Narinig mo na ba yung kanta ni Edward? Pinapatugtog na naman siya sa radyo. May naaalala ka ba dun? May mga nagfaflash back ba sayo? May nararamdaman ka din bang bigat sa loob? Naninikip din ba ang dibdib mo? May luha din bang lumalabas sa iyong mga mata?
Palagay ko'y wala na.
Ganyan ka naman e, manhid. Manhid ka. Sobrang manhid mo at di mo nararamdaman ang sakit na dinulot mo nung nawala ka. Nung iniwan mo ako. Pero bakit?
Naalala mo ba nung sinusuyo mo pa lang ako? Nung araw-araw kang nasa labasan ng kanto at nag-aabang na parang mangungulekta ng pautang? Nung hindi mo na ako nakitang dumadaan dun, lumapit ka sa tindahan na katapat ng bahay namin? Nung nilalaro mo pati aso namin para makakwentuhan si Inday at magtanong ng tungkol sa akin? Nung tinutulungan mo si Inday sa mga bilihin at pumasok ka pa sa bahay?
Sobrang nakakatawa kasi ayoko sayo noon. Sobrang naiirita ako kapag nagpaparinig ka ng mga banat mo. Sa twing maririnig ko ang mga tawa mo na nakikipaghalakhakan ka sa mga tambay sa tindahan ni Aling Tina. Sa twing maririnig ko ang tuwang tahol ni buchi at tinig ni Inday. Pati na rin ang pangtutukso niya sakin, sayo.
Pero nakita mo ba yung lihim kong pagtawa nung sa sobrang pagpapapansin mo, nadulas ka habang hinahabol si buchi o kaya'y nabubutas na mga pinamili ni Inday dahil sa sobrang bigat? Yung mga lihim kong tingin sayo kapag nagpapahangin ako sa veranda? Napapansin mo ba ang lahat ng yun?
Napapansin mo ba na unti-unti akong napapalapit sayo? Na unti-unti kang pumapasok sa isipan ko? Sa puso ko?
Gaya ng kanta niya, hindi ko alam kung paano o kailan kita nagustuhan. Sabi ng mga kaibigan ko noon, di mo naman ako seseryosohin. Sabi nila, ikaw daw yung tipong boy nextdoor, chickboy, nagpapaluha ng mga babae. Pero di ako nakinig, di ko sila pinakinggan. Mas malakas na ang sigaw ng puso ko noon kesa sa mga sinasabi nila. Nakakabingi na ang tanging nagpapatahan lang ay ang mga yakap at halik mo.
Ang saya-saya natin noon. Ang saya-saya ko noon. Lagi tayong nagpupunta sa park, kunyari ilalakad mo si buchi pero magdedate lang pala tayo. Nakakain ako ng sorbetes na bawal sakin dahil sa sakit ko sa tiyan. Ang sarap, kasing sarap ng mga halik mo sa ilalim ng lumulubog na araw. Minsan ay pinagbasa mo ako ng paborito kong libro hanggang sa nakatulog ka sa paanan ko. Kahit masakit na ang mga paa ko, kahit naduduwal na ako dahil sa sorbetes, hindi ako gumagalaw para makatulog ka ng mahimbing hanggang sa bumalik si buchi at dinilaan ka. Naging sanctuaryo natin ang park noon. Ang saya.
Inaakyat mo pa yung verandang lagi kong pinagtatambayan para magpahangin. Parang Romeo and Juliet na sa sobrang madalas, pati si Inday nagalit na. Napagkamalan ka pang magnanakaw noon ni Inday at binatuhan ng bakya. Ang laki ng bukol mo noon dahil dalawang bakya ang tumama sayo. Nagtampo ka pa dahil pinagtawanan lang kita. Pero napagod din si Inday at pinabayaan na lang tayong magkita. Minsan pinapapasok ka na lang niya sa bahay dahil may dala kang pagkain para sa kanya.
At nung pinakilala mo ako sa pamilya mo. Napakasaya ko noon dahil ang dami nilang alam tungkol sa akin. At tanggap nila ako para sayo. Akala ko di na matatapos ang kasiyahan ko, ang kasiyahang dulot mo.
Pero bakit? Bakit bigla kang nawala? Bakit bigla mo akong iniwan? Hindi ko alam kung saan ako nagkulang. Hindi ko alam kung bakit?
Isang araw biglang di ka nagpakita, pinalipas ko. Pinalipas ko kahit namimiss kita. Pinalipas ko kahit sumasakit ang dibdib ko. Akala ko dahil nasanay lang akong andyan ka kaya masyado akong nalungkot. Pinalipas ko ang araw nang hindi ako nakakain at nakaligo. Bigla akong nawalan ng gana. Bigla akong namatay. Isang araw.
Nagdaan ang ilang araw at kinabahan na ako. Nagpasama ako kay Inday para puntahan ka pero wala na kayo dun. Wala akong ibang dinatnan kundi kandado ng pintuan at isang karatulang 'For Sale'. Bakit?
Wasak ang puso kong umuwi at pilit na inaalala kung paano at bakit ka biglang nawala. Isa lang ang tanging pumasok sa isipan ko, yung sinabi mong pangako na "hinding hindi kita iiwan".
Ngayong nasa puntod mo na ako, lalong di na masasagot ang tanong ko. Alam mo ba kung pano kita nahanap? Dahil sabi mo sakin noon, "mahal na mahal kita, mamatay man ako at ipalibing sa lilim ng orange tree". Kadadalaw ko lang kina mama at papa. Andito ka rin pala. Ang sama mo. Ang sama sama mo. Hanggang ngayon, ang sakit sakit pa rin.
Pero paalam. At salamat sa mga masasayang alaala.