Entry #2- Halika, Althea

150 10 3
                                    

Halika, Althea.

Pumasok ka na sa kwarto't ilapag ang iyong gamit.

Umupo ka sa kama at hayaang lamunin ka ng iyong galit.

Isa-isahin mong alalahanin ang rason ng iyong pighati.

Tandaan mo. Balang araw, ikaw ri'y makakaganti.


Sana'y nakilala mo ang isa kong naging kaibigan.

Tulad mo'y puno rin ng pagkapoot ang puso ni Enad.

Minsan siya'y napagbintangang nagtutulak ng droga.

Sapilitan siyang kinuyog at walang awang itinapon sa selda.

Araw-araw niyang tinitiis ang pang-aalipusta sa kanya ng pulisya.

Paulit-ulit siyang pinagsusuntok at pinagtatadyakan ng mga walang konsensya.

Kaya nang makakita ng pagkakataong maagaw ang baril sa kamay ng isa,

Agad niyang pinaulanan ang mga ito ng bala.

Muling umusbong ang malapad na ngiti sa pagitan ng kanyang mga labi,

Kahit na alam niyang kamatayan ang magiging kapalit ng paghihiganti.

Isa, dalawa-- tatlong bala ng baril ang sunod-sunod na tumagos sa kanyang katawan.

Magaan niyang tinanggap ang simula ng kanyang walang hanggang kalayaan.


Tama iyan, Althea.

Ramdamin mo ang poot na gustong kumawala.

Hayaan mong lumabas ang galit na matagal mo nang kinikimkim.

Alam mo bang ika'y tumatapang kapag ang paningin ay dumidilim?


Tumulad ka kay Reynan na nawala sa kanyang huwisyo.

Nang makita ang kasintahan sa kama ng iba'y biglang nag-init ang ulo.

'Di na kaila sa kanya ang pagtataksil ng kanyang nobya.

Ngunit nang makita na ng mismong mata'y 'di na niya ito masikmura.

Binunot niya ang baril na siyang gamit niya sa pagpapatrolya.

Itinutok, ikinasa at walang pakundangang pinagpaputukan ang dalawa.

Sa halip na lungkot ay labis na kasiyahan ang naramdaman.

Dahil kahit na sa kamatayan, alam niyang hindi na siya mapagtataksilan.

Nakangisi niyang inilapat ang bunganga ng baril sa sariling sentido.

Pinagmasdan niya ang mukha ng minamahal at saka'y ikinalabit ang gatilyo.

Labis ang pagmamahal niya sa kanyang kasintahan.

At kahit ano pang mangyari, ito'y kanyang susundan.


Tignan mong mabuti, Althea.

Pagmasdan mo ang iyong pulsong punung-puno ng marka.

Ramdamin muli ang talim ng bleyd sa'twing ika'y nalulungkot.

'Di ba't may lakas at kaligayahang sensasyon itong naidudulot?

Kaya tahan na, Althea. Huwag kang mag-alala.

Marami kayo. Hindi ka nag-iisa.


Humayo ka na't sundan si Axel sa napili niyang destinasyon.

Lisanin ang mundo ang naging kanyang huling desisyon.

Nang minsang ikulong ng ina sa kwarto'y doon niya napagtanto.

Pagod na siyang maging sunud-sunuran sa lahat ng mga kagustuhan nito.

Sumulat siya ng liham at ibinuhos dito ang pait na nararamdaman.

Pinilit niyang intindihin ngunit tila'y umabot na ang lahat sa sukdulan.


Siya'y naging isang masunuring anak, huwarang estudyante at tapat na kaklase.

Ngunit sa loob ng sariling bahay ay naturingan siyang walang silbi.

Ni isa sa kanyang mga magulang ay walang panahong makinig.

Wala man lang nagbigay ng importansya sa kanyang mga kagustuhan at hilig.

Kaya ngayon, ipapadama niya sa kanila kung ano ang pakiramdam ng mawalan.

Inilapag niya ang liham sa kama at saka'y humanap ng upuang maakyatan.

Bumungad ang nakasabit na lubid na siyang ginawa niyang kwintas.

At bago tuluyang tumalon, isang wagas na ngiti muna ang kanyang ipinamalas.


Halina't magpakalayo na, Althea.

Sumunod ka na sa kanila.

Takasan mo na ang mundong ito na mapanghusga.

Pangako ko'y hindi ka magsisisi kapag ikaw ay nasa alapaap na.


Lahat ng sakit na iyong nararamdaman ay mapapalitan.

Tulad ng nangyari kay Emma nang siya'y lumisan.

Halos tinakasan ito ng bait nang malamang namatay ang anak at asawa.

Pinilit niyang makalimot sa pamamagitan ng alak at droga,

Hanggang sa maging ang sariling katawan ay ibinenta.

Inakala niyang ito ang magbibigay sa kanya ng panibagong saya.

Ngunit sadyang nalamon na ang puso niya ng pighati't kalungkutan.

Wala na siyang ibang maisip na solusyon kundi harapin ang kamatayan.

Taimtim itong nagdasal para humingi ng kapatawaran sa Maykapal.

Matapos nito'y pumunta sa kalapit na tulay at saka masayang nagpatiwakal.


Kaya sige na, Althea.

Kunin mo na ang patalim na nakatago sa iyong mesa.

Tularan mo na sina Enad, Reynan, Axel at Emma.

Lisanin mo na ang mundong ito at magpakasaya.

Idiin mo pa ang matalim na bakal sa iyong pulso.

Tiisin mo ang unti-unting paghapdi mula sa pagtagas ng iyong dugo.

Alalahanin mo ang pag-iwan sa'yo ng pinakamamahal mong ina.

Ilabas mo ang iyong kinikimkim na galit nang gahasain ka ng iyong ama.

Hayaan mo ang unti-unting paghina ng iyong katawan.

Pagkatapos nito'y isang paraiso na ang iyong masasaksihan.


Ganyan nga, Althea.

'Wag kang mag-alala.

Tignan mo ang repleksyon sa harap ng salamin.

Pagmasdan mo ang pagkurba ng iyong labi sa bawat pagdiin ng patalim.


"Althea, anak."


"Mama."


"Andito na uli si mama. Lumabas ka na. Miss na kita."


Hindi.

Huwag kang makinig sa kanya.

Sa'kin ka sumama.

Sa'kin ka liligaya.


Kaya halika na, Althea.

YSSF 2: Final WaveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon