Isang Org ang abala sa ginagawa nilang movie.
Busy ang lahat.
Pagod, pero makikita pa rin ang ngiti sa mga labi.
Sandali silang nagpahinga.
Isa sa mga artista, si Mary ang kumuha ng tubig para iabot sa leading man at sa kabilang banda ay kasintahan niya na si Ken.
"Inom ka muna," sabi ni Mary.
Nakangiting tinanggap ni Ken ang tubig.
Pinunasan din ni Mary ang pawis sa noo ng lalaki.
"Wow! Ang sweet naman ng girlfriend ko," sabi ni Ken sabay dantay ng ulo niya sa balikat ni Mary.
Napangiti si Mary.
Ang eksena nilang iyon ay napansin ni Direk V.
"Ang sweet n'yo naman," puna nito. "Sabihin n'yo nga, paano ba kayo nagkakilala?"
"Ah..." Hindi nakasagot sina Mary at Ken. Nagkatinginan lang sila.
Si Angelito na assistant director namin ang sumagot.
"Direk, nagkakilala sila sa two days conference natin last year."
"Talaga?" Biglang nagkaroon ng kislap ang mga mata ni Direk V. "Ang nagagawa nga naman ng mga conference. Kaya kayo riyan na mga single..." Tumingin siya sa amin. "Dapat hindi n'yo palalampasin ang pag-attend sa mga conference, malay n'yo kagaya nina Mary at Ken, mahanap n'yo rin doon ang taong mamahalin n'yo!"
Kasunod ng sinabing iyon ni Direk ang tawanan at pang aasar ng lahat sa magkasintahang Mary at Ken.
Sa mga mata ni Direk V ang sweet nina Ken at Mary.
Sa mga mata niya sila na ang perfect couple, kagaya na lang nina Romeo and Juliet.
Sino nga bang hindi nakakakilala sa greatest couple na iyon?
Pero kung babalikan natin ang kuwento, si Juliet ba talaga ang unang minahal ni Romeo?
Ang totoo, hindi.
Bago si Juliet may Rosaline muna, pero extra lang naman siya.
Extra, katulad ng magiging role ko sa amateur film na ginagawa ng org namin ngayon.
Ngumiti ako at nagkunwaring natutuwa sa pang-aasar nila kina Mary at Ken. Hindi kasi nila dapat mahalata na affected ako. Kailangan kong magkunwari na wala na-- na nakalimutan ko na si Ken. Kung hindi ko ito gagawin baka maapektuhan nito ang movie na ginagawa namin.
Bigla akong napatigil sa kunwaring pagtawa nang biglang hawakan ni Ken ang buhok ni Mary. Dati kasi sa akin niya iyon ginagawa.
Pero iba na kasi ang sitwasyon ngayon.
Iba na.
Sadya ngang sa bawat movie o teleserye, may leading man, may leading lady, kontrabida, supporting at mga extra.
Alam ko naman na extra lang ang role ko sa ginagawa naming amateur film, pero sa buhay ni Ken, sa puso niya, extra na lang ba talaga ako?
BINABASA MO ANG
Romeo's First Love (RFL #1)
RomanceSa bawat kuwento mayroong leading man, leading lady, kontabida at mga extra. Paano kung sa simula leading lady ka, pero nauwi sa pagiging extra? Ipaglalaban mo ba ang role mo?