Kabanata I

338 41 14
                                    

(c) BaticangWriter for the kewl bc \o/
Another thing, check out the external link para makinig sa sound trip na aakma ^^

-----
Tila naulit na ang eksenang nagaganap sa kaniyang harapan ngayon.

Ang pinagkaiba lang ay ang bumubukas ay naglalakihang metal na tarangkahan at hindi tanaw ni Gris ang nasa loob.

Sa ilalim ng maliwanag na buwan ay nababagabag siya sa papasukin nila ng mga kasama, at napapaisip kung muli pa silang makalalabas. Ang seguridad na dapat nararamdaman niya ay napalitan ng mga kuro-kuro.

"Naisip n'yo ba na kung dumating kayo nang mas maaga, marahil mas marami pa kami ngayon?" sarkastikong usal ni Gris, niyayakap ang suot na diyaket sa sarili.

"Walang may gusto sa nangyari, Gris," tugon ni Faust. Maingay ang mga sundalo sa paligid. Isa-isang pumapasok pagkatapos masuri ng isang lalaking naka-salamin at plastik na guwantes.

"Hindi ba pwedeng paunahin n'yo na kaming pumasok?" daing ni Jess na lumapit sa tila estatwang babaeng sundalo na laging nakadikit kay Voltaire.

Hindi ito sumagot at sa halip, tinapunan siya ng isang malamig na titig na nagpasindak sa kaniya at atras pabalik kina Mavi sa likod ng sasakyan.

Nagpakawala si Gris ng buntong hininga at gaya ni Jess ay rumetiro pabalik kina Xyrell na umiinom sa disposable cup ng mainit na kape. "Kung may pagpipilian lang tayo..." saad niya hindi sa binate, kung 'di sa sarili.

"Sana nga mayro'n," sagot ni Xyrell, "Wag kang mag-alala. May mas malala pa ba sa pinagdaanan natin?" biro nito ngunit mapait na ngiti ang sumilay sa kaniyang labi. Malalim ang itim sa baba ng kaniyang mga mata. Kung maaari lang sana itong tanggalin ni Gris sa isang haplos lamang ngunit hindi siya isang salamangkera.

Mula sa malayo ay nagmamasid lamang si Rouge. Simula pa lamang ng paglalakbay ay may kakaiba na siyang nararamdaman, isang hinagap sa tiyak na hinaharap.

Kumikirot ang kaniyang ulo mula sa mga alaalang pinipilit magpaibabaw muli ngunit hindi niya lubos maisip.

"Ako nga pala si Darius, Darius Ramos." Isang boses ng lalaki ang humila sa kaniya pabalik sa realidad. Ito ang doktor na sumisiyasat sa mga sundalong sumundo sa kanila.

Inaasahan niyang aalukin siya nitong makipagkamay ngunit hindi iyon ang nangyari kaya't sumagot na lang siya. "Rouge Saavedra."

Iniwas niya ang tingin dito at hinagilap ang mga kasamang nililipon na ng mga sundalo. Binalik niya ang atensyon kay Darius at tumango, senyal na naintindihan niya ang gagawin.

Sumali siya sa pila, kasunod ni Gris. "Nawala ka a," bungad nito sa kaniya.

"Nasa tabi-tabi lang." Binigyan niya ito ng bahagyang pag-ngiti upang makumbinsi. Tila gumana ito sa pagpasok nila sa loob ng matataas na pader ng kampo. Ang mga pader na ito ay hindi lang mataas, kung 'di makapal rin para sa mga nakatungtong na bantay.

Napataas ng kamay sa kaniyang mata si Rouge. Para silang mga kriminal na tinututukan ng ilang spotlight. Hindi man nakaangat ang mga baril sa kanilang direksyon ay mapanindig balahibo ang atensyong nakatuon sa kanila at napabuo sila ng bilog nang wala sa isip bilang natural na depensa.

"Sumunod kayo," blankong utos ni koronel Adenhart bago patuloy na naglakad hindi sa entrada ng matatag na edipisyo, kung 'di sa gilid nito. Ang babaeng ito ay nagpapaalala kay Rouge ng isang soro dahil sa hugis ng kaniyang mata at matapang na dating nito.

Nag-aalinlangang tumango sa kanila si Xyrell, nasanay na sa pangunguna sa kanilang grupo.

Isang maliit na espasyo ang dinaanan nila. Kung para saan ito? Maaari lang siyang manghula.

Contained: Ikalawang YugtoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon