang minessage ko. High school na tayo noon at hindi na tayo magkaklase. Inenroll ako nina Papa dito sa isang private high school dito sa probinsya. Ikaw naman dahil matalino ka, pumasa ka sa isang Science high school sa Manila. Third year high school nang muli na tayong nagkausap dahil sa Yahoo! Messenger. Ang sabi mo ay masaya naman ang buhay diyan sa Maynila at nakakapasa ka sa mga subjects mo. Ang sabi mo pa ay ipapasyal mo ko diyan kapag parehas na tayong hindi busy. Halos gabi-gabi ay magkachat tayo. Nakwento mo rin na nagpropose sayo si Kurt noong prom niyo at sinagot mo na siya sa ilang taon niyang panliligaw. Magkaklase pala kayo ni Kurt, hindi ko alam. Kinamusta mo ko, sabi ko naman ay okay lang ako kahit na hindi naman talaga. Nasaktan ako. Nagselos ako. At doon ko narealize na mahal na pala kita pero wala naman akong karapatang masaktan kaya wala nalang akong sinabi.

Naalala mo ba nung nagkasalubong tayo sa isang hallway sa unibersidad na pinasukan mo? Dahil nawalan ng Internet sa amin ay 'di na tayo nakakapag-usap sa chat at hindi ko naman nakuha ang number mo kaya naman parehas tayong nagulat noon. Sa sobrang gulat ko ay napatulala ako. Ibang iba na ang itsura mo. Hindi ka na 'yung maingay at dugyutin kong kaibigan. Pumuti ka, humaba lalo ang buhok mo na brown at kulot na ngayon, 'yung suot mo... Halos mapanganga ako sa suot mo. Kung dati ay puro T-shirt at pantaloon lang ang suot mo, ngayon ay nakadress ka na pula na bagay na bagay sa kutis mo. Nahiya ako, paano ba naman, simpleng polo, pantaloon at rubber shoes lang ang suot ko. Parehas pala tayo ng piniling kurso sa parehas na unibersidad. Halos sa lahat ng subjects ay magkaklase tayo. Dahil na rin sa magkakilala na tayo ay tayo ang laging magkapartner sa mga reports at projects. Sabay din tayo sa paglulunch at tuwing uwian ay ihahatid muna kita sa dorm mo. Magdadalawang taon na tayo noon sa kolehiyo nang lumalim pa ang pagkakaibigan natin. Halos lahat ng sikreto ng isa't-isa ay alam na natin. Akala ko 'yun na. Sasabihin ko na sana na matagal na kitang mahal kaso bigla mong sinabing, "Ang swerte ko talaga at may kaibigan akong tulad mo, Jude." Kaibigan. Oo nga pala, kaibigan mo lang ako. Ayokong masira ang pagkakaibigan natin kaya tinawanan ko nalang.

Naalala mo ba nung gabing kumatok ka sa pinto ng apartment ko? Huling taon na natin iyon sa kolehiyo. Mag aalas onse na ng gabi noon. Buti nalang at gising pa ko nun kasi naglalaro ako ng paborito kong video game. Pagbukas ko nang pinto ay nagulat ako. Ikaw pala. Ikaw na isang masiyahing tao at laging nakangiti, umiiyak sa pintuan ng apartment ko. Hindi ko alam ang gagawin noon. Lasing na lasing ka. Hindi ko alam na umiinom ka pala. Ang sabi mo lang, hiniwalayan ka ni Kurt. Pinatuloy kita sa apartment ko. Buti nalang nakapaglinis ako nun. Sa sobrang kalasingan mo, inihiga kita sa kama ko. Iyak ka nang iyak. Hindi ko alam paano kita papatigilin. Ang sinabi ko lang, "Sige, iiyak mo lang. Ibuhos mo lang. Makikinig ako." Pero bigla mong hinila pababa sa mukha mo ang mukha ko at hinalikan ako. Nagulat ako. Alam kong mali ito. Pero hindi ko napigilang suklian ang mga halik mo. Iyon na siguro ang matagal ko nang pinapangarap. Ilang taon akong umasa na dumating tayo sa puntong iyon at nangyari na nga. Ipinasok mo ang kamay ko sa loob ng T-shirt na suot mo at tuluyan nang nag-init ang katawan ko sa paghaplos ko sa dibdib mo. Naging mabilis ang mga pangyayari at nangyari na nga ang hindi dapat mangyari. Hinalikan ko ang bawat parte ng katawan mo. Hinalikan kita, umaasang mababawasan ang sakit na nararamdaman mo. Pero alam ko noon, hindi ako ang makakapagpaalis ng sakit sa puso mo. Hindi ako ang hinahanap-hanap mo. Hindi ako si Kurt. Pero trinaydor ako ng katawan ko. Pasensya na. Mahal na mahal lang talaga kita. Kinabukasan, nagising ka yakap ko. Hilong-hilo ka pa at hindi maalala ang mga nangyari. Pero nang makita mo ko, nang makita mong nakahiga tayong walang saplot sa kama ko, naiyak ka. Sabi mo ay mali lahat 'to at dali-dali kang nagbihis at iniwanan ako. Hindi na kita pinigilan pa dahil mali ako kaya hinayaan nalang kita.

Pagkatapos nun ay hindi ka na pumasok sa klase. Araw-araw umasa ako na darating ka, nakatawa, at uupo sa tabi ko. Umasa ako na bawat pagbukas ko ng telepono ay makita ko ang pangalan mo sa inbox ko, na sana ay sinagot mo na ang mga mensahe ko, pero wala. Gabi-gabi binuksan ko ang e-mail ko umaasang may e-mail na galing sayo. Ilang linggo, ilang buwan... Hinintay ko ang pagbabalik mo pero wala. Hindi ka na bumalik.

Iniwan mo ko.

Hindi Ko NasabiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon