Chapter II.

203 13 1
                                    

[In the picture: Nelyn.]

[Nelyn's POV]

SA STA. FE ay hindi mapalagay si Nelyn habang nakatunghay sa dalampasigan. Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang umalis ang pinsan niyang si Heidi na nagbakasyon sa kanila. Nami-miss na kaagad niya ang pagkukulitan nila. May ibinalita rin ito sa kanya na ayaw man niyang aminin ay kinainggitan niya.

Pinag-uusapan na raw nito at ng boyfriend nito ang tungkol sa kasal. Halos magkasing-edad lang sila ni Heidi pero siya, kahit nagkaroon na siya ng nobyo dati ay hindi naman seryoso iyon. Hindi nga umabot nang isang taon ang relasyon nila. 

Ang inaalala niya, kung magkakaroon man siya ng asawa ay malamang na naisin nitong iwan nila ang Sta. Fe. Iyon ay kung tagaroon ang mapapangasawa niya. 

Halos lahat ng mga kabataan sa Sta. Fe ay nangangarap na lumipat sa siyudad. Marami na rin sa tagaroon na nagkapamilya ang nagpasyang lisanin ang lugar. Pero siya ay parang ayaw niya.

Ang tanga mo naman, hindi napigilang paglait niya sa kanyang sarili. Napakakakaiba yata niya sa mga kaedad niya na sabik na sabik makaalis sa islang kinalakihan nila. Masyado raw maliit ang oportunidad doon para umasenso.

Ang kapayapaan sa isla ang tiyak na pangungulilaan niya kapag umalis siya roon. 

Noon ngang pansamantala siyang tumira sa bahay ng isang tiyuhin niya para mag-aral ng kolehiyo ay para siyang pinarusahan ng katakut-takot.

Oo, nag-enjoy naman siya sa pamamasyal sa mga malls, natuwa siyang manood ng sine, maglakwatsa sa mga parke at iba pang pasyalan, pero dumating din ang punto na nagsawa na siya at ang hinahanap-hanap na ay ang kapayapaang tanging sa Sta. Fe lang niya natatagpuan.

Hindi naman sila masasabing pulubi. May ilang bangka ang inay niya na ginagamit sa pangingisda ng kanilang kababaryo. May ilang porsiyento sila sa mga huli. Idagdag pa roon ang kita nila sa taniman sa lupang ipinamana rito ng tiyahin nito.

Magmula ng maka-graduate siya ng kolehiyo ay tumutulong na siya sa inay niya sa pagkukuwenta, pagkukubra, at pagma-manage ng kinita nila. Hindi sila dukha, ngunit napakapayak lang ng kanilang pamumuhay.

"O, ano't nakatulala ka riyan?" anang inay niya mula sa likuran niya. "Nangangarap ka na naman ng gising. Alam ko kung ano ang iniisip mo, ang manirahan sa siyudad, ano?"

"Hindi po." tanggi niya. Totoo naman iyon.

"Normal na pangarap iyon," anito. "At kapag nagkaroon ka ng oportunidad ay dapat lang na samantalahin mo iyon."

"Si Inay, ang kulit. Hindi ko nga po gustong umalis dito. Ang iniisip ko pa nga, kung mag-aasawa ako, paano kung gustuhin niyang sa ibang lugar kami manirahan?"

"Asus, ang batang 'to. Bakit ba ganyan ang pinag-iiisip mo?" Kinabig siya nito at niyakap. Ilang sandaling hinagud-hagod lang nito ang buhok niya.

Magandang Biro Ng TadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon