I. Aswang

17 0 0
                                    

"One. Two. Three. Action!!!"

Papauwi na ako sa aming bahay nang may madaanan akong nagsho-shooting sa kanto ng Sct. Torillo. Mga nakakostyum na parang aswang ang mga ekstra at para bang dadakipin nila ang isang artistang hindi naman nakakostyum. Tumakbo naman ang artistang ito dahil hinahabol siya ng mga kunwaring aswang. Siguro yung artistang hinahabol ang bida sa palabas. Bukod sa napakakinis na balat, kulot na kulay brown ang buhok at may magandang mukha, ay magaling din itong umarte na parang totoong takot na takot. Agad naman ding nakatakas ang babae mula sa mga kunwaring aswang.

Hindi ko alam kung bakit ako napatigil sa set nila. Naenganyo rin siguro akong panoorin sila dahil na rin sa nakakamanghang prosthetics sa mukha ng mga ekstra. Mukha talaga silang aswang.

Hindi ako naniniwala sa aswang. Okey? Lalong-lalo na't nakatira ako sa siyudad. Nakakatawang isipin ang mga taong takot na takot umuwi ng gabing-gabi dahil baka raw may dumagit sa kanilang aswang. Akala naman nila nasa probinsya kami. Ang ikinakatakot ko lang naman ay ang mga masasamang loob sa daan kagaya ng holdaper, kidnaper, at lahat na ng may per sa dulo. Hindi, biro lang. Pero takot talaga ako sa kanila kesa sa aswang na hindi naman totoo.

Patuloy akong naglakad hanggang sa ikalawang kanto mula sa lugar na may shooting nang may naramdaman akong parang may sumusunod sa akin. Agad ko namang niligon. Wala naman. Ipinagpatuloy ko pa rin ang paglalad nang may naramdaman ulit akong parang may sumusunod sa akin. Tiningnan ko ang paligid at wala naman akong nakita kundi ang poste ng ilaw na patay-sindi at mga bahay sa kalsadang ito na patay ang mga ilaw. Ipinagpatuloy ko pa rin ang paglalakad. Aking binilisan. At binilisan. Baka kung ano mang per ang sumusunod sa akin, o ang mas malala ay baka rapist pa iyon.

Ngunit huli na ata ang lahat, naramdaman ko ang kalabit sa aking balikat mula sa likod. Hindi naman ako tanga, pero ito'y aking nilingon. Dapat tumakbo na lang ako.

"Aaaaaaaah!", sigaw ko.

Hindi ako makapaniwalang may aswang nga talaga. O baka halimaw ang isang 'to.

"Makasigaw ka naman. Akala mo nakakita ka ng aswang!"

"Buwisit ka! Aatakihin ako sa puso sa'yo!"

"He he he. Pauwi ka na ba? Gusto mo bang ihatid na kita sa inyo?", tanong naman ng halimaw na 'to.

"Naku. H'wag na! Baka mapatay ka pa ni Papa at hindi ka na makauwi ng buhay."

Pero nagpupumilit pa rin ang halimaw na 'to at kumapit sa braso ko ng mahigpit.

"Ano ba, Gio? Ang kulit mo naman! Umuwi ka na sa inyo at gabing-gabi na!", saway ko sa kaniya.

"Ano rin ba, Ikay? Ikaw nga e gabing-gabi na nasa labas pa."

Makulit din ang isang 'to. Hindi ko nga alam kung bakit ko pa 'to naging kaibigan. Haaay.

"O? Ba't ang sama ng mukha mo? Halika nga rito!"

Buwisit. Binuhat ako ng kumag.

~

Tulog na tulog na ang lahat sa bahay. Lagi akong gabi kung umuwi dahil madalas ang pagtugtog at pagkanta ko sa mga gig. Gitarista at bokalista ako ng bandang Silent Screams. Madalas kaming naggi-gig sa Timog at Tomas Morato.

Binuksan ko ang laptop ko at balak ko sanang mag-compose ng kanta.

Ihip ng hangin
Humahaplos sa'king balat
Ihip ng hangin
(Gaya ng iyong pagkawala)
Kasabay ng iyong pagkawala

Ihip ng hangin
Ayk n wl n kng maisp

Isinara ko na ang aking laptop. Wala na akong maisip. Ako'y inaantok na sa ihip ng hangin na nanggagaling sa aking bintana.

Umihip ang hangin nang malakas na para bang 'di kagaya ng kanina na mapayapa. Ako'y napatingin sa bintana ng aking kuwarto. Bigla akong nagulat. Isang malaking nilalang ang nasa harap ng bintana ko. Nakasoot ng kulay itim at may dalawang malaking pakpak na kumakawag-kawag. Isang malakas na pag-ubo rin ang lumabas mula sa nilalang na para ba itong nasamid.

Ako'y natakot at bigla akong pumunta sa may bintana at dali-dali sanang isasara mga ito nang biglang napansin ng nilalang na ako'y papalapit sa bintana. Tinitigan niya ako sa aking mga mata. Mukha siyang pagod na pagod at parang may masamang nakain. Pinagpawisan ako nang husto at hindi ko alam ang aking gagawin.

Hindi ko naman namalayan na siya'y papalapit na ng papalapit sa bintana ng aking kuwarto.

"Aaaaaaah!", sigaw ko nang makapasok ang nilalang.

Ako'y napaatras ng lumapat ang kaniyang mga paa sa sahig ng aking kuwarto. Palapit siya ng palapit papunta sa aking lugar. Dug dug. Dug dug. Panay ang pagkabog ng aking puso. Hindi ko magawang sumigaw dahil parang nanuyo bigla ang aking lalamunan. Ipinikit ko ang aking mga mata sa sobrang pagkatakot. Naramdaman ko ang kanyang palad sa aking kaliwang balikat at naramdaman ko rin ang paghinga niya sa aking pisgi. Inilapat niya ang kaniyang labi sa aking tainga at sinabing, puwede bang makahingi ng tubig?

Napadilat ako ng marinig ang paggaralgal ng kaniyang boses. Hinarap ko siya at tumingin ako sa kaniyang mga matang pagod na pagod.

"Miss, puwede bang...", muli siyang umubo. "...makahingi ng tubig?"

Nakatitig pa rin ako sa kaniyang mga mata, hindi makapaniwalang kinakausap ako ng tulad niya.

Dali-dali naman akong bumaba sa kusina at kumuha ng malamig na tubig, nagsalin ako sa isang baso at dali-dali rin akong umakyat papunta sa aking kuwarto.

Dinatnan ko siyang nakahiga sa aking kama at parang pagod na pagod. Nang nakita niya akong pumasok sa kuwarto ay dahan-dahan naman siyang bumangon.

"H-heto ang tubig."

Nanginginig kong inabot sa kaniya ang isang basong tubig at agad naman niya itong ininom ng dire-diretso. Pero nang nakalahati na niya ang baso ay napaubo ulit siya at pagkatapos ay inubos na rin ang isang basong tubig na ibinigay ko.

"Miss, Gio nga pala...", inabot niya ang kanyang kamay.

Hindi ko alam kung dapat ko bang tanggapin ang kamay na iyon. Pero nakapagdesisyon din akong tanggapin ang alok niyang makipagkamay.

"...isang aswang.", pagpapatuloy niya.

Hindi na sana ako nakipagkamay sa kaniya.

Ingay ng KatahimikanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon