Kabanata II

33 2 1
                                    

Hindi makatulog si Rouge.

Malambot ang dalawahang kamang naitalaga sa kaniya at kumpara sa isang pabrika ay hindi hamak na mas mahalimuyak ang lugar na ito na tila ba binuo talaga para tirhan.

Kanina pa siya hindi mapakali, papalit-palit ng pwesto, ngunit hindi niya mahanap ang antok na ibinibintang niya sa adrenalin.

Umupo siya.

Pinag-aralan ang silid niya na hindi angat sa kulay kumpara sa gusali ng Alhambra Enterprise, ngunit mas bagay sa kaniya iyon. Wala itong bintana. Ang pinto at pasingawan sa kisame ang tanging daan papasok at labas ng kwarto.

Nahagip ng kaniyang mata ang isang makulay na bagay sa gilid ng kama, salaming paso para sa isang bulaklak, isang kulay pulang tulip na mistulang rosas sa gitna ng matinik na damuhan.

Kinuha niya ito at inipit sa pagitan ng mga pahina ng kaniyang sketch book na itatabi sana niya sa paghimbing.

Huli na ang lahat nang mapansin niyang gumagalaw na ang sariling mga binti, walang destinasyon ngunit tila may hinahanap. Sa kabutihang palad ay walang mga sundalong nagbabantay sa mga pasilyo.

Nakita man na nila ang kaniyang puri ay may kahihiyan pa rin siya na makitang nakasuot ng manipis na pantulog.

Natigil siya sa paglalakad, nakarinig ng mga boses na bumubulong sa hangin at sumandal sa pader bago lumiko sa interseksyon.

Tama nga siya at may dumaan doon na mga sundalo. Kasama ng mga iyon si Darius.

"Ihanda na ninyo ang laboratoryo, hindi magtatagal at gagamitin na natin iyon," makahulugang sabi ng doktor.

Palihim na sumunod sa kanila si Rouge. Hindi maganda ang kutob niya sa mga ito.

"Stupid civilians. Did they really believe that the end of the world was coming? We're in the Philippines, a freakin' archipelago. A fucking tropical country!" dagdag pa nito.

Malayo-layo rin ang tinahak ni Darius at ng dalawang sundalong kasama nito bago sila makarating sa harap ng isang pulang lagusan. Hindi basta-basta makapapasok dito dahil may pindutan ng passcode sa gilid nito.

Inabangan ni Rouge na magsimulang magtipa ang doktor. Papadikit na ang daliri nito sa pindutan.

"Bakit gising ka pa?"

Mabilis na bumalikwas si Rouge sa pinagmulan ng malamig na boses.

Kaharap niya ngayon ang sundalong si Kris, na hawak ang punyal nito. Wala mang ekspresyong pinapahayag ang mukha nito ay kasing talim ng punyal ang tingin nito.

Hindi niya magawang magsalita. Mabilis ang pagkabog ng puso niya at mas maingay pa ito kaysa sa ibang naririnig niya.

"Nandito ka pala." Boses iyon ni Gris. Pagkarating ay umakbay siya kay Rouge. "Naligaw ka ba papunta sa kwarto ko?"

Mabilis na nabasa ni Gris ang sitwasyon. Sa presensya pa lang niya, nabawasan na ang pag-aalangan ni Rouge.

Hindi alam ni Rouge kung bakit dumating sa pagkakataong iyon si Gris pero labis ang pagsasalamat niya. Lagi na lang siya nitong nililigtas.

"O-oo. Ang laki masyado ng lugar na 'to..." pagsisinungaling niya.

Ngumisi si Kris. Iyon yata ang unang beses na nakita ni Rouge na nagbago ang timpla ng mukha nito. "This area is off limits to civilians," maikli nitong saad.

"Colonel Kris Mazarine?" Dumating na rin si Darius. "Ooooh. What's going on?" pang-uusisa nito nang may malawak na ngiti. Kung bata lang siguro si Rouge, matatakot na siya sa mga doktor kung kamukha ng mga ito si Darius.

"They were just about to leave, Ramos," paliwanag ni Kris.

"Pasensya na sa abala," ani Gris. "Mauuna na kami."

Iginiya siya ni Gris sa kabilang direksyon at kusa namang sumunod ang mga binti niya rito.

Habang papalayo ay nararamdaman pa rin niya ang dalawang pares ng mata na nagmamasid sa kanila.

Nang makaliko sa pasilyo ay nagpakawala ng malalim na hininga si Gris.

Hindi lang pala siya ang nakaramdam na dapat mag-ingat sa dalawang iyon.

Doon din napagtanto ng dalawa na nakaakbay pa rin ang nakatatandang babae.

Mabilis na inalis ni Gris ang braso. Siya namang namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawa.

Kung saan sila patungo, hindi alam ni Rouge. Sinusundan lang niya si Gris. Sa tabi nito, komportable siya.

"Buti na lang dumating ako," pagbasag ni Gris ng katahimikan. "Hahanapin ko sana si Faust. Gusto ko sanang klaruhin ang sitwasyon natin dito."

"Mukhang may tiwala ka talaga sa kan'ya."

"Well, wala naman akong choice. Kailangan natin ng boses sa mga sundalong 'yon."

Ngumiti si Rouge. Isang malungkot na ngiti.

Akala nila ay makakamit na nila ang katahimikan sa pagdating nila rito. Ngayon ay gumagapang na naman ang pagdududa sa isip niya.

Kung tutuusin ay mas madaling sumunod na lamang. Pagod na rin siyang pangatawanan na may kakayanan siyang maging isang pinuno.

Pero nais niyang protektahan ang mga kasamahan nila. Naniwala si Louie na kaya niyang gawin iyon. Nais niyang protektahan si Gris.

Nagulat na lamang siya nang may pumitik sa noo niya.

Pag-angat niya ng tingin ay nakangiti sa kaniya si Gris.

"Lagi mong ginagawa 'yon. Nagsasarili ka ng mundo."

Walang lugar ang makapapantay sa ngiti nito. Ito ang santuwaryong nais niyang protektahan.

Umalik-ik siya. "Pa'no mo naman nasabi?"

"Tumatahimik ka na lang bigla. Tapos parang may malalim kang iniisip," sagot ni Gris.

Hindi namalayan ni Rouge na nakarating na pala sila pabalik sa silid niya.

Ayaw pa sana niyang magpaalam. Minsan lang niya masarili nang ganito ang nakatatandang babae.

"Hindi naniniwala si Xyrell na dapat tayong maging alerto sa mga sundalong 'yon. Ikaw ba, ano sa tingin mo?"

Hinihintay ni Gris ang sagot niya.

Kung mas matapang lang siguro si Rouge, marahil ginamit na niya ang pagkakataon na ito para pahabain ang pag-uusap nila. Pero alam niyang kapag binahagi niya ang narinig niya, kakailanganin din niyang sabihin iyon sa iba, at hindi na niya maso-solo si Gris.

Gusto niyang maging makasarili, kahit ngayong gabi lamang.

"Marami nang napagdaanan si Xyrell. Naiintindihan ko naman siya," tangi niyang nasabi.

Hindi kuntento roon si Gris, at alam niya iyon.

Pumasok siya sa kwarto at umupo sa kama dahil alam niyang susunod din si Gris.

"'Yon na nga rin ang dahilan kaya dapat kunin na natin ang manibela kay Xyrell."

"Pwede bang... ipagpabukas na natin 'to?" hiling ni Rouge, nakikiusap din na sana ay hindi pa kaagad umalis ang kausap.

Nanlambot ang mukha ni Gris, napagtanto na masyado na naman niyang itinutulak ang sarili niya.

"Sige." Umupo ito sa tabi ni Rouge. "May iba ka bang gustong pag-usapan?"

Marami.

Marami siyang gustong sabihin.

Maraming gustong itanong.

Walang lumalabas sa bibig niya.

"Gris? Pwede ka bang mahiram saglit?" Dumungaw si Jess sa entrada.

Tumayong muli si Gris at ngumiti nang pamamaalam sa kaniya.

"Usap ulit tayo next time?" alok nito sa kaniya.

Tumango siya, saka pinanood itong umalis kasama si Jess.

Hiram na sandali lang ang mayroon sila.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 10, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Contained: Ikalawang YugtoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon